“Eclesiastes: ‘Dadalhin ng Diyos ang Bawat Gawa sa Paghuhukom,’” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Eclesiastes: ‘Dadalhin ng Diyos ang Bawat Gawa sa Paghuhukom,’” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan
Mga Kawikaan 1–4; 15–16; 22; 31; Eclesiastes 1–3; 11–12: Lesson 111
Eclesiastes
“Dadalhin ng Diyos ang Bawat Gawa sa Paghuhukom”
Kung minsan ay madaling pagtuunan ang nangyayari sa buhay na ito habang nakakalimutan nating tingnan ang ating buhay mula sa isang walang-hanggang pananaw. Sa Eclesiastes, ipinaalala sa atin ng Mangangaral na ang mga bagay sa mundong ito ay pansamantala lang. Pinapayuhan niya tayo na maghanda para sa araw na hahatulan ng Diyos ang lahat ng Kanyang mga anak. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan kung paano makatutulong sa kanila ang pagtuon sa pagharap sa Diyos sa Huling Paghuhukom sa paggawa ng matatalinong pagpili.
Paghahanda ng estudyante: Anyayahan ang mga estudyante na makipag-usap sa isang magulang o pinagkakatiwalaang lider tungkol sa kung paano nila nakita ang pangmatagalang epekto ng mga desisyong ginawa nila noong tinedyer pa sila.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Paggawa ng mga desisyon
Maaari mong simulan ang klase sa pamamagitan ng pagtulong sa mga estudyante na maunawaan kung paano makakaimpluwensya ang walang-hanggang pananaw sa mga desisyong gagawin nila. Upang magawa ito, maaari mong isulat sa pisara ang sumusunod. Anyayahan ang mga estudyante na talakayin kung paano makakaapekto sa kanilang kinabukasan ang bawat desisyong ito noong bata pa sila.
-
Paano ko tinatrato ang aking katawan
-
Saan ko ginagamit ang aking libreng oras
-
Paano ko tinatrato ang mga tao
Pagkatapos ay ibahagi ang sumusunod na pahayag at anyayahan ang mga estudyante na gumawa ng mga koneksyon sa pagitan ng mga desisyon sa itaas at sa itinuro ni Pangulong Nelson.
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson ang sumusunod tungkol sa ating mga pagpili.
Malaki ang mga pakinabang ng bawat matwid na pagpiling ginagawa ninyo sa buhay na ito. Ngunit mas malaki pa ang mga walang-hanggang pakinabang kaysa sa natanggap ninyo sa buhay na ito. …
Mangyari pa, ayaw ng kaaway na isipin man lang ninyo ang kinabukasan, lalo na ang buhay na walang hanggan. (“Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan” [pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, Mayo 15, 2022], Gospel Library.)
-
Paano maaaring makaapekto sa atin ang hindi pagtingin sa ating mga desisyon nang may walang-hanggang pananaw?
Isulat ang isang desisyon na kinakaharap mo ngayon na maaaring ”mas malaki pa ang mga walang-hanggang pakinabang.”
Makatutulong ang pagbibigay ng ilang ideya sa mga estudyante tungkol sa mga uri ng mga desisyong maaari nilang isulat, tulad ng:
-
Kung patuloy bang gugugulin ang oras sa isang partikular na grupo ng mga kaibigan.
-
Kung pagsisisihan ba ang isang kasalanang matagal na nilang iniisip.
-
Kung ano ang pinipili nilang gawin sa araw ng Sabbath.
Pagnilayan kung bakit maaaring nais ng Ama sa Langit na isipin ninyo ang tungkol sa hinaharap habang ginagawa ninyo ang desisyong ito. Ano ang maaaring mangyari kung hindi ninyo ito gagawin?
Sa pag-aaral ninyo ng Eclesiastes ngayon, hangaring maunawaan ang mga katotohanan at makatanggap ng personal na paghahayag mula sa Panginoon na makatutulong sa inyo sa desisyong ito.
