2025
Pakikinig sa Tinig ng Diyos—Pagtanggap ng Personal na Paghahayag
Pebrero 2025


Digital Lamang: Mga Turo ng mga Pinuno ng Simbahan mula sa Social Media

Pakikinig sa Tinig ng Diyos—Pagtanggap ng Personal na Paghahayag

Tingnan kung ano ang naituro ng mga buhay na propeta at ng iba pang mga pinuno ng Simbahan sa social media tungkol sa pagtanggap ng paghahayag.

Jesucristo

Gentle Healer [Magiliw na Tagapagpagaling], ni Greg Olsen

Sabi ni Pangulong Russell M. Nelson, “Higit na mahalaga ngayon na malaman kung paano nangungusap sa inyo ang Espiritu.” Inaanyayahan tayo ni Pangulong Nelson na “dagdagan pa ang espirituwal na kakayahan [nating] makatanggap ng personal na paghahayag.”

Pero paano natin gagawin iyan? Anong mga hakbang ang magagawa natin para higit na marinig ang tinig ng Panginoon?

Nagsalita na ang mga pinuno ng Simbahan sa pangkalahatang kumperensya tungkol sa pagtanggap ng paghahayag at sa Espiritu Santo. Nagbahagi rin sila ng mga mensahe tungkol sa mga paksang ito sa social media, kabilang na ang mga sumusunod:

Tinutulungan Tayo ng Espiritu Santo na Malaman ang Katotohanan

Pangulong Henry B. Eyring

“Matapos tayong mabinyagan, nangangako [ang Tagapagligtas] na ibibigay sa atin ang kaloob na Espiritu Santo. Gagabayan tayo at papanatagin, at tutulungan tayo ng Espiritu Santo na malaman ang katotohanan. Madarama natin na kasama natin ang Espiritu Santo. Madarama natin ang kapayapaan, pagmamahal, at kagalakan, at magkakaroon tayo ng hangaring paglingkuran ang iba. Habang buhay nating sisikaping bigyang-kasiyahan ang Panginoon.”

Pangulong Henry B. Eyring, Facebook, Hunyo 24, 2023, facebook.com/henry.b.eyring.

Ang Espiritu Santo ay Nakikipag-ugnayan sa Maraming Paraan

Elder Quentin L. Cook

“Isa sa mga itinatanong ng maraming tao sa mundo ay kung talagang kilala at naririnig tayo ng Diyos. Ang magandang balita ay na hindi lamang tayo naririnig ng Diyos—kundi makatatanggap ang bawat isa sa atin ng personal na paghahayag kapag mapanalangin nating hinahangad ang kalooban ng Panginoon para sa ating buhay. …

“Nililinaw sa mga banal na kasulatan na ang Espiritu Santo ay maaaring makipag-ugnayan sa maraming paraan. Kung minsa’y nangungusap Siya ng kapayapaan sa inyong isipan. Kung minsa’y nagpapahiwatig Siya ng mga kaisipan o ideya na pumapasok sa inyong isipan. Kung minsa’y nililiwanagan Niya ang inyong isipan. Kung minsa’y pinupuspos Niya ng kagalakan ang inyong [mga] puso.

“Pinasasalamatan ko ang mga tugon sa social media na natanggap ko sa aking post kung paano kayo nakatatanggap ng paghahayag. Sinabi ng isang tao na kailangan tayong maging mapagpakumbaba at tanggapin ang mga espirituwal na impresyong natatanggap natin. Pagkatapos ay kailangan nating makinig sa mga impresyon sa halip na sa mundo.

“Itinuro na ni Pangulong Russell M. Nelson: ‘Hindi na ninyo kailangang itanong kung ano ang totoo. Hindi na ninyo kailangang isipin kung sino ang [ligtas na] mapagkakatiwalaan ninyo. Sa pamamagitan ng personal na paghahayag, magkakaroon kayo ng sariling patotoo na ang Aklat ni Mormon ay salita ng Diyos, na si Joseph Smith ay propeta, at ito ang Simbahan ng Panginoon.’

“Tinitiyak ko sa inyo na maaaring matanggap ng bawat isa sa atin ang gumagabay na paghahayag kapag gumagawa tayo sa ubasan ng Panginoon. Karamihan sa mga paggabay sa atin ay mula sa Espiritu Santo. Kung minsan at para sa ilang layunin, ito ay direktang nagmumula sa Panginoon. Pinatototohanan ko na ito ay totoo. Ang paggabay para sa Simbahan, sa kabuuan, ay dumarating lamang sa Pangulo at propeta ng Simbahan.”

