“Ang Kahalagahan ng Pagsunod sa Pagdadala sa Iba kay Cristo: Pagsunod sa Gawaing Misyonero,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Ang Kahalagahan ng Pagsunod sa Pagdadala sa Iba kay Cristo: Pagsunod sa Gawaing Misyonero,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan
Paghahanda ng Missionary: Lesson 200
Ang Kahalagahan ng Pagsunod sa Pagdadala sa Ibang Tao kay Cristo
Pagsunod sa Gawaing Misyonero
Ang pagpili na maging masunurin dahil mahal natin ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay mahalagang bahagi ng ating mortal na paglalakbay (tingnan sa Juan 14:15). Ang ating personal na pagsunod ay lalong mahalaga kapag kinakatawan natin ang Tagapagligtas na si Jesucristo bilang mga miyembro ng Kanyang Simbahan at bilang mga full-time missionary. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na makilala ang kahalagahan ng pagsunod sa paggawa ng gawain ng Tagapagligtas bilang mga missionary.
Paghahanda ng estudyante: Anyayahan ang mga estudyante na rebyuhin ang ilan sa mga pamantayan para sa paglilingkod bilang missionary na matatagpuan sa Bahagi 3 ng “Mga Pamantayan ng Missionary para sa mga Disipulo ni Jesucristo” sa Gospel Library. Bilang alternatibo, maaaring makipag-usap ang mga estudyante sa isang taong nagmisyon at magtanong kung anong mga pamantayan ng misyon ang natatandaan niya.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Mga pamantayan ng missionary
Maaaring simulan ang lesson sa pamamagitan ng pagpapakita ng larawan ng isang missionary at ang resource na Mga Pamantayan ng Missionary para sa mga Disipulo ni Jesucristo mula sa ChurchofJesusChrist.org. Maaari mong ipaliwanag sa mga estudyante na ang mga missionary ay inaasahang susunod sa mga partikular na pamantayan habang kinakatawan nila ang Tagapagligtas.
-
Ano ang ilan sa mga pamantayan na inaasahang susundin ng mga missionary?
Kung kinakailangan, maaari mong ibahagi ang ilan sa mga pamantayan ng missionary na nakalista sa ibaba, mula sa sarili mong karanasan, o sa iba pang matatagpuan sa Bahagi 3 o Bahagi 7 ng Mga Pamantayan ng Missionary para sa mga Disipulo ni Jesucristo mula sa ChurchofJesusChrist.org. Maaari mong ituro na inaasahan din ang mga missionary na sumunod sa payo ng kanilang mga mission leader habang pinangangasiwaan nila ang gawain ng Panginoon sa katwiran.
Ilang pamantayan ng missionary:
-
Maging mabait, positibo, at masigla.
-
Palaging manatili sa tabi ng iyong kompanyon.
-
Iwasan ang mga sitwasyon na maaaring maging mapanganib sa pisikal o espirituwal. Huwag gumamit ng mga power tool, magpatakbo ng mabibigat na makinarya, o sumakay sa mga traktor, trailer, o likod ng trak.
-
Iwasan ang telebisyon, sine, mga video game, at mga di-awtorisadong video.
-
Limitahan sa pakikipagkamay ang pisikal na paghawak sa sinumang iba ang kasarian.
-
Bakit maaaring maging mahirap sundin ang ilan sa mga pamantayang ito para sa isang missionary? Bakit mahalagang sundin ng mga missionary ang mga ito?
Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na magbahagi ng halimbawa ng isang missionary na kilala nila, mga pamantayang iniatas na panatilihin nila, at kung paano sila pinagpala ng Tagapagligtas sa kanilang mga pagsisikap.
Personal na kabutihan at pagsunod
Maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag mula kay Elder Soares para tulungan ang mga estudyante na matukoy ang isang katotohanan tungkol sa ugnayan ng pagsunod at gawaing misyonero.
Sa pakikipag-usap sa mga missionary, itinuro ni Elder Ulisses Soares ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Ang personal na kabutihan ay isa sa pinakamahalagang kwalipikasyon para kumatawan sa Tagapagligtas sa mundo. Dahil dito ay nagiging karapat-dapat din tayong makasama ang Espiritu ng Panginoon bilang ating kompanyon. …
Kung pipiliin nating hindi maging masunurin, hindi natin magagawang katawanin ang Tagapagligtas gaya ng nararapat, at hindi rin mapapasaatin ang Espiritu ng Panginoon. … Upang maging positibong impluwensya sa buhay ng mga taong tinuturuan ninyo, kailangan ninyong taglayin ang Espiritu ng Panginoon. …
Kung susunod kayo nang buong puso, ipapakita ninyo sa Panginoon ang inyong kahandaang sundin Siya, ang inyong pagmamahal sa Kanya at sa ating Ama sa Langit. Mas lalawak ang inyong espirituwal na pag-unlad. Makikilala ninyo ang Tagapagligtas, at ito ang gagawa ng lahat ng kaibhan sa inyong misyon at sa inyong buhay. (Scott Tayler, “Obedience Is Critical for Missionaries to Fulfill Their Responsibilities, Elder Soares Teaches,”newsroom.ChurchofJesusChrist.org, Mar. 29, 2021)
-
Ano ang matututuhan natin mula kay Elder Soares tungkol sa kahalagahan ng pagsunod?
Maaaring gamitin ng mga estudyante ang sarili nilang mga salita para matukoy ang isang katotohanan na tulad ng dahil sa personal na kabutihan at pagsunod, nagiging karapat-dapat tayo upang kumatawan sa Tagapagligtas at makasama ang Espiritu bilang kompanyon.
