Seminary
Ang Ating Responsibilidad sa Tipan na Ibahagi ang Ebanghelyo: “Ang Lahat ng Angkan sa Lupa ay Pagpapalain sa pamamagitan … ng Iyong Binhi”


“Ang Ating Responsibilidad sa Tipan na Ibahagi ang Ebanghelyo: ‘Ang Lahat ng Angkan sa Lupa ay Pagpapalain sa pamamagitan … ng Iyong Binhi,’” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)

“Ang Ating Responsibilidad sa Tipan na Ibahagi ang Ebanghelyo: ‘Ang Lahat ng Angkan sa Lupa ay Pagpapalain sa pamamagitan … ng Iyong Binhi,’” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan

Paghahanda ng Missionary: Lesson 196

Ang Ating Responsibilidad sa Tipan na Ibahagi ang Ebanghelyo

“Ang Lahat ng Angkan sa Lupa ay Pagpapalain sa pamamagitan … ng Iyong Binhi”

Missionaries teaching about the Temple to a new member outside the Seoul Korea Temple.

Kapag pinili nating sundin ang Tagapagligtas at lumakad sa landas ng tipan, ipinapangako Niya sa atin ang gayon ding mga pagpapala na ibinigay Niya rin kay Abraham. Kabilang sa mga pagpapalang ito ang kapangyarihan ng priesthood, mga walang-hanggang pamilya, at mana sa kahariang selestiyal. Bilang bahagi ng tipang ito, mayroon tayong sagradong responsibilidad na ibahagi ang ebanghelyo ng Tagapagligtas sa buong mundo para matanggap ng lahat ang mga kagila-gilalas na pagpapalang ito. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na palalimin ang kanilang pag-unawa tungkol sa kanilang responsibilidad sa tipan na ibahagi ang ebanghelyo ni Jesucristo sa iba.

Paghahanda ng estudyante: Anyayahan ang mga estudyante na maglaan ng ilang minuto ng kanilang personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan para hanapin ang mga pagpapala at responsibilidad ng tipang Abraham. Maaari nilang pag-aralan ang doctrinal mastery passage na Abraham 2:9–11 o hanapin ang “tipang Abraham” sa Gospel Library. Sa lesson, maaari mo silang anyayahan na magbahagi ng mga bagay na natutuhan nila o mga tanong na mayroon sila.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Mga pamilya sa mundo

icon ng seminary Maghanda ng apat na sobre, na ang bawat isa ay may nakasulat na numero: 1, 2, 3, o 4.

I-print ang handout na magkabilaan na “Ang mga pamilya sa mundo,” harap at likod. Gupitin ang mga tuldok na linya, na lilikha ng puzzle na magkabilaan. Gamit ang mga numero ng mga heading sa likod ng bawat piraso, ilagay ang mga ito sa sobre na may kaukulang numero. Hatiin ang mga estudyante sa apat na grupo at magbigay sa bawat grupo ng hiwalay na sobre. Kung mayroon kang malaking klase, maaari mong doblehin ang mga tagubilin at hatiin ang mga estudyante sa walong grupo.

Anyayahan ang bawat grupo na tingnan ang mga larawan sa kanilang mga piraso ng puzzle at ibigay ang mga sumusunod na tagubilin.

Bilang isang grupo, pumili ng isa sa mga larawan ng isang tao sa inyong mga piraso ng puzzle at gumawa ng maikling paglalarawan para sa taong iyon. Maaaring kabilang dito ang:

  • Pangalan

  • Lugar na pinagmulan niya

  • Mga detalye tungkol sa kanyang pamilya

  • Magagandang bagay na nangyayari sa kanyang buhay

  • Mga hamong kinakaharap niya

Anyayahan ang bawat grupo na ibahagi sa klase ang mga detalyeng ginawa nila para sa taong pinili nila mula sa kanilang mga piraso ng puzzle. Pagkatapos nilang magbahagi, sabihin sa mga estudyante na alamin sa buong lesson ang ipinagagawa sa atin ng Panginoon para pagpalain ang mga tao sa buong mundo, tulad ng mga inilarawan ng bawat grupo. Ipaliwanag na sabay-sabay na kukumpletuhin ng mga estudyante ang buong puzzle kalaunan sa lesson.

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na pag-aralan ang sumusunod na passage sa kanilang grupo.

Basahin ang Abraham 2:9–11, at alamin ang sinabi ng Panginoon kay Abraham na gagawin Niya para pagpalain ang mga bansa at pamilya sa mundo. Paalala: Ang mga talatang ito ay naglalaman ng isang bahagi na tinatawag na tipang Abraham.

  • Sino ang binhi ni Abraham? (Tingnan sa talata 10–11.)

  • Ano ang ilang paraan na mapagpapala ng Panginoon ang mga pamilya sa mundo sa pamamagitan ng binhi ni Abraham?

Maaaring ibahagi ang sumusunod na pahayag para suportahan o dagdagan ang mga sagot ng mga estudyante.

Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod tungkol sa binhi ni Abraham:

Elder David A. Bednar, Quorum of the Twelve Apostles official portrait. 2020.

Tayo ang binhi ni Abraham. …

Ang gawaing misyonero ay pagpapamalas ng ating espirituwal na identidad at pamana. Tayo’y inordena noon pa sa buhay bago ang buhay sa lupa at isinilang sa mortalidad para tuparin ang tipan at pangako ng Diyos na ginawa kay Abraham. Narito tayo ngayon sa lupa para gampanang mabuti ang ating tungkulin sa priesthood at ipangaral ang ebanghelyo. Iyan tayo, at iyan ang dahilan kung bakit narito tayo—ngayon at sa tuwina. (“Pagiging Misyonero,” Liahona, Nob. 2005, 47)

  • Paano ninyo ibubuod ang pahayag na ito?

