“Mga Awit 119: ‘Ilawan sa Aking mga Paa ang Salita Mo, at Liwanag sa Landas Ko,’” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Mga Awit 119: ‘Ilawan sa Aking mga Paa ang Salita Mo, at Liwanag sa Landas Ko,’” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan
Mga Awit 102–3; 110; 116–19; 127–28; 135–39; 146–50: Lesson 107
Mga Awit 119
“Ilawan sa Aking mga Paa ang Salita Mo, at Liwanag sa Landas Ko”
Nadarama mo ba na ang iyong pag-aaral ng banal na kasulatan ay nagdudulot ng paggabay ng Panginoon? Ang Mga Awit 119 ay nagpapahayag ng pasasalamat para sa salita ng Diyos at nagpapatotoo sa kapangyarihan nito. Makatutulong ang lesson na ito sa mga estudyante na gumawa ng plano na pag-aralan ang salita ng Diyos.
Paghahanda ng estudyante: Anyayahan ang mga estudyante na personal na pag-aralan ang mga banal na kasulatan bago ang susunod na klase. Sabihin sa kanila na pagnilayan kung nadarama nila ang patnubay ng Panginoon sa pamamagitan ng kanilang pag-aaral ng banal na kasulatan. Kung oo, may naiisip ba silang anumang halimbawa?
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Patnubay at ang mga banal na kasulatan
Para maihanda ang mga estudyante na pag-aralan ang mga banal na kasulatan, anyayahan silang pagnilayan na magkakaiba ang mga saloobin ng iba’t ibang tao sa mga banal na kasulatan. Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung paano maaaring tapusin ng iba’t ibang taong ito ang sumusunod na pahayag. Maaari mo ring gamitin ang aktibidad na ito bilang paghahanda ng estudyante. Maaari mong ibahagi ang pahayag bago simulan ang klase at anyayahan ang mga estudyante na magdala ng isang bagay na makatutulong na tapusin ito.
Ang mga banal na kasulatan ay katulad ng dahil .
Kung kailangan ng halimbawa ng mga estudyante, maaari mong sabihin na, “Ang mga banal na kasulatan ay katulad ng mapa o GPS dahil ginagabayan ako ng mga ito.“
Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga naisip. Maaari mong itanong kung bakit gustong-gusto ng ibang tao na pag-aralan ang mga banal na kasulatan pero ang iba ay hindi.
Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na pagnilayan kung paano nila makukumpleto ang pahayag para maipakita ang kanilang saloobin sa mga banal na kasulatan.
Sa huling bahagi ng lesson, susuriin ninyo ang inyong mithiin sa pag-aaral ng banal na kasulatan o gagawa kayo ng bago. Maaari kayong manalangin nang tahimik para gabayan kayo ng Ama sa Langit ngayon habang pinag-aaralan ninyo ang Mga Awit 119. Humingi ng inspirasyon upang magawa ang mithiing pinakamakatutulong sa inyo.
Ang salita ng Diyos ay katulad ng …
Ang sumulat ng Mga Awit 119 ay gumamit ng mga simbolo upang ilarawan ang salita ng Diyos. Binigyang-diin ng mga simbolong ito ang pagmamahal ng mang-aawit sa salita ng Diyos at ang mga pagpapalang dumarating dahil sa masigasig na pag-aaral at pagsunod sa Kanyang mga salita.
Halimbawa, basahin ang Mga Awit 119:105–106, at alamin kung ano ang inihambing ng mang-aawit sa salita ng Diyos.
Maaari mong i-dim o patayin ang mga ilaw sa silid at buksan ang isang ilawan o flashlight. Hayaan ang mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
-
Paano naihahalintulad ang salita ng Diyos sa liwanag o ilawan?
Kung may ibabahagi ang mga estudyante tulad ng sumusunod na alituntunin, isulat ito sa pisara: Habang pinag-aaralan natin ang salita ng Diyos, pinapatnubayan Niya tayo.
Kung kailangan ng mga estudyante ng karagdagang tulong sa pagtukoy sa alituntunin, maaari mong itanong ang, “Paano naiiba ang paglalakad sa liwanag sa paglalakad sa dilim?” o ”Paano tayo matutulungan ng mga banal na kasulatan na maglakad sa liwanag?” O maaari mong isulat ang alituntunin at itanong ang, ”Paano inilalarawan ng mga talatang ito ang alituntunin sa pisara?”
Buksang muli ang mga ilaw sa silid. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na i-cross-reference o iugnay ang Mga Awit 119:105 sa 2 Nephi 32:3. Hilingin sa mga estudyante na isulat kung ano ang pagkakatulad ng mga talatang ito. O panoorin ang “Paano ko Ginagawang Pakinggan Siya: Elder David A. Bednar“ (1:15), Gospel Library.
