“Pagbabahagi ng Ebanghelyo sa Natural na mga Paraan: Ang Pagbabahagi ng Ebanghelyo ay Maaaring Maging Bahagi ng Pang-araw-araw na Buhay,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Pagbabahagi ng Ebanghelyo sa Natural na mga Paraan: Ang Pagbabahagi ng Ebanghelyo ay Maaaring Maging Bahagi ng Pang-araw-araw na Buhay,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan
Paghahanda ng Missionary: Lesson 197
Pagbabahagi ng Ebanghelyo sa Natural na mga Paraan
Ang Pagbabahagi ng Ebanghelyo ay Maaaring Maging Bahagi ng Pang-araw-araw na Buhay
Bilang mga miyembro ng Simbahan ng Tagapagligtas, pagpapala at responsibilidad nating tulungan na “pagpapalain ang lahat ng mag-anak sa mundo, maging ng mga pagpapala ng Ebanghelyo” (Abraham 2:11). Kung minsan, maaaring tila mahirap humanap ng mga paraan para ipakilala sa iba ang ebanghelyo ng Tagapagligtas. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na magsanay sa pagbabahagi ng ebanghelyo ni Jesucristo sa iba sa natural na mga paraan.
Paghahanda ng estudyante: Anyayahan ang mga estudyante na mapanalanging pagnilayan ang mga sitwasyon kung saan may maibabahagi sila tungkol sa Simbahan o sa ebanghelyo bilang bahagi ng normal na pag-uusap. Maaaring pag-isipan ng mga estudyante kung paano ito mabisang magagawa at maghanap ng mga pagkakataong gawin ito.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Pagbabahagi ng gusto mo
Maaaring simulan ang lesson sa pamamagitan ng pag-anyaya sa dalawa o tatlong estudyante na ilarawan ang alinman sa paboritong bakasyon, pagkain, o iba pang bagay na hindi masyadong personal. Maaari din nilang ibahagi kung bakit nila inirerekomendang subukan ito ng iba.
Ipakita ang mga sumusunod na opsyon pagkatapos magbahagi ang bawat estudyante. Hilingin sa klase na itaas ang bilang ng mga daliri na pinaka-naglalarawan kung ano ang nadarama nila tungkol sa ibinahagi sa kanila.
-
Mas interesado na akong subukan ang ibinahagi nila.
-
Medyo mas interesado akong subukan ito.
-
Hindi nagbago ang interes ko rito.
Maaari mong ipaliwanag na maaaring madaling ibahagi ang mga bagay na gusto natin, kahit na nagpasiya ang iba na huwag subukan ang ibinahagi natin.
-
Sa palagay ninyo, paano maiaangkop ang aktibidad na ito sa pagbabahagi sa iba ng ating mga paniniwala tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang Simbahan?
-
Mula sa walang hanggang pananaw, ano ang ilan sa pinakamahahalagang paniniwala na maibabahagi ninyo sa inyong mga kaibigan at pamilya? Bakit?
Bakit tayo nagbabahagi
Para tulungan ang mga estudyante na makilala ang ilan sa mga pagpapala ni Jesucristo at ng Kanyang ebanghelyo na maaaring nais nating ibahagi, maaaring anyayahan ang maliliit na grupo na pag-aralan ang mga sumusunod na passage. Maaaring mag-aral ang bawat estudyante sa grupo ng magkakaibang talata at pagkatapos ay ireport sa grupo ang natuklasan nila.
Pag-aralan ang mga sumusunod na passage, at alamin kung bakit gusto ninyong makilala ng inyong mga mahal sa buhay ang Tagapagligtas.
Isaias 1:18
Isaias 25:4, 8–9
Isaias 40:28–31
Isaias 43:25
Isaias 54:10
-
Alin sa mga katotohanang ito ang pinaka-nasasabik kayong ibahagi sa inyong mga mahal sa buhay? Bakit?
Pagdaig sa pagdadalawang-isip
Ipaalam sa mga estudyante na natural lang na makaramdam ng kaba sa pagbabahagi ng ebanghelyo kung minsan. Maging ang mga dakilang propetang tulad ni Enoc (tingnan sa Moises 6:27, 31) at Jeremias ay kinailangang daigin ang ilang pagdadalawang-isip.
Basahin ang Jeremias 1:6, at alamin kung ano ang nadama ni Jeremias nang tawagin siyang turuan ang mga tao.
