“Pambungad,” Ministeryo sa Bilangguan (2023)
“Pambungad,” Ministeryo sa Bilangguan
Pambungad
Ang pagkakaroon ng isang mahal sa buhay na nakakulong ay maaaring maging isang nakakatakot na karanasan. Maaari mong madama na nag-iisa ka, nahihirapang makaraos sa problema sa pera, o nag-aalala tungkol sa hinaharap (tingnan sa Isaias 41:10). Alam ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang iyong mga pangangailangan at nais kang panatagin. Isa sa mga paraan ng pagpapadala ng tulong ng Diyos ay sa pamamagitan ng iba. Maaari kang masaktan at mahiya, at maaaring gusto mong ihiwalay ang iyong sarili mula sa iba. Gayunman, ang tulutang tulungan ka ng iba ay isang paraan na maipapakita mo sa Diyos na nagpapasalamat ka sa Kanyang pagmamahal. Palibutan ang iyong sarili ng mga taong pinagkakatiwalaan mo at ng mga eksperto na makakatulong.
Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland, ng Korum ng Labindalawang Apostol sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw: “Ang Diyos ay sabik na naghihintay ng pagkakataong sagutin ang inyong mga panalangin at matupad ang inyong mga pangarap, tulad ng lagi Niyang ginagawa. Ngunit hindi Niya ito magagawa kung hindi kayo magdarasal, at hindi Niya ito magagawa kung hindi kayo mangangarap. Sa madaling salita, hindi Niya ito magagawa kung hindi kayo naniniwala” (“Terror, Triumph, and a Wedding Feast” [Brigham Young University devotional, Set. 12, 2004], 3, speeches.byu.edu).
Si Sister Reyna I. Aburto, isang lider sa organisasyon ng kababaihan ng Simbahan, ay nagbigay ng karagdagang panghihikayat nang itinuro niya: “Kung sa palagay ninyo ay hindi na kayo makahakbang pa, humingi lamang ng tulong. Ang pakiusap ko sa inyo ay huwag kayong susuko. May pag-asa. May paggaling. May kagalakan. May pagmamahal na pumapalibot sa inyo. Bumaling lamang sa mapanubos na biyaya ng Panginoon at bumaling sa mga tao sa paligid ninyo. Huwag sumuko. Huwag sana kayong sumuko” (sa “Sister to Sister Conversation” [Brigham Young University Women’s Conference, Mayo 1, 2020], ChurchofJesusChrist.org).