Seminary
I-assess ang Iyong Pagkatuto 7: Job—Eclesiastes


“I-assess ang Iyong Pagkatuto 7: Job–Eclesiastes,” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)

“I-assess ang Iyong Pagkatuto 7: Job–Eclesiastes,” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan

Mga Kawikaan 1–4; 15–16; 22; 31; Eclesiastes 1–3; 11–12: Lesson 112

I-assess ang Iyong Pagkatuto 7

Job–Eclesiastes

Scripture Study

Ang pagninilay at pag-assess sa ating espirituwal na pagkatuto ay makatutulong sa atin na mas mapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na pagnilayan ang mga mithiing itinakda nila at ang pag-unlad na naranasan nila sa kanilang pag-aaral ng Lumang Tipan kamakailan.

Paghahanda ng estudyante: Anyayahan ang mga estudyante na dumating sa klase na handang magbahagi ng isang salaysay o turo sa Lumang Tipan na nagkaroon ng epekto sa kanilang espirituwal na pag-unlad.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang pag-aaral ng mga estudyante mo ng Job hanggang Eclesiastes ay maaaring tumuon sa resultang naiiba sa mga ina-assess sa lesson na ito. Kung gayon, iakma ang mga aktibidad upang i-assess ang pag-unlad na naranasan ng mga estudyante mula sa mga resultang pinagtuunan ng klase mo.

Sa lesson na ito, magkakaroon ang mga estudyante ng pagkakataong i-assess ang kanilang progreso sa mga sumusunod na aspeto:

  1. Ipaliwanag ang Pagkabuhay na Mag-uli bilang bahagi ng plano ng Ama sa Langit. (Paalala: Ang aktibidad na ito ay batay sa mga turo mula sa Lesson 98: “Job 14, 19.”)

  2. Makadama ng mas matinding hangaring sambahin ang Ama sa Langit at si Jesucristo. (Paalala: Ang aktibidad na ito ay batay sa isang mungkahi mula sa Lesson 101: “Pambungad sa Mga Awit, Bahagi 2.“ Ang iba pang aral mula sa Mga Awit at iba’t ibang aklat sa Lumang Tipan ay maaaring nakatulong din sa mga estudyante na mapatindi ang kanilang hangaring sambahin ang Panginoon.)

  3. Regular na pag-aralan ang mga banal na kasulatan nang mag-isa. (Paalala: Ang aktibidad na ito ay batay sa mga turo mula sa Lesson 107: “Mga Awit 119.” Kahit na hindi pinag-aralan ng klase ang partikular na lesson na iyon, ang paminsan-minsang pag-anyaya sa mga estudyante na i-assess ang kanilang personal na pag-aaral ng banal na kasulatan ay makatutulong sa kanilang espirituwal na pag-unlad.)

Mga regular na pagsusuri

Para simulan ang lesson, maaari mong tulungan ang mga estudyante na makita ang kahalagahan ng pagsasagawa ng mga regular na pagsusuri sa mahahalagang bagay, sa halip na pagtuon lang sa mga ito kapag nagkaroon ng mga problema. Maaari kang magpakita ng larawan ng isang item na nangangailangan ng regular na inspeksyon. O maaari kang magbahagi ng personal na kuwento sa kung paano ka napagpala sa pamamagitan ng pag-uukol ng oras para inspeksyunin ang isang bagay.

  • Bakit mahalaga ang regular na pag-inspeksyon o pagsuri sa mga sumusunod na bagay? Ano ang posibleng mangyari kung hindi natin susuriin ang mga ito?

  • Mga sasakyan

  • Progreso tungo sa pagtatapos sa high school

  • Pisikal na kalusugan (halimbawa, mga mata, tainga, ngipin, at pangkalahatang kalusugan)

Maaari mong ilipat ang talakayan sa klase ng mga espirituwal na bagay sa pamamagitan ng pagtatanong ng tulad ng:

  • Sa palagay ninyo, bakit mahalagang suriin paminsan-minsan ang ating espirituwal na pag-unlad?

