“Para sa mga Tinedyer: Nakakulong ang Magulang Ko, at Mahirap na Pag-usapan Ito. Ano ang Sasabihin Ko?,” Ministeryo sa Bilangguan (2023)
“Para sa mga Tinedyer: Nakakulong ang Magulang Ko, at Mahirap na Pag-usapan Ito. Ano ang Sasabihin Ko?,” Ministeryo sa Bilangguan
Para sa mga Tinedyer: Nakakulong ang Magulang Ko, at Mahirap na Pag-usapan Ito. Ano ang Sasabihin Ko?
Ang pagproseso ng katotohanan na ang isang mahal sa buhay ay nakakulong ay maaaring mahirap. Maaaring madama mong nag-iisa o nalulumbay ka. Maraming bagay sa buhay mo ang maaaring nagbago. Maaaring mahirap ipagpatuloy ang iyong mga normal na gawain, tulad ng pag-aaral o trabaho. Maaaring magalit ka sa magulang mo, sa ibang kapamilya, kaibigan, o kahit sa sarili mo. Ang mga emosyon na ito ay magpapahirap sa iyo na makipag-usap sa iba tungkol sa nangyayari.
Maraming kasing-edad mo ang nakakaranas din ng ganyang sitwasyon. Gayunpaman, ang bawat tao ay may sariling kuwento at damdamin na dapat sikaping harapin. Ang isang tao na lubos na nakakaalam ng nararamdaman mo ay si Jesucristo. Bagama’t hindi natin ganap na maunawaan kung paano posibleng mangyari ito, sinasabi sa atin ng mga banal na kasulatan na si Cristo ay “hahayo, magdaranas ng mga pasakit at hirap at lahat ng uri ng tukso” (Alma 7:11; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Dahil sa Kanya, hindi mo kailangang madama na nag-iisa ka. Maaari mong basahin ang mensahe ni Elder Jeffrey R. Holland na “Walang Sinuman ang Kasama Niya” mula sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2009. Ipinaliwanag ni Elder Holland, “dahil sa nilakad ni Jesus ang napakalayo at malungkot na daan nang nag-iisa, hindi na natin kailangang gawin iyon.”
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na maaari kang makahanap ng mga sagot at kapanatagan kapag “[idinadalangin ninyo] sa pangalan ni Jesucristo ang inyong mga alalahanin, ang inyong mga takot, mga kahinaan—oo, ang pinakainaasam ng inyong puso. At makinig!” (“Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” pangkalahatang kumperensya, Abr. 2018).
Ang isa pang bagay na makatutulong sa iyo para hindi gaanong malungkot ay ang maingat na pagkukuwento sa iba ng iyong mga nararanasan. Nakatutulong at mahalaga na masabi mo ang iyong saloobin sa ligtas na kapaligiran. Manalangin na malaman kung sino ang dapat mong kausapin at kailan ito gagawin. Kung masyadong mahirap para sa iyo na magsabi sa isang pinagkakatiwalaang kaibigan, magsimula sa isang malapit na kamag-anak. Bago makipag-usap sa isang tao, isipin kung ano ang komportable kang sabihin. Hindi mo kailangang sabihin ang lahat-lahat. Maaari mong ipaliwanag na mahirap magsabi ng tungkol sa mga nararanasan mo at gusto mong matulungan ka.
Kung ang pagkukuwento ng iyong nadarama sa isang tao ay nakakatakot sa iyo ngayon, OK lang! Maaari kang magsimula sa pakikipag-usap sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin. Sinabi Niya, “Isaalang-alang ako sa bawat pag-iisip; huwag mag-alinlangan, huwag matakot” (Doktrina at mga Tipan 6:36). Alam Niya ang iyong pangalan at mga kalagayan. Hindi ka Niya pababayaan kailanman.
Resource sa Komunidad
-
Youth.gov, “In Their Words: 4 Young People Share Experiences with Having an Incarcerated Parent” (video), youtube.com