“Paano Binago ng Pagbabago ng mga Iniisip Ko ang Aking Buhay,” Liahona, Peb. 2025.
Mga Young Adult
Paano Binago ng Pagbabago ng mga Iniisip Ko ang Aking Buhay
Nang magtuon ako sa matwid na paggamit ng aking kalayaan para makadama ng kagalakan, nagsimulang magbago ang buhay ko.
Ilang taon na ang nakararaan, natagpuan ko ang aking sarili sa isang gawi na mahirap alisin. Napakababa ng tingin ko sa aking sarili, nakatuon lamang ako sa aking mga kahinaan, at palagi kong ikinukumpara ang sarili ko sa iba.
Gaano man karami ang basahin kong banal na kasulatan at pagdarasal, hindi ko maiwaksi ang matinding damdamin ng kakulangan. Nanalig ako sa Diyos, pero wala akong tiwala sa kakayahan kong magpakabuti.
Kalaunan, naging desperado akong makadama ng kaginhawahan kaya naisip kong subukan ang isang bagay na madalas kong kainisan: positibong pag-iisip.
Napagtanto ko na kung gusto kong baguhin ang aking buhay, kailangan kong baguhin ang aking mga iniisip.
Nang subukan ko ito, naging malinaw sa akin na matwid kong ginagamit ang isang napakahalagang karapatan—ginagamit ko ang aking kalayaan.
Mamuhay nang May Pasasalamat
Mahalagang linawin na ang positibong pag-iisip ay hindi nangangahulugan ng pamumuhay sa pagkakaila sa mahihirap na bagay o damdamin. Hindi malulutas ang mga ito sa pagbabalewala sa mga problema.
Ang positibong pag-iisip ay higit na tungkol sa pinipili nating pagtuunan ng pansin, sa kabila ng mga paghihirap na dinaranas natin.
Tulad ng itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:
“Ang kagalakang nadarama natin ay halos walang kinalaman sa mga sitwasyon natin sa buhay kundi sa pinagtutuunan natin sa buhay.
“… Ang kagalakan ay nagmumula at dahil [kay Jesucristo]. Siya ang pinagmumulan ng lahat ng kagalakan.”
Dahil halos lahat ng iniisip ko ay nakatuon sa aking mga pangamba at kawalan ng kapanatagan, hindi ako gaanong nakadama ng kagalakan sa aking buhay. Nagdasal ako na alisin ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang mga problema ko. Pero nalimutan ko na, alinsunod sa plano ng Ama sa Langit, naprotektahan din ni Cristo ang kakayahan kong gumawa ng mga pagpapasiya.
Ang isang susi para magbago ang aking pag-iisip at gumaan ang aking pakiramdam ay ang piliing mamuhay nang may pasasalamat.
Sa halip na magtuon sa pamimintas sa sarili, nagsimula akong aktibong maghanap ng mabubuting bagay sa aking buong maghapon. Kung minsan ito ay isang magiliw na komento mula sa isang kaklase. Sa ibang pagkakataon naman ito ay paglalakad pauwi sa isang magandang gabi ng tagsibol o pagkain ng masarap na pagkain.
Hindi nagtagal natanto ko na ang magsanay na magpasalamat ay nagdaragdag ng kagalakan sa buhay ko. Subukan mo ito! Ang pag-alaala sa anumang kabutihang nararanasan natin ay nagpaparami sa epekto nito (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 78:19).
Nangolekta ako ng magagandang sandali na parang mga piraso ng kayamanan, at sa pagtatapos ng bawat araw, lagi akong nagugulat kung gaano ako napagpala at nagpapasalamat. Hindi naglaho ang mahihirap na bahagi ng aking buhay, pero nagsimulang mawala ang pait ng mga ito.
Piliing Higit na Magalak
Madalas tayong nakatuon sa mga bagay na hindi natin kayang kontrolin kaya nalilimutan natin ang lahat ng bagay na kaya nating kontrolin.
Sa Doktrina at mga Tipan 58:27–28, ipinaalala ng Panginoon sa mga Banal na “ang mga tao ay nararapat na … gumawa ng maraming bagay sa kanilang sariling kalooban, at isakatuparan ang maraming kabutihan;
“Sapagkat ang kapangyarihan ay nasa kanila, kung saan sila ay kinatawan ng kanilang sarili” (idinagdag ang diin).