Pagtutuon sa mga temporal na bagay
Sa aklat ng Eclesiastes, tinukoy ng may-akda ang kanyang sarili bilang “[ang] Mangangaral“ (Eclesiastes 1:1). Ikinumpara ng Mangangaral ang kahungkagan ng pagtuon ng ating buhay sa mga temporal na bagay at ang kahalagahan ng paghahanda sa pagharap sa Diyos.
Maaari mong hatiin ang klase sa maliliit na grupo at anyayahan ang bawat grupo na basahin ang isa sa mga scripture passage sa ibaba. Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang mga passage, maaari mong ipakita ang mga sumusunod na kahulugan. Anyayahan ang mga estudyante na palitan ang mga sumusunod na salita at parirala ng mga kahulugan ng mga ito habang binabasa nila:
-
Ang ibig sabihin ng “walang kabuluhan“ ay hungkag o panandalian.
-
Ang ibig sabihin ng “sa silong ng langit“ o “sa ilalim ng araw“ ay sa mortal na buhay na ito.
-
Ang ibig sabihin ng ”pakikipaghabulan sa hangin” ay kabiguan o pagkadismaya.
Basahin ang mga sumusunod na scripture passage, at alamin kung ano ang natuklasan ng Mangangaral pagkatapos hangarin ang ilang partikular na bagay na sa tingin ng ilang tao ay magpapasaya sa kanila at magdudulot ng tagumpay:
-
Karunungan ng mundo. Eclesiastes 1:13–18
-
Mga temporal na kasiyahan at materyal na pag-aari. Eclesiastes 2:1, 4–11
Maaari mong linawin na ang karunungan ng mundo at mga materyal na pag-aari ay hindi palaging masama o mali. Ngunit kapag ang mga bagay na ito ang pinagtutuunan natin, lalo na kaysa sa pagbibigay-lugod sa Diyos, nagiging panganib ito sa espirituwal. Anyayahan ang mga grupo na talakayin ang sumusunod na tanong. Pagkatapos ay maaaring ibahagi sa klase ng isang kagrupo ang mga natutuhan ng grupo.
-
Sa anong mga paraan maaaring magdulot sa atin ng kahungkagan o pagkabigo ang paghahangad sa mga bagay na ito?
Ang pagharap natin sa Diyos sa huli
Pagkatapos hangarin ang temporal na kaalaman at mga pag-aari, tinapos ng Mangangaral ang kanyang aklat sa mga aral na kanyang natutuhan. Basahin ang Eclesiastes 12:7, 13–14, at alamin ang itinuro niya na makatutulong sa atin na mapanatili ang walang-hanggang pananaw.
Ang pananaw na ito ay napakahalaga kaya binigyang-inspirasyon ng Diyos ang marami sa Kanyang mga tagapaglingkod na ituro ito. I-cross reference o iugnay ang Eclesiastes 12:7, 13–14 sa Alma 34:32 at Mormon 3:20, 22. Basahin ang mga passage na ito, at alamin kung paano itinuro nina Amulek at Mormon ang katulad na mensahe.
-
Paano ninyo ibubuod ang itinuturo ng mga talatang ito sa isang pahayag ng katotohanan?
Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang isang katotohanang tulad ng: Ang ating mga pinipili o ipinapasiya sa buhay na ito ang tutukoy kung gaano tayo kahanda na tumayo sa harap ng Diyos sa Huling Paghuhukom. Bago sagutin ng mga estudyante ang susunod na tanong, maaari mo silang anyayahan na pumikit at isipin na kunwari ay haharap sila sa Diyos pagkatapos ng buhay na ito. Hikayatin silang isipin ang nalalaman nila tungkol sa Kanya at sa Kanyang mga katangian.
-
Anong mga katangian ng Diyos ang dahilan kung bakit tanging Siya lang ang nararapat na maging Hukom natin?
Maaari mong ipaalala sa mga estudyante ang tungkuling ginagampanan ni Jesucristo sa pagtulong sa atin na maghanda para sa Huling Paghuhukom sa pamamagitan ng pagbabahagi ng sumusunod na banal na kasulatan at tanong.
Basahin ang 3 Nephi 27:16, 19, at alamin kung paano tayo makapaghahanda sa pagharap kay Jesucristo sa Huling Paghuhukom.