Maaaring makatulong na ipaliwanag na kabilang sa pagsunod ang pagtupad sa ating mga tipan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Ang pagsunod ay isang mahalagang bahagi ng personal na kabutihan at pagpapakita ng pagmamahal sa Ama sa Langit at kay Jesucristo (tingnan sa Juan 14:15).
-
Anong mga pagpapala ang nakita ninyong ipinagkaloob ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa isang taong nagsisikap na sundin Sila?
-
Paano ninyo nakita ang mga pagpapalang ito sa inyong buhay o sa buhay ng isang taong kilala ninyo?
Maglaan ng ilang sandali upang mapanalanging pag-isipan ang inyong kasalukuyang pagsisikap na maging masunurin sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Anyayahan ang Espiritu Santo na tulungan kayong makilala ang mga bagay na ginagawa ninyo nang maayos o maaaring kailangan ninyong iakma para mas maipakita ang inyong pagmamahal sa Kanila at madala ang iba sa Kanila.
Matapat na pagsunod sa gawaing misyonero
Upang matulungan ang mga estudyante na makita kung paano tayo matutulungan ng pagsunod sa pagdadala ng iba kay Cristo, maaaring talakayin ang salaysay tungkol sa impluwensya ni Daniel kay Haring Dario mula sa Daniel 6. Maaaring napag-aralan na ng mga estudyante ang salaysay na ito sa Lesson 145: “Daniel 6.” Maaari kang magbigay ng maikling buod ng kuwento sa pamamagitan ng sumusunod na talata.
Bagama’t alipin sa Babilonia at Persia, si Daniel ay tapat na naglilingkod sa Panginoon. Mas pinili ni Haring Dario si Daniel “higit sa lahat ng ibang mga pangulo at prinsipe” sa kanyang kaharian “sapagkat taglay niya [Daniel] ang isang di-pangkaraniwang espiritu,” (Daniel 6:3). Sa pagsisikap na siraan si Daniel sa paningin ni Haring Dario, gumawa ng plano ang ibang mga pangulo para paglabanin ang katapatan ni Daniel kay Haring Dario sa katapatan ni Daniel sa Diyos. Pinilit nila si Dario na ipahayag na ang manalangin sa Diyos o sa sinumang tao maliban kay Dario ay may parusang kamatayan sa yungib ng mga leon (tingnan sa Daniel 6:4–9). Sa kabila ng panganib, ipinakita ni Daniel na handa siyang sumunod sa pamamagitan ng patuloy na pananalangin sa Diyos. Nang maiulat ang mga panalangin ni Daniel, napilitang pumayag si Dario na ihagis siya sa yungib.
Basahin ang Daniel 6:18–28, at alamin ang naging epekto ng pagsunod ni Daniel sa Panginoon kay Haring Dario.
-
Ano ang natuklasan ninyo?
-
Paano magkakaroon ng positibong epekto ang ating mga pagsisikap na sundin ang Panginoon sa pagtingin ng ibang tao sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?
Ibahagi ang natutuhan ninyo
Maaaring anyayahan ang mga estudyante na gumawa ng balangkas na maaaring magamit sa tatlo hanggang limang minutong mensahe. Para tulungan ang mga estudyante na gumawa ng kanilang outline, maaari mong ibigay ang handout na “Ang Kahalagahan ng Pagsunod kapag Ibinabahagi ang Ebanghelyo ni Jesucristo.”
Ang mga sumusunod na tagubilin ay maaaring ipakita upang matulungang gumawa ng outline ang mga estudyante.
Gumawa ng outline na maaaring magamit para magbigay ng tatlo hanggang limang minutong mensahe tungkol sa kahalagahan ng pagsunod kapag ibinabahagi ang ebanghelyo ng Tagapagligtas sa iba.
Isama ang kahit tatlo sa sumusunod sa inyong outline.
-
Isang talata sa banal na kasulatan tungkol sa pagsunod at kung paano ito magagamit sa pagbabahagi ng ebanghelyo ni Jesucristo.
-
Isang halimbawa mula sa buhay o mga turo ni Jesucristo na maaaring makatulong sa isang taong nagsisikap na maging masunurin.
-
Isang modernong halimbawa ng kahalagahan ng pagsunod at kung paano pagpapalain ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang ating mga pagsisikap.
-
Isang maikling mensahe mula sa isang lider ng Simbahan na nagbibigay-diin sa pagsisikap na maging masunurin at ang mga pagpapala sa paggawa nito.
-
Ang inyong mga personal na nadarama kung bakit mahalaga ang pagsunod kapag kinakatawan natin ang Tagapagligtas bilang mga miyembro ng Kanyang Simbahan at bilang Kanyang mga missionary.
Maaari mo ring ibigay sa mga estudyante ang pangalawang handout sa lesson na ito para ayusin ang outline para sa kanilang mensahe. Maaari silang maglagay ng pamagat sa unang kahon, isang simpleng panimula sa kanilang mensahe sa pangalawa, ang tatlong bagay na napagpasiyahan nilang isama mula sa listahan sa itaas sa susunod na tatlong kahon, at ang kanilang patotoo sa huling kahon.
Pagkatapos gawin ng mga estudyante ang kanilang outline, maaari silang makipagtulungan sa isang kapartner upang magsanay o pinuhin ang kanilang mensahe. Maaari mong anyayahan ang mga handang estudyante na magbahagi ng kanilang mensahe sa klase. Maaaring hindi kumportable ang ilang estudyante na magbahagi sa harap ng iba. Maaari mo silang hikayating iuwi ang kanilang outline at turuan ang isang miyembro ng pamilya o kaibigan.
Maaaring ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa kahalagahan ng personal na kabutihan habang kinakatawan natin ang Tagapagligtas at ang Kanyang ebanghelyo sa iba.