  • Paano maaaring maging kapaki-pakinabang na mapansin ang pag-unlad na nagagawa natin, pati ang mga pagbabagong magagawa natin?

Maglaan ng panahon para suriin kung paano nakatulong ang pag-aaral ninyo ng Lumang Tipan sa espirituwal na pag-unlad ninyo sa taong ito. Habang sinusuri ninyo ang inyong pag-unlad, maaari ninyong pagnilayan o isulat ang inyong mga sagot sa isa o mahigit pa sa mga sumusunod na tanong:

  • Ano ang natutuhan mo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo na mahalaga sa iyo?

  • Mayroon bang mga partikular na salaysay o turo sa banal na kasulatan na nakaapekto sa iyo? Kung mayroon, paano?

  • Masaya ka ba sa pag-unlad na nagagawa mo? Ano ang sanhi nito, o ano ang magagawa mo para matulungan kang makuha ang mga resultang hinahangad mo?

Pagkatapos magbigay ng oras para sa pagninilay at pagsusulat, anyayahan ang mga boluntaryo na ibahagi ang ilan sa kanilang mga naisip at impresyon.

Ipaliwanag ang Pagkabuhay na Mag-uli bilang bahagi ng plano ng Ama sa Langit

Maaari mong isulat sa pisara ang sumusunod na tanong. Sa halip na ipasagot sa mga estudyante ang tanong, anyayahan sila na ibahagi kung sino ang maaaring magtanong nito o sa anong mga sitwasyon maaaring itanong ito ng isang tao.

  • Mabubuhay ba tayong muli pagkatapos nating mamatay?

    Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang kaalaman natin tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo ay makatutulong sa atin na masagot ang tanong na ito.

    Ang sumusunod na aktibidad ay makatutulong sa mga estudyante na maipaliwanag ang natutuhan nila tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo. Sa Lesson 98: “Job 14, 19,“ maaaring sumulat ang mga estudyante ng isang talata bilang tugon sa tanong ni Job: “Kung ang isang tao ay mamatay, mabubuhay pa ba siya?“ (Job 14:14). Anyayahan ang mga estudyante na balikan ang talatang iyon sa kanilang journal at basahin ang anumang scripture reference na maaaring isinama nila sa kanilang sagot.

    Kung hindi nagsulat ang mga estudyante ng sagot sa tanong ni Job, maaari mong ibigay ang mga sumusunod na scripture reference para basahin nila.

  • 1 Corinto 15:20–22

  • Mosias 16:7–8

  • Alma 11:42–44

  • Helaman 14:17

  • Moroni 7:41

Pagkatapos rebyuhin ng mga estudyante ang isinulat nila o ang mga banal na kasulatan sa itaas nang ilang minuto, anyayahan silang pumili ng numero mula isa hanggang apat. Ilagay ang mga estudyante sa maliliit na grupo kasama ang mga indibiduwal na pumili ng ibang mga numero. Anyayahan silang ibahagi sa kanilang grupo kung paano nila ipapaliwanag ang Pagkabuhay na Mag-uli at ang tungkulin ni Jesucristo dito sa sitwasyong nasa ibaba na tumutugma sa numerong pinili nila.

  1. Isang kaklase sa paaralan na gustong malaman ang itinuturo ng ating simbahan tungkol sa kabilang buhay

  2. Isang kaibigan sa trabaho na nalaman kamakailan lang na may nakamamatay na sakit ang kanyang kapatid

  3. Mga bata sa isang primary class

  4. Pagsasalita sa libing ng isa sa iyong mga lolo at lola

Pagkatapos magkaroon ng pagkakataon ang mga estudyante na magbahagi sa isa’t isa, maaari mong hilingin sa ilang handang estudyante na ibahagi ang natutuhan nila mula sa karanasang ito. Maaaring kabilang dito ang bagong natutuhan nila tungkol kay Jesucristo at sa Pagkabuhay na Mag-uli o isang bagay na natutuhan nila sa pamamagitan ng pagpapaliwanag nito sa iba.

