Seminary
Ang Tungkulin ng Espiritu Santo sa Gawaing Misyonero: “Ibuka Mo ang Iyong Bibig, at Ito ay Mapupuno”


“Ang Tungkulin ng Espiritu Santo sa Gawaing Misyonero: ‘Ibuka Mo ang Iyong Bibig, at Ito ay Mapupuno,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)

“Ang Tungkulin ng Espiritu Santo sa Gawaing Misyonero: ‘Ibuka Mo ang Iyong Bibig, at Ito ay Mapupuno,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan

Paghahanda ng Missionary: Lesson 199

Ang Tungkulin ng Espiritu Santo sa Gawaing Misyonero

“Ibuka Mo ang Iyong Bibig, at Ito ay Mapupuno”

Fellowshipping

Bagama’t hinihiling sa atin ng Ama sa Langit na ibahagi ang ebanghelyo ni Jesucristo sa iba, hindi Niya inaasahang gagawin natin ito nang mag-isa. Habang natututo tayong kilalanin at sundin ang Espiritu, gagabayan Niya tayo sa ating mga pagsisikap sa gawaing misyonero. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na tuklasin ang mga paraan kung paano sila matutulungan ng Espiritu na ibahagi ang ebanghelyo ni Jesucristo sa iba.

Paghahanda ng estudyante: Anyayahan ang mga estudyante na magtanong sa isang returned missionary na magbahagi ng karanasan noong tinulungan siya ng Espiritu Santo sa kanyang gawaing misyonero. O maaaring pagnilayan ng mga estudyante ang mga karanasan nila noong tinulungan sila ng Espiritu Santo na ibahagi ang ebanghelyo sa iba.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Mahalaga ang Espiritu Santo

Maaaring simulan ang klase sa pamamagitan ng pagbibigay sa isang handang estudyante ng isang gawain na hindi makukumpleto nang wala ang isang partikular na item. Halimbawa, maaari kang maglagay ng turnilyo sa isang putol ng kahoy at hilingin sa isang estudyante na alisin ito pero huwag siyang bigyan ng gamit para gawin ito. Pagkatapos, kapag hindi makumpleto ng estudyante ang gawain, ibigay sa kanya ang kinakailangang item, tulad ng destornilyador (screwdriver).

  • Ano ang ilang mga gawaing hindi maaaring gawin nang walang isang partikular na bagay?

Bukod pa sa sumusunod na pahayag ni Propetang Joseph Smith, maaari mong anyayahan ang mga estudyante na basahin ang Doktrina at mga Tipan 42:14, at alamin ang gayon ding pangangailangan.

Basahin ang pahayag na ito mula kay Propetang Joseph Smith (1805–44), at maghanap ng isang bagay na kailangan natin para epektibong maibahagi ang ebanghelyo ni Jesucristo.

Portrait of Joseph Smith Jr. standing and holding a copy of the Book of Mormon.

Dapat ipangaral ng lahat ang Ebanghelyo, sa pamamagitan ng kapangyarihan at impluwensya ng Espiritu Santo; at hindi maipangangaral ninuman ang Ebanghelyo kung wala ang Espiritu Santo. (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith, 332)

  • Sa inyong palagay, bakit hindi natin maipangangaral ang ebanghelyo ni Jesucristo kung wala ang Espiritu Santo?

Sa inyong study journal, maglista ng maraming paraang naiisip ninyo na matutulungan tayo ng Espiritu Santo na ipangaral ang ebanghelyo.

Tiyakin sa mga estudyante na OK lang kung hindi sila makaisip ng maraming paraan. Hilingin sa kanilang magdagdag sa listahan nila habang pinag-aaralan nila ang lesson na ito. Hikayatin din silang humanap ng inspirasyon kung paano sila matutulungan ng Espiritu Santo sa kanilang buhay ngayon at sa hinaharap.

Ang mga tungkulin ng Espiritu Santo

Tinutulungan tayo ng Panginoon na ibahagi ang Kanyang ebanghelyo sa iba sa pamamagitan ng pagsusugo sa atin ng Espiritu Santo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 79:1–2). Itinuturo sa atin ng mga banal na kasulatan kung paano tayo matutulungan ng Espiritu Santo sa ating mga pagsisikap sa gawaing misyonero.