Nang piliin kong magtuon sa mga sandali ng kagalakan, tuwa, kapayapaan, at inspirasyon, natanto ko na maaari kong piliin na dagdagan pa ang mga ito. Nasa akin ang kapangyarihan!
Maaaring ito ay:
-
Paglahok sa at pagpaplano ng masasayang aktibidad.
-
Pagtanggap ng basbas ng priesthood.
-
Pamamasyal sa kalikasan.
-
Pagtayo sa mga banal na lugar.
-
Pag-aaral ng bagong kasanayan o libangan.
-
Pagbabasa ng magandang aklat.
-
Paglilingkod sa kapwa.
-
Paggugol ng oras kasama ang mga taong nagpapasigla sa iyo.
-
Pag-eehersisyo.
-
Pakikinig at panonood ng positibong media.
Naiintindihan ko na ang mga hamon sa kalusugan ng katawan at pag-iisip ay maaaring maging mga hadlang sa kung paano natin ginagamit ang ating kalayaan. Sa mga pagkakataong ito, maaari nating patuloy na gamitin nang matwid ang ating kalayaan sa pamamagitan ng pagpapasiya na humingi ng tulong sa doktor at sa propesyonal.
Ang therapy, pagmumuni-muni, mga pagbabago sa pamumuhay, at gamot, kapag sinamahan ng taimtim na panalangin, pag-aaral ng banal na kasulatan, at pagsamba sa simbahan at templo, ay makakagawa ng malaking kaibhan kapag nahihirapan tayo. Maaari din tayong maghinay-hinay kapag tayo ay balisa o pagod, humingi ng tulong sa mga taong pinagkakatiwalaan natin, at humingi ng patnubay at kapanatagan mula sa Ama sa Langit.
Nilayon Tayong Magkaroon ng Kagalakan
Nais ng Ama sa Langit na magkaroon tayo ng kagalakan—isang kagalakan na matatagpuan kay Jesucristo. Iyon mismo ang dahilan kung bakit tayo nabubuhay! Ipinaalala sa atin sa 2 Nephi 2:25–26 na:
“Si Adan ay nahulog upang ang tao ay maging gayon; at ang tao ay gayon, upang sila ay magkaroon ng kagalakan.
“… At dahil sa sila ay tinubos [ni Jesucristo] mula sa pagkahulog sila ay naging malaya magpakailanman, nakikilala ang mabuti sa masama; kumikilos para sa kanilang sarili at hindi pinakikilos” (idinagdag ang diin).
Ginawang posible ni Jesucristo na magkaroon tayo ng kagalakan sa pamamagitan ng ating kalayaan. Kapag tayo ay nagsisisi, natututo sa ating mga pagkakamali, at nagsisikap na gumawa ng mabubuting bagay, tinutupad natin ang layunin ng paglikha sa atin. Pinipili nating magalak.
Kapag talagang pag-iisipan mo ito, ang pagkakaroon ng kapangyarihang ito ay isang kamangha-manghang pagpapala.
Ipinayo ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Hindi natin dapat hintayin ang bukas para maging masaya, at matuklasang maaari palang maging maligaya—sa lahat ng sandali! Hindi rin dapat isipin ang nakaraan para lamang mapahalagahan ang buhay. ‘Ito ang araw na ang Panginoon ang gumawa … ,” pagsulat ng Mang-aawit. ‘Tayo’y magalak at matuwa’ [Awit 118:24].”
Nagbago ang buhay ko nang piliin kong baguhin ang aking mga iniisip. Mas tiwala, mabait, at masayahin na ako. Mas handa akong sumubok ng mga bagong bagay at tumanggap ng mga oportunidad. At mas napapansin ko na ang impluwensya ng Panginoon sa aking buhay.
Sa tulong ng Ama sa Langit at ni Jesucristo, naging mas mahusay ako sa paggawa ng mga desisyon na nagdadala ng tunay na kaligayahan at kapayapaan sa akin.
Kapag hiningi mo ang Kanilang patnubay, alam ko na gagabayan ka rin Nila.