Makadama ng mas matinding hangaring sambahin ang Ama sa Langit at si Jesucristo

Bilang bahagi ng Lesson 101: “Pambungad sa Mga Awit, Bahagi 2,“ maaaring nagsimulang gumawa ang mga estudyante ng video, tula, drowing, meme, o iba pang pagpapahayag ng kanilang mga saloobin at damdamin tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Anyayahan ang mga estudyante na hanapin o alalahanin ang kanilang proyekto. Ipakita ang mga sumusunod na tagubilin at tanong na sasagutan ng mga estudyante sa kanilang study journal. Maaari kang magpatugtog ng banayad na musika habang ginagawa ng mga estudyante ang aktibidad na ito.

Maglaan ng ilang sandali para isipin ang tungkol sa karanasan mo sa paggawa nito. Anyayahan ang Espiritu Santo na tulungan kang alalahanin ang mga damdaming ipinahayag mo.

  • Ano ang natutuhan o nadama mo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo mula nang gawin mo ang pagpapahayag na ito ng pagsamba?

  • Anong mga pagbabago, kung mayroon man, ang napansin mo sa iniisip o nadarama mo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo mula nang gawin mo ito? Ano ang nadarama mo ngayon?

  • Kapag tiningnan mo ang iyong proyekto, ano ang idaragdag mo? Ano ang babaguhin mo?

Maaari mong bigyan ng pagkakataon ang mga handang estudyante na hindi pa nagbabahagi ng kanilang proyekto na ibahagi ang kanilang ginawa, kung ano ang makabuluhan sa kanila tungkol sa karanasan, o kung ano ang nadama nila.

Regular na pag-aralan ang mga banal na kasulatan nang mag-isa

Sa Lesson 107: “Mga Awit 119,“ maaaring gumawa ka ng isang object lesson sa pamamagitan ng pagpatay ng ilaw sa silid at pagsindi ng ilawan o flashlight. Kung gayon, maaari mong ulitin ang object lesson na ito at ipabasa sa mga estudyante ang Mga Awit 119:105. Anyayahan silang ibahagi ang kanilang naaalala mula sa lesson na iyon, kabilang kung paanong ang salita ng Diyos ay tulad ng liwanag sa ating buhay.

Maaaring naanyayahan ang mga estudyante sa lesson na iyon na gumawa ng personal na mithiin sa pag-aaral ng banal na kasulatan o pagnilayan kung paano nila ginagawa ang isang mithiing itinakda na nila. Anyayahan silang i-assess kung ano na ang nangyayari sa kanilang mithiin sa pag-aaral at kung paano ito nakatutulong sa kanila. Upang magawa ito, maaari mong ipakita ang mga sumusunod na tagubilin.

Sa iyong study journal, isulat kung ano na ang nangyayari sa pag-aaral mo ng banal na kasulatan. Maaari mong isama ang mga sagot sa ilan sa sumusunod:

  • Ano ang ginagawa mo para patuloy na maisagawa ang iyong mithiin?

  • Nadarama mo ba na ginagabayan ka ng Panginoon habang pinag-aaralan mo ang mga banal na kasulatan? Bakit oo o bakit hindi?

  • Anong mga hadlang ang kinakaharap mo, kung mayroon man?

  • Paano mo maaaring gustong patuloy na pagbutihin ang iyong pag-aaral ng banal na kasulatan?

Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga saloobin. Kung magbabahagi sila ng mga tagumpay, maaari kang magtanong ng tulad ng “Paano ito nakaapekto sa buhay mo?“ o “Ano ang ginawa mo na nakatulong para matamo ang resultang ito?“ Kung magbabahagi sila ng mga problema nila, maaari mong anyayahan ang klase na maghanap ng mga banal na kasulatan, pahayag mula sa mga lider ng Simbahan, o magbahagi ng mga personal na karanasan na maaaring makatulong. Sikaping magkaroon ng kapaligiran kung saan nagsisikap ang mga estudyante na tulungan at suportahan ang isa’t isa.

Maaari mo ring ibahagi ang iyong mga mithiin at karanasan sa pag-aaral ng banal na kasulatan.