Maaaring sabihin ng mga estudyante ang tulad ng, bilang binhi ni Abraham, may responsibilidad tayo sa tipan na ibahagi ang ebanghelyo ni Jesucristo sa buong mundo. Maaari mong gamitin ang mga salita ng mga estudyante para isulat ang katotohanang ito sa pisara.

Upang mas maunawaan ang kahalagahan ng responsibilidad na ito, maaaring ipabasa sa mga estudyante ang unang tatlong talata sa pahina 1 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo sa ilalim ng heading na “Ang Iyong Tungkulin na Ituro ang Ipinanumbalik na Ebanghelyo ni Jesucristo.”

  • Bakit maaaring nasasabik ang ilang tao tungkol sa responsibilidad na ito? Bakit maaaring mag-atubili ang ilan?

  • Sa inyong palagay, paano mapagpapala ng ebanghelyo ni Jesucristo ang mga taong tulad ng mga inilarawan ninyo sa inyong mga piraso ng puzzle?

Upang matulungan ang mga estudyante na makita ang kahalagahan ng pagbabahagi ng ebanghelyo, maaari mong itanong kung ano ang naaalala nila tungkol sa tipang Abraham o ipaliwanag ang sumusunod (para sa higit pang detalye, tingnan sa “Lesson 23: ‘Genesis 12; 17’” at ’“Lesson 24: ‘Abraham 2:9–11’”):

Bilang bahagi ng tipang Abraham, ipinangako sa atin ng Diyos ang mga pagpapala ng Kanyang priesthood, mga walang-hanggang pamilya, at mana sa kahariang selestiyal. Ito ang mga pagpapalang ninanais Niya para sa lahat ng Kanyang anak, at mayroon tayong pribilehiyo at responsibilidad na ibahagi ang mga ito sa mundo.

  • Paano tayo mahihikayat ng pag-alaala sa mga pagpapalang ito na ibahagi ang ebanghelyo ni Jesucristo sa iba?

Pagnilayan ang inyong personal na nadarama tungkol sa pagbabahagi ng ebanghelyo sa iba. Patuloy na maghanap ng mga kabatirang makatutulong sa inyo na mas maunawaan ang mga pagpapala at pribilehiyo ng sagradong responsibilidad na ito.

Pagtupad sa ating responsibilidad sa tipan

Ang Isaias 49 ay naglalaman ng mga propesiya tungkol sa pagtitipon ng Israel sa mga huling araw, kabilang ang pangangaral ng ebanghelyo. Ipinaliwanag ng propetang si Nephi ng Aklat ni Mormon na ang mga propesiyang ito ay isang paalala na tutuparin ng Diyos ang Kanyang tipan na pagpapalain ang mga mag-anak o pamilya sa mundo sa pamamagitan ng binhi ni Abraham (tingnan sa 1 Nephi 22:7–9). Paalala: Ang lingkod na binanggit sa Isaias 49:3 at 5 ay maaaring naglalarawan sa mga indibiduwal na inilalapit ang mga tao kay Cristo, kabilang ang mga miyembro ng sambahayan ni Israel, mga propeta, at ang mismong Tagapagligtas.

Ipakita ang mga sumusunod na tagubilin. Maaari itong kumpletuhin ng mga estudyante kasama ang kanilang grupo.

Alamin ang tungkol sa mga propesiya ni Isaias sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga banal na kasulatan at pahayag sa likod ng mga piraso ng puzzle ninyo. Talakayin at maghandang ibahagi sa klase ang sumusunod:

  1. Mga bagay na natutuhan ninyo tungkol sa ating responsibilidad sa tipan na ibahagi ang ebanghelyo.

  2. Mga paraan na masusuportahan tayo ng Ama sa Langit at ni Jesucristo habang ginagampanan natin ang responsibilidad na ito.

  3. Mga halimbawa kung paano ito magagamit ng mga missionary at ng iba pang miyembro ng Simbahan ng Panginoon.

Pagkatapos ng sapat na oras, anyayahan ang bawat grupo na ibahagi nang maikli sa klase ang mga nalaman nila. Hikayatin ang maraming miyembro ng bawat grupo na magbahagi ng isang bagay. Pagkatapos magbahagi ng bawat grupo, maaari nilang ilagay ang kanilang mga piraso ng puzzle sa pisara sa ilalim ng katotohanang isinulat kanina. Ang mga piraso mula sa bawat grupo ay pagdudugtungin upang mabuo ang isang larawan ng maraming tao at ang pariralang “Ang mga pamilya sa mundo.” Kapag natapos na sila, maaari ninyong panoorin ang “President Russell M. Nelson Introduces Preach My Gospel, Second Edition” mula sa time code na 0:00 hanggang 0:55, na makikita saChurchofJesusChrist.org. Maaaring maghanap ang mga estudyante ng mga karagdagang kabatiran tungkol sa ating responsibilidad sa tipan na ibahagi ang ebanghelyo.

2:59

Pangwakas

Kumpletuhin ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na pahayag sa inyong study journal ayon sa kaugnayan nito sa ating responsibilidad sa tipan na ibahagi ang ebanghelyo:

Natutuhan ko ngayon na ang mga tao sa buong mundo ay …

Natutuhan ko ngayon na ako ay …

Natutuhan ko ngayon na ang Tagapagligtas ay …

Ipabahagi sa ilang nagboluntaryo ang isinulat nila. Tapusin ang klase sa pamamagitan ng pagbabahagi ng iyong nadarama tungkol sa ating responsibilidad sa tipan na ibahagi ang ebanghelyo ni Jesucristo sa iba. Ipaalala sa mga estudyante na ito ay gawain ng Tagapagligtas, at sila ay tutulungan Niya sa kanilang mga pagsisikap.