2025
4 na Paraan na Nadaraig Ko ang Aking mga Kahinaan sa Pamamagitan ni Cristo
Pebrero 2025


Digital Lamang: Mga Young Adult

4 na Paraan na Nadaraig Ko ang Aking mga Kahinaan sa Pamamagitan ni Cristo

Ang awtor ay naninirahan sa Bogotá, Colombia.

Sinisikap kong daigin ang aking mga kahinaan sa tulong ng Tagapagligtas.

isang paglalarawan sa isang babaeng umaakyat sa ilang hagdan

Akala ko noon ay kailangan kong ayusin ang lahat ng kahinaan ko nang sabay-sabay.

Noong naglilingkod ako bilang missionary, talagang nahirapan ako sa ganitong pag-iisip. Kinausap ko ang mission president ko tungkol sa damdamin ko.

Ipinaalala niya sa akin ang isang katotohanang hinding-hindi ko malilimutan. Binasa namin ang Eter 12:27 nang sabay: “Ako ay nagbibigay ng kahinaan sa mga tao upang sila ay magpakumbaba; at ang aking biyaya ay sapat para sa lahat ng taong magpapakumbaba ng kanilang sarili sa aking harapan; sapagkat kung magpapakumbaba sila ng kanilang sarili sa aking harapan, at magkakaroon ng pananampalataya sa akin, sa gayon ay gagawin ko ang mahihinang bagay na maging malalakas sa kanila.”

Ipinaunawa sa akin ng talatang ito na maaari akong magbago. Nagpasiya akong magsimula sa isang bagay lamang at bigyan ng panahon ang Panginoon na gawing mga kalakasan ang aking mga kahinaan.

Ang mga Bagay na Tumutulong sa Akin na Patuloy na Magsikap

Isa sa mga pinakamatindi kong paghihirap bago ako nagmisyon ay ang panonood ng pornograpiya, at naging determinado akong huwag nang balikan ang gawi kong manood ng pornograpiya pag-uwi ko. Pero sa kasamaang-palad, nagpatangay na naman ako sa tuksong iyon.

Naging miserable ako. Hindi ako makatulog sa gabi, na iniisip ang lahat ng pagkakamaling nagawa ko. Ngunit sa kabila ng lahat ng sakit, nang humingi ako ng tulong at kapatawaran sa panalangin, nadama ko na laging ipinaaalala sa akin ng Espiritu ang isang simpleng katotohanan: sa Tagapagligtas, ang aking kahinaan ay maaaring maging mga kalakasan. Hindi ako kailangang matukoy sa aking mga kahinaan.

Nang patuloy akong humingi ng tulong sa Panginoon, natutuhan ko ang apat na mahahalagang aral na tumutulong sa akin na patuloy na magsikap:

  1. Kapag mas lumalapit tayo sa Tagapagligtas, makakaramdam tayo ng kapayapaan.

Ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay tumutulong sa akin na mas mahalin si Jesucristo. At ang pag-aaral ng mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya tungkol sa pagsisisi at Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay laging nagpapaunawa sa akin na walang anumang bagay sa paglalakbay na ito sa mundo na hindi Niya kayang mapagaling o maunawaan. Maaari tayong lumapit sa Kanya sa buong proseso ng ating pagpapagaling at ating mga pagsisikap na magpakabuti.

  1. Huwag matakot na kausapin ang iyong bishop tungkol sa iyong kahinaan.

Tandaan, ang ating mga bishop ay itinalaga at hawak nila ang mga susi ng priesthood na magpapalalim sa ating kaugnayan sa Tagapagligtas at tutulungan tayong ma-access ang Kanyang Pagbabayad-sala. Matutulungan nila tayong maibsan ang ating mga pasanin at mahanap ang tulong na kailangan natin para madaig ang ating mga kahinaan.

Itinuro ni Pangulong Jeffrey R. Holland, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, sa mga young adult na “pagsisisi ang paraan para makapagsimula tayo nang panibago; … Mahirap na ang buhay kahit wala kayong pinapasang mga pagkakamali—buong araw, araw-araw, buong gabi, gabi-gabi. Alisin ang mga ito. … Ibinigay ni Cristo ang Kanyang buhay upang maging malaya kayo na gawin iyon.”

  1. Maghanap ng isang propesyonal kung kailangan mo ng iba pang tulong.

Sa pagbisita sa isang psychologist, nakatanggap ako ng tulong medikal at tools para matulungan akong bumuo ng mas magagandang gawi. Nadama ko na ineengganyo ako ng Panginoon na magkaroon ng lakas na gawin ang mga bagay na minsa’y inakala kong napakahirap.

  1. Gumugol ng oras sa mga banal na lugar.

Ang pagdalo sa institute, pagsamba sa templo, at pagsisimba ay tumutulong sa akin na magtuon sa Tagapagligtas at sa magagawa Niya para sa akin. Kapag nakatayo ka sa mga banal na lugar, mapapalalim mo ang iyong kaugnayan sa Tagapagligtas at sa Kanyang kapangyarihang magpalakas at magpagaling.

Ang Kanilang mga Bisig ng Awa ay Nakaunat sa Bawat Isa sa Atin

Kapag nagtuturo tungkol sa paggawa ng mga pagbabago sa ating buhay, itinuro ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Sa paglipas ng panahon, madarama nating nababawasan ang hapis ng ating kalumbayan, napapawi ‘ang pagkakasala sa ating mga puso’ [Alma 24:10] at nagkakaroon tayo ng ‘katahimikan ng budhi’ [Mosias 4:3].”

Bagama’t pinag-aaralan ko pa ring pigilan ang aking mga kahinaan, alam ko na alam ng Panginoon ang araw-araw kong mga pagsisikap. Kaya patuloy akong nakatuon sa araw-araw na pagsisisi, pagtupad ng aking mga tipan, at pagsulong.

Ang aking pag-asa at pananampalataya ay nasa Tagapagligtas. Hindi ko alam kung kailan ko lubos na madaraig ang aking kahinaan sa pornograpiya, pero ang isang bagay na alam ko ay na kung patuloy akong magsisikap na layuan ito at magsisi kapag nahirapan ako, hindi ako pagkakaitan ng anumang pagpapala. Tulad ng itinuro ni Brother Bradley R. Wilcox, Unang Tagapayo sa Young Men General Presidency: “Ang pagiging karapat-dapat ay hindi walang kamalian. Ang pagiging karapat-dapat ay pagiging matapat at masikap.”

Mahal tayo ng Ama sa Langit, at si Jesucristo ang ating tulong at ginhawa. Mahalaga tayo sa Kanila. Alam nila ang ating mga paghihirap at dalamhati, at ang Kanilang mga bisig ng awa ay nakaunat sa bawat isa sa atin. Nagpapasalamat ako sa pagkakataon na mahubog at mahalin ako ng Diyos at ng Kanyang Anak.

Hayaan si Jesucristo na tulungan ka sa iyong pasakit. Tanggapin ang Kanyang pagtutuwid at patnubay. At tandaan na mahal Niya tayo nang lubos.

Sa pamamagitan Niya, makasusumpong tayo ng paggaling at kapatawaran.