“Paano Ko Matutugunan ang Aking Agarang Pangangailangan Matapos Makulong ang Isang miyembro ng Aking Pamilya?,” Ministeryo sa Bilangguan (2023)
“Paano Ko Matutugunan ang Aking Agarang Pangangailangan Matapos Makulong ang Isang miyembro ng Aking Pamilya?,” Ministeryo sa Bilangguan
Paano Ko Matutugunan ang Aking Agarang Pangangailangan Matapos Makulong ang Isang miyembro ng Aking Pamilya?
Emosyonal na Suporta para sa Iyong Sarili at sa Iyong Pamilya
Kapag ang isang mahal sa buhay ay nakakulong, karaniwan para sa mga miyembro ng pamilya na makaramdam ng masidhing emosyon, kawalan ng kontrol, at kawalan ng kakayahang harapin ang sitwasyon. Ang mga kabataan at mga bata ay nakararanas din ng mga damdaming ito, na maaaring humantong sa pangmatagalang trauma. Ang paghingi ng tulong sa mga pinagkakatiwalaang kaibigan at miyembro ng Simbahan ay isang magandang unang hakbang. Kung patuloy ang kawalan ng pag-asa, humingi ng tulong sa mga propesyonal sa medikal at mental na kalusugan. Kung hindi mo alam kung saan magsisimula, sumangguni sa mga lider ng Simbahan at sa iyong medical insurance provider tungkol sa mga propesyonal sa iyong lugar na makapagbibigay ng suporta na kailangan mo. Ang pagdarasal, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, pagsunod sa mga turo ng mga buhay na propeta, pagsisimba, at pagdalo sa templo ay tutulong sa iyo na mapasigla at mapuspos ka ng kapayapaan sa mahihirap na panahon.
Mga Support System
Humingi ng propesyonal na suportang legal, pinansiyal, medikal, o terapeutika. Higit sa lahat, lumapit sa Diyos. Alam Niya ang iyong mga pangangailangan at mahal ka Niya. Manalangin nang madalas at hanapin ang maraming paraan na sinasagot ng Diyos ang iyong mga panalangin. Palibutan ang iyong sarili ng mabubuting tao na makatutulong. Kung angkop o kapag naaangkop, makipag-usap sa mga kamag-anak, pinagkakatiwalaang kaibigan, at pinagkakatiwalaang mga miyembro ng Simbahan tungkol sa iyong sitwasyon. Matutong sabihin ang iyong mga karanasan sa mga paraan na nakatutulong sa iyo at sa mga pinagkakatiwalaan mo. Sabihin sa kanila kung ano ang kailangan mo, at tanggapin ang kanilang paglilingkod.
Mga Kagyat na Pangangailangan sa Batas
Ang pakikipag-ugnayan sa criminal justice system ay maaaring maging mahirap. Maraming mga batas at pamamaraan na kakailanganin mong maunawaan. Sumangguni sa taong legal na kakatawan sa iyo kapag nahaharap ka sa malalaking legal na isyu. Tiyaking nauunawaan mo ang lahat ng pangmatagalang epekto ng iyong mga desisyon.
Mga Pangangailangan sa Pananalapi
Kapag nakulong ang mahal sa buhay, maaaring malaki ang maging epekto sa pananalapi ng pamilya. Ang pagkawala ng kita at mga bayarin sa korte at mga bayaring itinakda ng batas ay maaaring humantong sa pagkawala ng health care, bahay, at naipong pera. Mahalagang matugunan ang mga isyung ito sa lalong madaling panahon kasama ang isang pinagkakatiwalaang adviser.
Pag-adjust sa Bagong Buhay
Sa paglipas ng panahon, ang iyong pamilya ay kailangang bumalik sa karaniwang ginagawa sa araw-araw. Ang mga bata ay kailangang pumasok sa paaralan, makihalubilo sa mga kaibigan, at masiyahan sa kanilang buhay. Kahit nangungulila ka sa mahal mo sa buhay na nakakulong, OK lang na maging masaya ka. Gamitin ang oras na ito upang mapaunlad ang iyong sarili at maghanda para sa hinaharap.