Elder Quentin L. Cook, Facebook, Nob. 19, 2023, facebook.com/quentin.lcook.

Ang Paghahayag ay Nangangailangan ng Konsentrasyon

Elder Dale G. Renlund

“Sa aking propesyonal na buhay, nagtrabaho ako bilang isang cardiologist. Kapag gumamit ako ng stethoscope—isang device para marinig ang pagtibok ng puso ng pasyente—sinisiguro kong tahimik ang silid; pinapatay ko ang anumang radyo o telebisyon na nakabukas. Isinasara ko ang pinto papunta sa pasilyo at hinihiling sa mga bisita o iba pang mga pasyente na huwag magsalita. Nagtuon ako sa naririnig ko at iniwasan kong isipin ang iba pang mga alalahanin.

“Kailangan din ng paghahayag ang gayong konsentrasyon at pag-aalis ng mga gambala. Upang makatanggap ng personal na paghahayag, kailangan nating lumayo sa ingay ng mundo. Hindi tayo makakatanggap ng paghahayag kapag tayo ay galit, nababagabag, o nadidismaya, o kahit abala lamang sa pag-iisip. Sa halip ay lumilikha tayo ng isang kapaligiran na naghihikayat na madama at mapansin ang Espiritu.

“Ang matutong maghangad at umasa sa Espiritu ay isang kasanayan sa buhay, hindi lamang isang pansamantalang paraan para makaraos sa krisis. Kapag hinahangad natin ang Espiritu Santo, Siya ay magiging isang kasamang mapagkakatiwalaan, maaasahan, at pinakamamahal.

Elder Dale G. Renlund, Facebook, Hunyo 24, 2023, facebook.com/DaleGRenlund.

Ang Pagmamasid, Katwiran, at Pananampalataya ay Nagpapadali sa Paghahayag

Elder Dale G. Renlund

“Kung minsa’y nahuhulog tayo sa bitag na maniwala sa dalawang mali pero makatwirang opsiyon.

“Halimbawa, maaari tayong maniwala na ang pagmamasid o pangangatwiran lamang ang mabisang paraan para malaman ang katotohanan. O maaari tayong maniwala na ang pagmamasid o pangangatwiran ay nagpapahina sa pananampalataya hanggang sa maisip natin na hindi dapat magkaroon ng papel ang mga ito sa relihiyon. Ito ay maling opsiyon dahil ang pagmamasid at pangangatwiran ay gumagana sa tulong na pananampalataya. Ang pananampalataya ‘na walang mga gawa’ ay hindi kayang palakasin ang sarili nito. Lalago lamang ang pananampalataya sa pamamagitan ng pagmamasid at pangangatwiran, lakip ang iba pang espirituwal na gawain. Bukod pa rito, ang obserbasyon, katwiran, at pananampalataya ay kadalasang kinakailangan hindi lamang para makatanggap ng personal na paghahayag kundi para maunawaan ang paghahayag na iyon.

“Ang pagmamasid, pangangatwiran, at pananampalataya ay nagpapadali sa paghahayag at nagbibigay-daan sa Espiritu Santo na maging isang kasamang maaasahan, mapagkakatiwalaan, at pinakamamahal. Ang mga elementong ito ay magiging mga pangunahing kadahilanan sa pagkakaroon ng ‘espirituwal na momentum sa ating buhay,’ na tumutulong sa atin na ‘sumulong sa kabila ng pangamba at kawalang-katiyakan.’”

Elder Dale G. Renlund, Facebook, Ago. 22, 2023, facebook.com/DaleGRenlund.

Hindi Kayang Palitan ng AI ang Paghahayag

Elder Gerrit W. Gong

“Sa patuloy na Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo, nakatulong ang umuusbong na mga teknolohiya sa pagpaparating ng Kanyang gawain sa iba’t ibang panig ng mundo.

“Sa isang pulong … na kasama ang mga empleyado ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, tinalakay namin ang patuloy na mga pag-unlad sa, at gumagabay na mga alituntunin para sa, generative artificial intelligence (AI).

“Iminungkahi ko na tayo ay magdahan-dahan, maging balanse, at makatotohanan sa ating mga pagsusuri sa oportunidad at pag-iingat, ibig sabihin, huwag tayong malula o matakot.

“Para sa akin, samantalang ang generative AI ay maaaring mabilis na mag-alok ng impormasyon, hindi nito kayang palitan ang paghahayag o magpalabas ng katotohanan mula sa Diyos. Sa Simbahan, malaki ang responsibilidad nating tiyakin na mapapatunayan ng Espiritu Santo ang katotohanan at pagiging tunay ng ating sinasabi at ibinabahagi kapwa sa anyo at nilalaman.