-
Bakit mahalagang maunawaan na hindi tayo makapaghahanda para sa Huling Paghuhukom kung wala si Jesucristo?
Ang ating mithiing selestiyal
Tulungan ang mga estudyante na makita kung paano makakaapekto sa mga desisyong ginagawa natin sa araw-araw ang kaalaman na ang ating mga pagpili ay naghahanda sa atin para sa kawalang-hanggan. Ang isang paraan para magawa ito ay hayaan ang mga estudyante na gawin ang itinuro ni Pangulong Nelson sa sumusunod na pahayag.
Nagpatotoo si Pangulong Russell M. Nelson tungkol sa kahalagahan ng pagsisimula “na isinasaisip ang nasa dulo“:
Sa unang mensahe ko bilang Pangulo ng Simbahan, hinikayat ko kayong magsimula na isinasaisip ang nasa dulo. Ibig sabihin ang kahariang selestiyal ang magiging walang hanggang mithiin ninyo at pagkatapos ay pag-isipan nang mabuti kung saan kayo dadalhin sa kabilang-buhay ng bawat desisyon ninyo sa mundong ito. (Isipin ang Kahariang Selestiyal!,” Liahona, Nob. 2023, 118)
-
Sa anong mga paraan ipinapakita ng mga turo at halimbawa ni Jesucristo na Siya ay gumawa ng mga desisyon “na isinasaisip ang nasa dulo“?
Ipaliwanag na magsasanay ang mga mag-aaral sa pagsunod sa itinuturo ni Pangulong Nelson. Bago sila magsimula, maaari mong sabihin sa kanila na mag-isip ng mga desisyon na makakaapekto sa kanila sa kabilang-buhay. Idagdag ang mga desisyong ito sa listahan ng mga desisyon sa pisara mula sa unang bahagi ng klase.
Pagkatapos ay maaaring talakayin ng mga estudyante ang sumusunod sa maliliit na grupo.
Pumili ng isa sa mga desisyon sa pisara at sagutin ang mga sumusunod na tanong:
-
Anong mga desisyon ang maaaring gawin ng isang tinedyer tungkol dito na makakaapekto sa kanyang paghahanda sa pagharap sa Diyos?
-
Ano ang natutuhan ninyo mula sa ebanghelyo ni Jesucristo na makatutulong sa isang tinedyer na gumawa ng mga desisyon tungkol dito?
Anyayahan ang mga grupo na ibahagi ang kanilang mga ideya sa klase. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na maghanap at magbahagi ng mga banal na kasulatan o pahayag mula sa mga lider ng Simbahan na sumusuporta sa kanilang ibinabahagi.
Ang pangwakas
Bago kumpletuhin ng mga estudyante ang sumusunod na aktibidad, maaari mong ipaalala sa kanila ang tungkol sa desisyong isinulat nila sa unang bahagi ng klase.
Isipin na kunwari ay nakatayo ka sa harap ng Diyos sa Huling Paghuhukom at narinig mong sinabi Niya sa iyo na, “Magaling! Mabuti at tapat na alipin“ (Mateo 25:23).
Ngayon isipin na, habang nakatayo ka sa harap ng Diyos, mayroon kang pagkakataon na magpadala ng mensahe pabalik sa panahon sa iyong sarili sa kasalukuyan. Sumulat ng isang mensahe na nagbibigay ng payo sa iyong sarili sa kasalukuyan na makatutulong sa iyo na maghanda para sa Huling Paghuhukom. Maaari mong isama ang natutuhan at nadama mo ngayon tungkol sa:
-
Kung paano nakakaapekto sa paghahanda mo sa pagharap sa Diyos ang mga pagpili mo noong bata ka pa.
-
Kung anong mga pagbabago ang hihikayatin mong gawin ng iyong sarili tungkol sa mga pagpapasiya na kasalukuyan mong kinakaharap.
Maaari mong patotohanan ang kahalagahan ng paggawa ng mga desisyon na nakatuon sa araw na haharap tayo sa Diyos upang hatulan.