Seminary
Pambungad sa Mga Kawikaan: ”Ang Panginoon ay Nagbibigay ng Karunungan”


“Pambungad sa Mga Kawikaan: ‘Ang Panginoon ay Nagbibigay ng Karunungan,’” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)

“Pambungad sa Mga Kawikaan: ‘Ang Panginoon ay Nagbibigay ng Karunungan,’” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan

Mga Kawikaan 1–4; 15–16; 22; 31; Eclesiastes 1–3; 11–12: Lesson 109

Pambungad sa Mga Kawikaan

“Ang Panginoon ay Nagbibigay ng Karunungan“

Jesus Christ depicted as a young boy in the carpenter shop of Joseph. Joseph is standing behind the young Christ.  Christ is reading the scriptures from a scroll resting on a table. There are wood shavings on the table.

Paano napagpala ng matalinong payo ng mga pinagkakatiwalaang mahal sa buhay ang buhay mo? Ang pag-aaral ng aklat ng Mga Kawikaan ay maaaring maging katulad ng paghahangad ng karunungan mula sa isang mapagmalasakit na kaibigan, kapamilya, at sa Panginoon. Ang pagsasabuhay ng Kanyang karunungan ay makapagpapanatili sa atin sa makipot at makitid na landas ng tipan. Makatutulong ang lesson na ito na matukoy ng mga estudyante ang mga katotohanang makatutulong sa kanila na sundan ang landas ng Panginoon.

Paghahanda ng estudyante: Anyayahan ang mga estudyante na pumili ng isang mahalagang payo o mga makatutulong na payo na natanggap nila mula sa mga magulang, lider, at pinagkakatiwalaang kaibigan. Anyayahan ang mga estudyante na maghandang ibahagi ang payo at kung paano nito napagpala ang kanilang buhay.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Pinagkakatiwalaang payo

Maaari mong simulan ang klase sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga estudyante ng maliliit na papel. Sabihin sa kanila na isulat ang isang mahalagang payo na ibinigay sa kanila. Pagkatapos kolektahin ang mga papel, maaari mong basahin ang ilan sa mga sagot. Anyayahan ang estudyanteng nagsulat ng sagot na ibahagi kung paano nakatulong sa kanya ang payong iyon. Maaaring ipasa ng mga estudyante ang mga natitirang papel sa loob ng silid, at basahin ang payo ng iba pang mga kaklase. Pagkatapos ay anyayahan ang mga estudyante na talakayin ang mga sumusunod na tanong.

  • Paano nagiging makabuluhan sa inyo ang payo ng isang tao?

  • Paano ninyo tinutukoy kung kaninong payo ang mapagkakatiwalaan ninyo?

    Pagkatapos ibahagi ng mga estudyante ang kanilang mga sagot, maaari mo silang anyayahan na mapanalanging pag-isipan ang mga susunod na tanong.

  • Gaano kadalas mong sinusunod ang matalinong payo ng iba?

  • Gaano kadalas mong hinihingi at sinusunod ang payo ng Panginoon?

Ang karunungan ng Mga Kawikaan

Ang aklat ng Mga Kawikaan ay isang koleksyon ng mga patulang karunungan na isinulat para sa mga Israelita. Ang ilang talata sa Mga Kawikaan ay nakaugnay kay Haring Solomon (tingnan sa Mga Kawikaan 1:1; 10:1; 25:1; tingnan din sa 1 Mga Hari 4:32), samantalang ang iba pang may-akda ay hindi kilala. Habang pinag-aaralan ninyo ang Mga Kawikaan, bigyang-pansin kung paano pinatototohanan ng Espiritu Santo ang katotohanan habang tinutukoy ninyo ang mga payo na nais ng Panginoon na sundin ninyo.

