Digital Lamang
Kaibigan ba Ako ng Tagapagligtas na Katulad ng Siya ay Kaibigan Ko?
Ang mga kaibigan ay maaaring dumating at mawala, pero ang ating relasyon sa Tagapagligtas ay maaaring magtagal magpakailanman.
Mahal ko ang mga kaibigan.
Ang pagkakaroon ng mga mahal sa buhay na nagpapatawa, nagpapangiti, at nagpapaiyak pa nga sa akin (sa magandang paraan) ay isa sa mga paboritong bahagi ng buhay ko.
Gayunman, sa paglipas ng mga taon, napansin ko na hindi lahat ng pagkakaibigan ay nilikhang pantay-pantay.
Ngunit ang isang pagkakaibigan ay maaaring maging perpekto, maaasahan, at walang hanggan, at iyan ang ating relasyon kay Jesucristo.
Siya palagi ang pinakamatalik kong kaibigan, pero bakit Niya hinihiling sa akin na maging mas mabuti Niyang kaibigan at disipulo?
Sinusuportahan Ka Niya sa Mabuti at Masamang Panahon
Naaalala ko ang napakaraming pagkakataon na tinulungan ako ng isang mapagmahal na kaibigan para pasiglahin ako sa isang mahirap na panahon. May mga kaibigan din akong umasa na dadalhin ko ang kanilang mga pasanin pero ayaw nila akong tulungan sa aking mga pasanin.
Walang taong perpekto, pati na ako, at may mga pagkakataon na naging mas mahusay pa sana ako o ang mga kaibigan ko sa paglilingkod at pagmamahal sa isa’t isa.
Ngunit ito ang katiyakan ng ating pakikipagtipan sa Tagapagligtas—kapag tinutupad natin ang ating mga tipan na nagbibigkis sa atin sa Kanya, Siya ang ating perpektong kaibigan sa mabuti, masama, at lahat ng iba pang panahon sa pagitan nito (tingnan sa Juan 15:14).
Pinatotohanan ito ni Pangulong Russell M. Nelson nang sabihin niyang, “Kung mabigo ang lahat ng bagay at ang sinuman sa mundong ito na pinagkakatiwalaan ninyo, hindi kayo kailanman bibiguin ni Jesucristo at ng Kanyang Simbahan.”
Napakagandang pangako!
May ilang kaibigan na nagbibigay ng higit pa sa natatanggap nila. Ganyang uri ng kaibigan ang Tagapagligtas sa atin.
Lagi Niya akong tinutulungan, pero kailangan kong tandaan na tumulong din sa Kanya. Bilang Kanyang disipulo, hindi siguro ako laging tapat sa kanya na tulad ng nararapat at kailangan kong magsikap pang mabuti. Kapag sadya tayong nakikipag-ugnayan sa Kanya, ang ating pangako at bigkis sa Kanya ay maaaring lumalim.
Lubos Ka Niyang Kilala
Lahat tayo ay malamang na nagkaroon na ng mga bagong kakilala na atubili tayong bahaginan ng ating buong tunay na pagkatao. Nahirapan akong ibahagi ang aking mga paghihirap, kawalan ng kapanatagan, at maging ang magkakaibang opinyon sa mga kaibigan sa loob ng mahabang panahon. Hindi ko alam kung paano tutugon ang aking mga kaibigan kung makikita nila ang tunay kong pagkatao, pati na ang aking mga kapintasan.
Gayunman, nais ng Tagapagligtas na magpakatotoo tayo. Nauunawaan Niya ang lahat ng paghihirap na kinakaharap natin, kaya alam Niya kung paano tayo sasaklolohan at tutulungang isa-isa (tingnan sa Alma 7:11–12).
Itinuro ni Pangulong Jeffrey R. Holland, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Nais [ng Tagapagligtas] na tayo ay lumapit sa kanya, sumunod sa kanya, mapanatag niya. Pagkatapos ay nais Niyang panatagin natin ang iba. Hindi man tiyak at hindi matatag ang ating mga hakbang patungo sa Kanya—bagama’t hindi ito dapat magkagayon—palaging tiyak at matatag ang Kanyang mga hakbang patungo sa atin.”
Kilala at mahal tayo ng Tagapagligtas. Tulad ng isang tunay na kaibigan, hinihikayat Niya tayong magpakabuti at, sa tulong Niya, maging higit pa kaysa rati.
Bilang ganti ay makikilala natin Siya sa pamamagitan ng pag-aaral tungkol sa Kanya sa pamamagitan ng Kanyang mga turo, pagsamba sa templo, paggawa at pagtupad ng mga tipan, at sa pagdarasal sa ating Ama sa Langit.
Sakdal ang Kanyang Pagmamahal sa Iyo
Sabi sa Juan 15:13, “Walang may higit pang dakilang pag-ibig kaysa rito, na ibigay ng isang tao ang kanyang buhay [para] sa kanyang mga kaibigan.” Ang buong kahalagahan ng nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas ay tumitimo sa puso ko tuwing mababasa ko ang katotohanang ito.
Ang kaalaman na si Jesucristo ay handang magdusa at magbuwis ng Kanyang buhay para sa akin ay isang patunay sa Kanyang sakdal na pagmamahal para sa bawat isa sa atin.
At para sa akin, pagmamahal ang sentro ng bawat pagkakaibigan.
Bawat yakap na ibinibigay natin, halakhak na ibinabahagi natin, o luhang sabay nating ibinubuhos ay nakapaloob sa pag-ibig sa kapwa—“ang dalisay na pag-ibig ni Cristo” (Moroni 7:47). Kaya ano pa ang mas magandang paraan para alalahanin ang Kanyang pagmamahal sa atin at magpakita sa Kanya ng pagmamahal bilang kapalit kaysa sa magsikap na maging kaibigan sa lahat? (Tingnan sa Juan 15:12.)
Isang Walang-Hanggang Relasyon
Bagama’t maaaring dumating at pumanaw ang ilang relasyon, ang ating pakikipagtipan kay Jesucristo ay mananatili magpakailanman at lalago kapag sumunod tayo sa Kanya at nagtiis hanggang wakas (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 14:7).
Bilang isang taong lubos na nagmamahal sa aking mga kaibigan, at lalo na sa aking Tagapagligtas, nagpapasaya ito sa aking kaluluwa.
Sana’y patuloy nating matutuhan kung gaano Niya kamahal, sinusuportahan, at pinahahalagahan ang ating relasyon sa Kanya at isipin kung paano natin mas maipapakita sa Kanya ang ating pagmamahal bilang kapalit nito. Tulad ng anumang magandang pagkakaibigan, ang matatag na relasyon sa Kanya ay pupuspusin ng kagalakan at kahulugan ang ating buhay at tutulungan tayong ibahagi ang kagalakang iyon sa iba.