Bago magsimula ang klase, isulat ang mga sumusunod na tagubilin sa pisara. Maaaring magtalaga ng mga magkakapartner para magbasa ng iba’t ibang talata.

Maaari mong ipaliwanag sa mga estudyante na kung minsan, tinutukoy ng mga banal na kasulatan ang Espiritu Santo sa iba’t ibang pangalan. “Ang iba pang mga pangalan na kung minsan ay tumutukoy sa Espiritu Santo ay Banal na Espiritu, Espiritu ng Diyos, Espiritu ng Panginoon, Mang-aaliw, at Espiritu” (tingnan sa Bible Dictionary, “Holy Ghost”).

Maaari ding makatulong na ipaliwanag na ang “sila” sa Alma 17:3 ay tumutukoy sa mga anak ni Mosias, at ang “ako” sa 3 Nephi 28:11 ay tumutukoy kay Jesucristo.

Gamitin ang mga sumusunod na banal na kasulatan para makumpleto ang pahayag: Ang Espiritu Santo ay maaaring …

  • Moises 6:32, 34

  • 2 Nephi 33:1

  • Alma 17:3

  • 3 Nephi 28:11

  • Doktrina at mga Tipan 31:11

    Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na isulat sa pisara kung paano nila kinumpleto ang pahayag. Maaari nilang ilarawan ang mga tungkulin ng Espiritu Santo tulad ng sumusunod: Ang Espiritu Santo ay maaaring …

    Pagkatapos magsulat ng mga estudyante sa pisara, maaari mo silang anyayahang magbahagi ng mga karagdagang tungkulin na maaaring gampanan ng Espiritu Santo sa pagbabahagi natin ng ebanghelyo.

    Maaari mong itanong ang gaya ng sumusunod para matulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang pagiging kwalipikado para makasama ang Espiritu Santo bilang kompanyon ay nangangailangan ng espirituwal na pagsisikap.

  • Anong mga pagkilos ang maaari nating gawin para maging kompanyon ang Espiritu Santo?

Maaaring magbahagi ang mga estudyante ng mga bagay na tulad ng taimtim na panalangin, palagiang pag-aaral ng mga banal na kasulatan, pagtupad sa mga tipan, at pagsunod sa mga utos ng Diyos (tingnan sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Pagbabahagi ng Ebanghelyo ni Jesucristo [2023], 101).

Ang sumusunod na karanasan mula kay Elder Rasband ay makatutulong sa mga estudyante na makita kung paano tayo matutulungan ng mga tungkuling ito ng Espiritu Santo na maibahagi ang ebanghelyo ng Tagapagligtas. Sa halip na basahin ang kuwento, maaari kang magpakita ng isang clip mula sa “Hayaang Patnubayan ng Espiritu Santo,” mula sa time code na 4:43 hanggang 5:59, at i-pause ito nang dalawa o tatlong beses upang talakayin kung saan nakikita ng mga estudyante ang impluwensya ng Espiritu Santo.

Basahin ang sumusunod na salaysay mula kay Elder Ronald A. Rasband ng Korum ng Labindalawang Apostol, at alamin kung saan ninyo makikita ang impluwensya ng Espiritu Santo sa karanasan ni Elder Rasband sa pagbabahagi ng ebanghelyo ni Jesucristo.

15:43
Official Portrait (as of June 2016) of Elder Ronald A. Rasband of the Quorum of the Twelve Apostles.

Isang mainit na umaga ng Hulyo, nadama ko at ng aking kompanyon na hanapin ang isang Temple Square referral. Kumatok kami sa pintuan ng tahanan ni Elwood Schaffer. Mahinahon kaming hindi tinanggap ni Gng. Schaffer.

Nang isasara na niya ang pintuan, nadama kong gawin ang isang bagay na hindi ko pa nagawa ni ginawang muli magmula noon! Inilagay ko ang aking paa sa pintuan at nagtanong, “Mayroon pa kayang iba na maaaring maging interesado sa aming mensahe?” Ang kanyang 16 na taong gulang na anak na babaeng si Marti ay interesado, at taimtim na nanalangin na patnubayan siya isang araw pa lang ang nakararaan. Hinarap kami ni Marti, at kalaunan, nakibahagi ang kanyang ina sa mga talakayan. Silang dalawa ay sumapi sa Simbahan.