-
Bakit ang mga tao ngayon na talagang gustong lumapit kay Cristo ang kanilang mga mahal sa buhay ay maaaring magdalawang-isip na ibahagi sa kanila ang ebanghelyo?
Basahin ang Jeremias 1:7–9, at alamin ang payo at mga pangako ng Tagapagligtas kay Jeremias.
-
Sa palagay ninyo, paano maiaangkop sa atin ang mga salita ng Tagapagligtas kay Jeremias habang ibinabahagi natin ang Kanyang ebanghelyo?
Ibinigay ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod na payo na makatutulong din sa atin na madaig ang pagdadalawang-isip na ibahagi ang ebanghelyo:
Saan man kayo naroon sa mundong ito, maraming pagkakataon upang ibahagi ang mabuting balita ng ebanghelyo ni Jesucristo sa mga taong nakikilala ninyo, kasamang nag-aaral, at kabahay o katrabaho at kasalamuha. …
Ang sinasabi ko ay palagi kayong maghanap ng mga pagkakataon na banggitin ang inyong pananampalataya sa likas at normal na paraan sa mga tao—kapwa personal at online. …
Sa anumang paraan na tila likas at karaniwan sa inyo, ibahagi sa mga tao kung bakit mahalaga sa inyo si Jesucristo at ang Kanyang Simbahan. (“Gawaing Misyonero: Pagbabahagi ng Nasa Puso Mo,” Liahona, Mayo 2019, 15, 17)
-
Paano mo ibubuod ang mga pangako ng Panginoon kay Jeremias at mga turo ni Elder Uchtdorf sa isang simpleng pahayag ng katotohanan?
Gamit ang mga salita ng mga estudyante, maaari kang magsulat ng isang katotohanang katulad ng sumusunod sa pisara: Matutulungan tayo ng Tagapagligtas na ibahagi ang Kanyang ebanghelyo sa natural at normal na mga paraan.
Maaaring anyayahan ang mga estudyante na talakayin ang sumusunod sa maliliit na grupo, pagkatapos ay hilingin sa ilang boluntaryo na ibahagi ang kanilang mga sagot sa klase.
-
Ano ang pinagkaiba ng pagbabahagi ng ebanghelyo sa “natural at normal” na paraan o sa paraang hindi kumportable?
-
May naiisip ba kayong sinuman na nagsasalita tungkol sa ebanghelyo sa natural na paraan? Kung mayroon, paano niya ito ginagawa?
Kung makikinabang ang mga estudyante sa iba pang mga halimbawa ng natural na pagbabahagi ng ebanghelyo ni Jesucristo, maaari ninyong panoorin ang “Simple Ways to Love, Share, and Invite, for Youth,” (2:50) na makukuha sa Gospel Library.
Ang “parang pananalamin na pakikipag-uusap”
Makatutulong ang bahagi ng lesson na ito sa mga estudyante na magsanay ng isang paraan upang natural na ipahayag si Jesucristo at ang Kanyang ebanghelyo sa mga pag-uusap. Maaari kang magsanay ng iba’t ibang skill kasama ang iyong mga estudyante na maaaring mas makatulong sa kanila. Maaari kang humawak ng salamin at ipakita ang sumusunod na pahayag.
Ipinaliwanag ni Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol ang isang paraan kung paano kayo makagagawa ng mga pag-uusap tungkol sa mga paksa ng ebanghelyo.
May kilala akong nagtapos sa BYU na isang mabuting halimbawa. Sinabi niya na parang pananalamin ang pag-uusap. Kung pag-uusapan natin ang lagay ng panahon, makikipag-usap din ang mga tao tungkol sa lagay ng panahon. Kung pag-uusapan natin ang sports, makikipag-usap din sila tungkol sa sports. Sinabi ng kaibigang ito na tinatanong niya ang mga taong nakikilala niya tungkol sa kanilang paaralan at nakikinig siya nang mabuti. Pagkatapos nilang tumugon sa pamamagitan ng pagtatanong tungkol sa paaralan niya, magkukuwento naman siya sa kanila tungkol sa BYU at pagkatapos ay ibinabahagi niya ang kanyang patotoo sa ebanghelyo. Pagkatapos, sa positibong paraan, inaanyayahan niya silang marami pang matutuhan mula sa mga missionary. Naging napakatagumpay niya sa pagbabahagi ng ebanghelyo. (“How to Be a Member Missionary,” New Era, Peb. 2015, 48)
-
Paano ninyo ipaliliwanag ang paggamit ng ideyang “parang pananalamin na pakikipag-usap” upang ihatid ang ebanghelyo sa iba?