Maaari mong ipaalala sa mga estudyante na ang Mga Kawikaan (tulad ng sa Job at Eclesiastes) ay gumagamit ng mga elemento ng tula sa Hebreo na maaaring mahirap maunawaan ng mga mambabasa. Kung kinakailangan, ibahagi na bagama’t maraming Kawikaan ang lubos na espirituwal, ang ilan ay makamundong payo lang.

Basahin ang Mga Kawikaan 1:1–7, at hanapin ang ilan sa mga layunin ng mga kawikaan.

Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang nahanap nila. Kung kapaki-pakinabang, maaari mong itanong kung bakit mahalagang matutuhan ngayon ang karunungan.

Maaari mong ipaliwanag na “ang takot sa Panginoon“ (talata 7) ay tumutukoy sa damdamin at pagpapakita ng pagpipitagan at paggalang sa Kanya. Maaaring isulat ng mga estudyante ang paliwanag na ito sa kanilang mga banal na kasulatan.

  • Sa inyong palagay, bakit maaaring “pasimula ng kaalaman“ (talata 7) ang pagpipitagan o paggalang sa Panginoon?

Basahin ang Mga Kawikaan 2:6–9, at alamin ang pinagmumulan ng tunay na karunungan. Maaari mong iugnay o i-cross reference ang mga talatang ito sa Mosias 4:9.

  • Paano ninyo ibubuod ang natutuhan ninyo bilang isang pahayag ng katotohanan?

    Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang isang katotohanan tulad ng binibigyan tayo ng Panginoon ng karunungan para matulungan tayong sundan ang Kanyang landas. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na isulat ang katotohanang ito sa kanilang notes, banal na kasulatan, o study journal habang isinusulat mo ito sa pisara. Maaaring magbahagi ang mga estudyante ng mga halimbawa ng mga pagkakataong nakatulong sa kanila ang karunungan ng Panginoon. Maaari nilang talakayin kung paano maaaring naiiba ang Kanyang karunungan sa karunungan ng mundo. Maaaring banggitin ng mga estudyante ang mga bagay tulad ng ang pagbabayad ng ikapu ay humahantong sa mga pagpapala ng Panginoon (Malakias 3:10) o ang pagsunod sa batas ng kalusugan ng Tagapagligtas ay naghahatid sa atin ng mga pisikal at espirituwal na pagpapala (Doktrina at mga Tipan 89:18–21).

  • Paano nakatulong sa inyo ang pagsunod sa matalinong payo ng Panginoon para manatili kayo sa Kanyang landas?

  • Ano ang ilang halimbawa ng pagkakataong hinangad ng Tagapagligtas ang karunungan mula sa Kanyang Ama sa halip na sa iba pang mga source?

icon ng seminaryKung kakailanganin ng mga estudyante ng karagdagang tulong sa pag-iisip ng mga sandali na sinunod ng Tagapagligtas ang karunungan ng Kanyang Ama, maaari kang magbahagi ng mga halimbawa tulad ng Mateo 14:23; 26:36–39. Ang mga estudyante ay maaaring magkaroon ng nakapagpapatibay na karanasan sa pagkatuto habang iniisip nila kung paano naging isang halimbawa si Jesucristo ng mga katotohanang tinutukoy nila. (Para sa karagdagang pagsasanay sa pagtulong sa mga estudyante na makita na ang Tagapagligtas ay isang halimbawa ng isang alituntunin, tingnan sa “Bigyang-diin ang Halimbawa ni Jesucristo“ sa Mga Kasanayan para sa Pag-unlad ng Guro.)

Ang karunungan ng Panginoon ay makatutulong sa atin na tularan ang Kanyang halimbawa

Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang mga katotohanang nag-aanyaya sa kanila na sundin ang Tagapagligtas at maging higit na katulad Niya. Para magawa ito, maaari mong ibigay ang ilan o ang lahat ng sumusunod na reperensya mula sa Mga Kawikaan. Maaari mong isulat ang mga reperensya na pipiliin mo sa mga piraso ng papel. Maaari mong bigyan ng isang papel ang bawat estudyante. Anyayahan silang basahin ang reperensya at gawin ang dalawang hakbang sa ibaba. Pagkatapos ay maaaring ipasa ng mga estudyante ang kanilang mga papel sa ibang estudyante at ulitin ang dalawang hakbang. Ulitin ang pagpapasa ng papel hanggang sa mapag-aralan ng mga estudyante ang ilang scripture passage.