Bunga ng pagkakabinyag ni Marti, 136 katao, kabilang ang marami sa kanyang sariling pamilya, ang nabinyagan at gumawa ng mga tipan ayon sa ebanghelyo. Lubos ang pasasalamat ko na nakinig ako sa Espiritu at inilagay ang aking paa sa pintuan noong mainit na araw ng Hulyong iyon. (“Hayaang Patnubayan ng Espiritu Santo,” Liahona, Mayo 2017, 94)

  • Paano ninyo nakita ang impluwensya ng Espiritu Santo sa karanasan ni Elder Rasband?

    Bago itanong ang mga sumusunod, maaari kang magsabi ng isang bagay na tulad ng: “Pagkatapos kong tanungin ang bawat isa sa mga susunod na tanong, bibigyan ko kayo ng 30 segundo upang mapagnilayan ninyo bago tumugon.” Itanong ang unang tanong at tingnan ang orasan o magbilang nang tahimik sa iyong sarili bago mag-anyaya ng mga komento. Pagkatapos magbahagi ng mga estudyante, ulitin ang parehong proseso sa pangalawang tanong. Ang sadyang pagbibigay ng oras sa mga estudyante para pagnilayan ang mga tanong bago mag-anyaya ng mga komento ay makapag-aanyaya sa Espiritu Santo, makapagbibigay ng pagkakataon sa mas maraming estudyante na makapag-isip ng sagot, at kadalasang nagiging daan para marinig ang mga estudyante na hindi regular na nagbabahagi.

  • Kailan kayo tinulungan ng Panginoon o ang isang taong kakilala ninyo na ibahagi ang ebanghelyo ni Jesucristo sa tulong ng Espiritu Santo?

  • Kailan ninyo nadama ang impluwensya ng Espiritu Santo nang may nagbahagi ng ebanghelyo sa inyo?

Paghahangad ng Espiritu Santo habang ibinabahagi natin ang ebanghelyo ni Jesucristo

  • Ano ang ilang pagkakataon na maaaring kailanganin ninyong ibahagi ang ebanghelyo ni Jesucristo sa iba?

Maaaring magbahagi ang mga estudyante ng mga bagay na tulad ng kapag tinanong ng isang kaibigan ang kanilang mga paniniwala sa relihiyon, kapag inaaliw nila ang isang miyembro ng pamilya, kapag nagtuturo ng lesson sa simbahan, kapag nagpo-post ng isang bagay sa social media, at iba pa. Habang sumasagot ang mga estudyante, maaari mong isulat sa pisara ang kanilang mga sagot.

Maaaring paghiwalayin ang klase sa maliliit na grupo at anyayahan silang kumpletuhin ang sumusunod na aktibidad. Maaaring magbahagi ang mga estudyante ng banal na kasulatan, tulad ng mga nabanggit sa unang bahagi ng lesson, na makatutulong sa kanila na maalala kung paano sila matutulungan ng Espiritu sa mga sitwasyong ganito.

Pumili ng dalawang sitwasyon kung saan maaari ninyong ibahagi ang ebanghelyo ni Jesucristo sa iba. Talakayin ang mga sumusunod na tanong para sa bawat sitwasyon:

  • Paano ninyo mahahanap at masusunod ang impluwensya ng Espiritu Santo sa sitwasyong ito?

  • Paano kayo matutulungan ng Panginoon na ibahagi ang ebanghelyo ni Jesucristo sa sitwasyong ito sa pamamagitan ng Espiritu Santo?

Anyayahan ang mga miyembro ng bawat grupo na magbahagi ng isang bagay mula sa kanilang talakayan sa grupo. Maaari mong itanong sa mga estudyante kung ano ang nakatulong sa kanila na malaman kung paano nangungusap sa kanila ang Espiritu Santo. Maaaring ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa kahalagahan ng Espiritu Santo habang ibinabahagi natin ang ebanghelyo ni Jesucristo.

Maaari mong ipaliwanag sa iyong mga estudyante na itinuturo ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Pagbabahagi ng Ebanghelyo ni Jesucristo na ang pag-aaral na makilala ang impluwensya ng Espiritu Santo “ay isang proseso na nangangailangan ng panahon at masigasig at matiyagang pagsisikap” (106). Hikayatin silang maging matiyaga habang nagsisikap sila araw-araw na kilalanin at umasa sa Espiritu Santo. Habang ginagawa nila ito, sila ay magiging makapangyarihang missionary sa kamay ng Panginoon.