Linawin
Para tulungan ang mga estudyante na maghandang isagawa ang kasanayang ito, ibahagi sa kanila ang sumusunod:
Maaaring maging mas natural ang pag-uusap tungkol sa bahagi ng ating buhay kung tatanungin muna natin ang iba tungkol sa parehong bagay sa kanilang buhay. Upang magawa ito, maaari kayong:
-
Pumili ng isang bagay na ginawa ninyo kamakailan o malapit na ninyong gawin upang makibahagi sa Simbahan ni Jesucristo o sa Kanyang ebanghelyo.
-
Mag-isip ng isang tanong na maaaring itanong ninyo sa isang tao upang maging mas natural para sa inyo ang pagbabahagi ng inyong pinili tungkol sa Simbahan o ebanghelyo ng Tagapagligtas.
-
Magtanong, pakinggan nang taimtim ang kanyang sagot, at pagkatapos ay ibahagi ang inyong pinili.
Maaari mo ring ipahayag ang kahalagahan ng pakikinig sa iba nang may tunay na malasakit bago magbahagi tungkol sa ating sarili (tingnan sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Pagbabahagi ng Ebanghelyo ni Jesucristo, 192).
Ipakita
Ipakita ang “parang pananalamin na pakikipag-uusap” sa pamamagitan ng pagtatanong sa isang estudyante kung ano ang ginawa niya nitong weekend. Pagkatapos pakinggan nang taimtim ang kanyang sagot, sabihin sa kanya ang nangyari sa weekend ninyo at siguraduhing magsama ng positibong bagay tungkol sa inyong karanasan sa simbahan.
Maaari ka ring magbahagi ng mga halimbawa na tulad ng sumusunod:
Itanong, “Kumusta ang inyong umaga?” (Pakinggan ang kanilang sagot.) Pagkatapos ay magbahagi ng isang bagay na tulad ng, “Napakaganda ng karanasan ko ngayong umaga sa pag-aaral sa seminary …”
Itanong, “Mayroon ba kayong nakaplano na masayang gawain ngayong linggo?” (Pakinggan ang kanilang sagot.) Pagkatapos ay magbahagi ng isang bagay na tulad ng, “Pupunta ako sa templo kasama ang pamilya ko sa Miyerkules ng gabi para …”
Magsanay
Anyayahan ang mga estudyante na sanayin ang skill na ito. Depende sa malalabing oras, maaaring sanayin ng mga estudyante ang skill sa maraming partner, at magbahagi ng iba’t ibang aspekto ng ebanghelyo sa kanilang buhay sa bawat pagkakataon. Hikayatin silang humanap ng mga pagkakataong magsalita tungkol sa Ama sa Langit, kay Jesucristo, at sa mga pagpapala ng ebanghelyo. Maaaring makatulong na ipakita ang mga sumusunod na hakbang.
Maghandang ibahagi ang ebanghelyo ng Tagapagligtas
Maaaring ipaalala sa mga estudyante na ang tagumpay sa pagbabahagi ng ebanghelyo ay hindi nakasalalay sa kung tatanggapin ng tao ang mensahe ng Tagapagligtas. Ang katotohanan na sinubukan nating ibahagi ang liwanag ng Tagapagligtas ay palaging isang tagumpay.
Bilang pagtatapos ng klase, maaari mong ipakita ang sumusunod na prompt at anyayahan ang mga estudyante na itala ang kanilang mga saloobin sa mga study journal nila.
Basahing muli ang Jeremias 1:7–9 at pagnilayan kung paano kayo matutulungan ng Panginoon na ibahagi ang Kanyang ebanghelyo. Pagkatapos ay maglaan ng ilang minuto upang isipin ang mga sitwasyon na maaari ninyong maranasan ngayong linggo kung saan maaari ninyong talakayin ang ebanghelyo sa isang tao. Mapanalanging humingi ng tulong sa Ama sa Langit sa pagkilala sa mga paraan na natural ninyong maibabahagi ang mensahe ng Tagapagligtas. Tandaan na tulad ng pagtulong ng Panginoon kay Jeremias, tutulungan din Niya kayo sa inyong mga pagsisikap.