2025
Mahirap ang Buhay, pero Magagawa Natin ang Mahihirap na Bagay
Pebrero 2025


“Mahirap ang Buhay, pero Magagawa Natin ang Mahihirap na Bagay,” Liahona, Peb. 2025.

Mga Young Adult

Mahirap ang Buhay, pero Magagawa Natin ang Mahihirap na Bagay

Inisip ko kung paano inasahan ng Ama sa Langit na madaig ko ang mga hamon sa buhay.

babaeng nakaupo sa isang dalampasigan

Paglalarawan ni Kylee Bodily

Walang sinumang hindi nahihirapan sa buhay.

At alam ko ito! Sadyang mahaharap tayo sa mga hamon upang makabalik tayo sa Ama sa Langit bilang mga tao na higit na katulad ni Cristo. Lahat ng iyon ay bahagi ng Kanyang plano (tingnan sa 1 Pedro 4:12–13).

Pero kung minsa’y napapaisip pa rin ako kung bakit ako nahihirapan nang husto, bakit napakaraming pasakit sa mundo, at kung bakit pakiramdam ko kung minsan ay naguguluhan ako at nag-iisa. Nilalabanan ko ang depresyon, na nagpapadama sa akin na parang may dilim na nakalambong sa lahat ng ginagawa at nararanasan ko.

Ilang taon na ang nakalipas, nahirapan akong madama ang Espiritu sa aking buhay. Inisip ko kung paano inasahan ng Ama sa Langit na madaig ko ang mga hamon kapag nanghihina ako at nag-aalinlangan. Napakarami kong pagdududa sa kakayahan kong makayanan ang buhay.

Naisip ko na baka wala talaga akong kakayahang gawin ang mahihirap na bagay.

Desperadong Makadama ng Katiyakan

Isang araw habang naguguluhan ako, nagbiyahe ako hanggang sa makarating ako sa isang tahimik na lugar kung saan tanaw ko ang karagatan at dinig ko ang huni ng mga ibon. Tahimik ang lugar na iyon—ang perpektong lugar para makipag-usap sa Ama sa Langit.

Ibinuhos ko ang nilalaman ng puso ko sa panalangin, na nagtatanong kung bakit kinailangan kong dumanas ng napakaraming hirap. Sinabi ko sa Kanya na sa palagay ko ay napakahirap ng buhay at na hindi ko na kayang magpatuloy nang mag-isa. Sinabi ko sa Kanya na hindi ko alam kung paano ko kakayanin ang mahihirap na bahagi ng buhay.

Bigla, sa sandaling iyon ng kahinaan at kawalang-pag-asa, nadama ko na binabalot ako ng init ng Espiritu—isang magiliw na pagtiyak na hindi ako nag-iisa, na hindi ako nag-iisa kailanman. At pumasok sa isipan ko ang mga salita ng pagmamahal at kapanatagan, na nagpapaalala sa akin tungkol sa aking banal na pagkatao, sa aking potensyal, at sa aking kakayahang gawin ang mahihirap na bagay na kasama si Jesucristo.

Matapos ang ilang buwan ng pag-iisa at kawalang-katiyakan, nadama ko ang pagtiyak ng Diyos na kakayanin ko ito—na ako ay minamahal na anak ng Ama sa Langit na may layunin. Pinagkalooban ako ng mga espirituwal na kaloob, at nakabigkis ako sa Kanya, na pinaka-mapagmahal at pinaka-makapangyarihang nilalang sa sansinukob, dahil sa aking mga tipan. Tiniyak Niya sa akin na makakaya ko at sadyang mahaharap ako sa lahat ng bagay sa buhay na nasa tabi ko ang Tagapagligtas.

Pinatotohanan ito ni Pangulong Russell M. Nelson nang itanong niya ito: “Gaano nadaragdagan ang tiwala ninyo sa sarili na malaman na, bilang isang endowed na babae o lalaki na taglay ang kapangyarihan ng Diyos, hindi ninyo kailangang harapin nang mag-isa ang buhay?”

Pagwawaksi sa Takot

Hindi ito madali, pero sumampalataya ako nang walang pag-aalinlangan at nagpasiyang harapin ang mga bagay-bagay sa buhay na umaasa kay Jesucristo. Nagawa kong tanggapin ang napakaraming oportunidad at mas marami akong naisakatuparan na higit pa sa inakala ko.

Patuloy akong nakaranas ng mga balakid at hamon, at nadarama ko kung minsan na muli na namang gumagapang ang takot na iyon, pero kapag sumasampalataya ako sa Tagapagligtas, alam ko na “ang sakdal na pag-ibig ay nagpapalayas ng takot” (1 Juan 4:18).

Kapag mas marami akong nararanasan, mas natutuklasan ko na ang mga hamon sa buhay ko ay mga oportunidad para lumago at matuto. Tulad ng itinuro ni Elder Gerrit W. Gong ng Korum ng Labindalawang Apostol, “[Ang] kalungkutan … [ay] magiging walang-hanggang kagalakan … sa pamamagitan ng nagpapanumbalik na Pagbabayad-sala ni Jesucristo.”

Kapag pinagninilayan ko ang paglalakbay ko sa buhay, natatanto ko na hindi lamang ito isang kuwento ng mga pakikibaka. At natututuhan ko na ang pananampalataya ay hindi lamang tungkol sa paniniwala; ito’y tungkol sa pagtitiwala na lubos akong minamahal ng aking Ama sa Langit at ni Jesucristo. Sa pamamagitan ng relasyon namin sa tipan, kasama ko Sila araw-araw.

Nangako si Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol na “kapag itinatayo natin ang saligan ng ating buhay sa ‘bato’ ni Jesucristo, … maaari tayong mapagpala na magawa at makayanan ang mahihirap na bagay.”

Sa pamamagitan Niya at dahil sa ating mga tipan, talagang madaraig natin ang anumang hadlang sa ating daan.

Ang awtor ay naninirahan sa Thessaloniki, Greece.