“Sa kabuuan, tiwala ako sa kakayahan nating gamitin ang mga teknolohiyang ito ng AI nang matalino at epektibo, kabilang na ang paghahangad nating protektahan ang mga miyembro at kaibigan ng Simbahan mula sa malalim at pekeng panlilinlang o mga kasinungalingan.”

Elder Gerrit W. Gong, Facebook, Mar. 14, 2024, facebook.com/gerritw.gong.

Kilala Ka ng Diyos, Alam Niya ang Iyong Sitwasyon, ang Nasa Puso Mo

Pangulong Camille N. Johnson

“Kailan lamang, sa isang speaking engagement, nilapitan ako ng isang babae at sinabi sa akin na paulit-ulit na niyang nabasa ang aking talambuhay.

“Naguguluhang itinanong ko, ‘Bakit?’

“Sinabi niya sa akin na mayroon siyang apat na maliliit na anak sa bahay at nakonsiyensya siya dahil nagtatrabaho siya. Nagkaroon siya ng kapayapaan nang mabasa niya sa aking talambuhay na nagtrabaho ako sa labas ng tahanan.

“Tinitigan ko siya at tinanong,

“‘Alam mo ba kung paano tumanggap ng personal na paghahayag?’

“‘Opo,’ sagot niya.

“Pagkatapos ay sinabi ko sa kanya, ‘Tuwing may nagsasabi ng isang bagay na masakit o pinagdududa ka sa ginagawa mo, ipaalala mo lang sa sarili mo: Alam ko kung paano tumanggap ng personal na paghahayag para sa sarili ko at sa aking pamilya.’

“Kilala ka ng Diyos. Alam Niya ang iyong sitwasyon. Alam niya ang nasa puso mo. Magtiwala sa Panginoon, matutong pakinggan ang Kanyang tinig, at pagkatapos ay sumulong nang may tiwala at ginhawa. Kailangan ka Niya sa Kanyang gawain.”

Pangulong Camille N. Johnson, Facebook, Hulyo 15, 2023, facebook.com/RSGeneralPresident.

Magtuon sa mga Salita at Pagmamahal ng Ating Tagapagligtas

Sister Tracy Y. Browning

“Ito si Anastasia, isa sa pinakabago kong mga kaibigan sa Primary. Sa isang debosyonal sa Primary kamakailan sa Dallas, Texas, natuto ang mga bata sa Primary ng mga alituntunin ng ebanghelyo, kumanta ng mga awitin, nagpatotoo tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo, at nagbahagi ng kanilang mga talento.

“Sa miting, pinamunuan ko ang isang aktibidad para tulungan silang malaman kung paano maaaring mangusap sa atin ang Espiritu Santo. Inihimig ko ang isang awiting pambata at hinulaan ng mga bata kung anong kanta ang hinihimig ko. Pagkatapos ay tinanong ko ang mga bata kung ano ang ginawa nila na nakatulong sa kanila na malaman ang kanta.

“Isang bata, si Anastasia, ang masigasig na kumaway para ibahagi ang kanyang simple ngunit malalim na obserbasyon.

“Sa tiwalang boses, inilarawan niya kung paano niya itinuon ang kanyang mga mata at tainga sa akin habang hinihimig ko ang awitin sa Primary, at pagkatapos ay nalalaman na niya ang awitin at naririnig ang mga salita sa kanyang isipan.

“Kapag nahihirapan tayong marinig ang tinig ng Panginoon, mahalaga kung sino ang pinakikinggan natin. Ituon ang inyong mga mata at tainga sa mga salita at pagmamahal ng ating Tagapagligtas.

“Mga kaibigan, pinatototohanan ko na totoo ang itinuro ni Anastasia. Kapag umasa tayo sa ating Tagapagligtas—kapag nakinig tayong mabuti sa Kanyang tinig—matatanggap natin ang banal na patnubay na nakatatak sa ating puso’t isipan. Makikilala natin ang katotohanan at lalago ang ating tiwala kay Jesucristo. Mahalaga ang direksyong itinuturo sa atin. Kaya ‘[um]asa [tayo] sa Diyos at [mabuhay]’ (Alma 37:47). Mabuhay na puspos ng pananampalataya at paghahayag. Mabuhay na puspos ng kapayapaan, kagalakan, at pag-asa. Mabuhay na puspos ng Espiritu ng Diyos.

“Paano mo mapapakinggan ang tinig ng Panginoon?”

Sister Tracy Y. Browning, Facebook, Hunyo 8, 2023, facebook.com/Primary2ndCounselor.