Tandaan: Ang Lesson 110: “Mga Kawikaan 3” ay magtutuon sa mga katotohanang matatagpuan sa kabanatang iyon.

Pag-aralan ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na scripture passage mula sa Mga Kawikaan, at gawin ang sumusunod:

  1. Isulat ang natutuhan mo bilang pahayag ng katotohanan.

  2. Sumulat ng maikling paglalarawan kung paano makatutulong ang karunungang ito sa isang tao na tularan ang halimbawa ni Jesucristo o maging higit na katulad Niya.

Mga Kawikaan 1:8

Mga Kawikaan 4:14–15

Mga Kawikaan 4:26

Mga Kawikaan 6:23

Mga Kawikaan 11:17

Mga Kawikaan 15:1

Mga Kawikaan 16:16

Mga Kawikaan 16:18–19

Mga Kawikaan 17:22

Mga Kawikaan 23:17

Mga Kawikaan 28:13

Mga Kawikaan 29:18

Mga Kawikaan 30:5

Ang sumusunod na aktibidad ay makatutulong sa mga estudyante na ipaliwanag ang natutuhan nila sa kanilang pag-aaral ng Mga Kawikaan. Maaaring gawin ng mga estudyante ang aktibidad na ito nang mag-isa, o maaari mo silang hatiin sa mga grupo. Maaari kang magbigay ng papel at mga kagamitan sa sining para makagawa ng poster, o maaaring gumawa ng isang bagay ang mga estudyante sa kanilang phone. Upang matulungan ang mga estudyante, ipakita ang mga sumusunod na tagubilin.

2026 Old Testament Seminary Teacher Materials

Isipin na kunwari ay hiniling sa iyo na gumawa ng isang visual na gumagamit ng isa sa mga talata sa Kawikaan para tulungan ang mga tinedyer na maging higit na katulad ng Tagapagligtas. Pumili ng Kawikaan at gumawa ng poster na katulad ng maaari mong makita sa magasin na Para sa Lakas ng mga Kabataan. Maaaring maglaman ang iyong visual ng sumusunod:

  1. Isang simpleng paglalarawan—isang bagay na malikhain at maaaring umagaw sa atensyon ng isang tinedyer

  2. Ang talata mula sa Mga Kawikaan at ang katotohanan na itinuturo nito

  3. Isang paliwanag kung paano makatutulong ang talata mula sa Mga Kawikaan sa isang tinedyer na tularan ang halimbawa ng Tagapagligtas o maging higit na katulad Niya

Ibahagi ang karunungan ng Mga Kawikaan

Bigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na ibahagi o ipakita ang kanilang visual. Kung ginawa ng mga estudyante ang aktibidad na ito sa mga grupo, maaari silang pumili ng isang taong magpapakita ng kanilang visual sa klase. Maaari mong idispley ang mga poster sa paligid ng silid, at maaaring tingnan ng mga estudyante ang gawa ng kanilang mga kaklase. Para tapusin ang klase, maaari mong anyayahan ang mga estudyante na talakayin ang mga sumusunod na tanong o sagutin ang mga ito sa kanilang study journal.

Tumigil sandali at pagnilayan ang mga impresyon na maaaring naranasan ninyo sa buong lesson ngayon. Pagkatapos ay sagutin ang mga sumusunod na tanong sa inyong study journal:

  • Paano nakaapekto sa hangarin mong sundin ang Panginoon ang mga katotohanang pinag-aralan mo ngayon?

  • Ano ang nahikayat kang gawin upang maging higit na katulad ng Tagapagligtas?