Digital Lamang: Mga Young Adult
Noong Mahirap ang Buhay, Nakasumpong Ako ng Kapanatagan sa Seminary at Institute
Mula nang sumapi ako sa Simbahan, dumalo na ako sa seminary at institute para mapangalagaan at mapalakas ang aking pananampalataya.
Nalaman ko ang ipinanumbalik na ebanghelyo noong 11 taong gulang ako.
Sumapi ang mga kuya ko sa Simbahan noong bata pa sila pero tumigil sila sa pagdalo. Isang araw binisita ng mga missionary ang kuya ko at inanyayahan siyang bumalik. Bumalik nga siya, at dahil doon ay nagsimba ako, tinanggap ko ang ebanghelyo, at nagpabinyag ako.
Naging mahirap ang sumunod na ilang taon dahil sa iba’t ibang kadahilanan. Nalantad ako sa maraming klase ng pamumuhay na salungat sa mga turo ng ebanghelyo. Kahit sinuportahan ng mga magulang ko ang pagsisimba namin, hindi sila miyembro ng Simbahan at iba ang kanilang mga pamantayan. Kaya wala akong pundasyon sa bahay para espirituwal na lumago.
Sa panahong iyon, ang pagdalo sa seminary at pakikipag-ugnayan sa mga youth leader ko ay talagang nakatulong sa akin na malagpasan ang mga paghihirap at manatiling tapat sa ebanghelyo. Espirituwal akong lumago dahil sa mga pagsisikap ng mga guro at iba pang mga miyembro ng Simbahan na nagmahal sa akin at nagmalasakit sa aking paglago.
Kalaunan, sa paghihikayat ng aking Young Men president at iba pang mga lider, nagmisyon ako. Ang dalawang taon na iyon ay naging isang napakagandang pagpapala sa akin at sa aking patotoo. Ginamit ko ang lahat ng bagay na natutuhan ko sa seminary, at ibinahagi ko ang ebanghelyo sa maraming tao.
Gayunman, nang umuwi ako, naharap ako sa mas mabibigat na pagsubok.
Pag-uwi at Pagkatutong Magtiwala
Ang pagpapanatili ng inyong pananampalataya, inyong patotoo, at inyong espirituwalidad pagkatapos ng misyon ay maaaring mahirap. Ngunit ang isang bagay na nakatulong sa akin na manatiling matatag pagkatapos ng aking misyon ay ang institute.
Naging mithiin kong subukang dumalo sa mga klase sa institute bawat linggo, at naging napakahalaga ng desisyong iyon sa buhay ko.
Naghanap din ako ng trabaho, pero wala namang nangyari. Nabalisa ako sa kawalan ng trabaho, at niyaya akong minsan ng isa kong kaibigan na sumama sa kanya sa trabaho. Kasama sa trabaho ang pag-iimbentaryo ng alak at pagtatrabaho tuwing Sabado ng gabi—may institute ako sa gabi ring iyon, kaya nag-atubili akong tanggapin iyon.
Tinanggihan ko ang kaibigan ko, pero patuloy niya akong niyayang sumama sa kanya sa trabaho. Paubos na ang pera ko, at siya lang ang may alok na trabaho. Kaya naisip kong tanggapin ang trabaho.
Nagpasiya akong itanong sa Ama sa Langit kung ano ang dapat kong gawin. Nadama ko ang Espiritu na pinatototohanan sa akin na kung hindi ako dadalo sa institute, malamang na humina ang aking patotoo. Nadama ko ang Espiritu na pinagtitibay sa akin na hindi ko dapat tanggapin ang trabaho, at muli kong tinanggihan ang paanyaya ng kaibigan ko.
Hindi ako sigurado kung ano ang gagawin ko kung hindi ako makahanap kaagad ng trabaho, pero nagtiwala ako sa landas na nais ng Ama sa Langit na patuloy kong sundan.
Nang sumunod na linggo sa institute, nalaman ko na may job opening bilang self-reliance coordinator. Nag-apply ako, ininterbyu, at natanggap sa trabaho. Alam ko na inilagay ng Panginoon ang oportunidad na iyon sa aking landas.
Saan Ako Nakasumpong ng Ginhawa at Lakas
Ang naging mga karanasan ko habang dumadalo ako sa seminary at institute ay nagpalakas sa pananampalataya ko kay Jesucristo at binago ang buhay ko, tulad ng ipinangako ni Pangulong Russell M. Nelson sa mga kabataan at young adult ng Simbahan: “Ano, kung gayon, ang makatutulong sa inyo na maging tapat na disipulo ni Jesucristo? Ang isang sagot ay ang seminary at institute—hindi lamang pagdalo kundi aktibong pakikibahagi sa klase at tapat na paggawa ng anumang assignment na ibinigay.”
Mula nang magkatrabaho, naging madali na ang buhay. Ngunit sinisiguro kong unahin ang Panginoon at magsimba, kumapit sa Aklat ni Mormon, gampanan ang tungkulin ko, tumanggap ng sakramento, at dumalo sa institute. Ang mga bagay na ito ay tumutulong sa akin na makasumpong ng ginhawa, kahit noong kumplikado ang buhay ko. Labis akong nagpapasalamat sa lahat ng resources natin sa ebanghelyo ni Jesucristo!
Sana’y matulungan kayo ng institute na makahanap ng ginhawa at pag-asa sa Tagapagligtas tulad ng nangyari sa akin.