1:16Basahin o ipakita ang mga sumusunod na tanong, at anyayahan ang ilang estudyante na pumili ng isa at sagutin ito:
-
Sa palagay ninyo, bakit gusto ng Diyos na gabayan tayo?
-
Paano mahihikayat ng kaalaman na gagabayan tayo ng Diyos sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan na pag-aralan ng isang tao ang mga ito?
-
Kailan pa naging katulad ng ilawan o liwanag para sa inyo o sa isang taong kilala ninyo ang salita ng Diyos?
Habang ibinabahagi ng mga estudyante ang kanilang mga sagot, maaari mong itanong kung paano nakaapekto ang mga ideya at karanasang ito sa kanilang ugnayan sa Diyos.
Iba pang mga simbolo
Gumawa ng iba pang mga paghahambing ang mang-aawit. (Tandaan: tinukoy ng mang-aawit ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng iba’t ibang termino tulad ng mga patotoo, batas, kautusan, tuntunin, utos, at paraan.)
Upang matulungan ang mga estudyante na pag-aralan ang Mga Awit 119, isulat ang mga sumusunod na reperensya sa pisara:
Mga Awit 119:14–16, 72, 127
Mga Awit 119:22–24
Mga Awit 119:33–35
Mga Awit 119:50–52, 54
Mga Awit 119:102–104
Hatiin sa limang grupo ang klase, at magtalaga sa bawat grupo ng isa sa mga reperensya na nasa pisara. Ipakita ang mga sumusunod na bagay o larawan ng mga bagay na ito: isang himnaryo, mga barya (o isang bagay na kumakatawan sa kayamanan), pulot (o isang bagay na matamis), larawan ng isang landas, at larawan ng isang counselor (halimbawa, isang tagapayo sa Unang Panguluhan ng Simbahan o counselor sa paaralan).
Ipakita ang mga sumusunod na tagubilin:
-
Basahin ang scripture passage na nakatalaga sa inyo, at alamin kung ano ang inihambing ng mang-aawit sa salita ng Diyos.
-
Kunin ang bagay o larawan na tumutugma sa scripture passage na nakatalaga sa inyo.
-
Talakayin kung paano makatutulong ang bagay o larawan sa isang tao na maunawaan ang kahalagahan ng salita ng Diyos.
-
Magbahagi ng mga halimbawa o karanasan mula sa inyong buhay, sa buhay ng iba, o sa mga banal na kasulatan na naglalarawan sa kung paano naging katulad ng bagay o larawan ang salita ng Diyos.
Anyayahan ang mga estudyante na tapusin ang sumusunod na alituntunin ayon sa pinag-aralan nila: Kapag pinag-aaralan natin ang salita ng Diyos, pinagpapala Niya tayo ng …
Ang ilang posibleng sagot ay kagalakan (tingnan sa talata 14, 16, 35, 103), kapanatagan (tingnan sa talata 50, 52), payo (tingnan sa talata 24), at pag-unawa (tingnan sa talata 104).
-
Paano makatutulong ang alituntuning nalaman ninyo sa isang taong gustong pag-aralan ang salita ng Diyos?
-
Paano kayo pinagpala ng Diyos o ang mga taong kilala ninyo ng kagalakan, kapanatagan, payo, o pag-unawa nang pag-aaralan ninyo o nila ang Kanyang salita?
Habang ibinabahagi ng mga estudyante ang kanilang mga sagot sa naunang tanong, maaari mong itanong kung paano nakaapekto ang mga karanasang ito sa kanilang ugnayan sa Diyos.
Inyong mithiin
Anyayahan ang Espiritu habang pinagninilayan ninyo ang inyong pag-aaral ng banal na kasulatan. Kung mayroon na kayong mithiin sa pag-aaral ng banal na kasulatan, isulat sa inyong study journal kung ano ang mabuting nangyayari at kung ano ang maaaring gusto ninyong ipagpatuloy. Maaari ninyong isama kung bakit pinili ninyo ang mithiing ito at kung paano ito nakatutulong sa inyo na mas mapalapit sa Panginoon. Mapanalanging itanong sa Ama sa Langit kung gusto Niyang gumawa kayo ng anumang pagbabago sa inyong mithiin.
Kung wala kayong mithiin sa pag-aaral ng banal na kasulatan sa kasalukuyan, hingin ang patnubay ng Espiritu Santo habang ginagawa ninyo ito. Maaaring ninyong isama ang sumusunod:
-
Kung gaano ka katagal mag-aaral
-
Gaano kadalas kang mag-aaral (kung maaari, sikaping mag-aral araw-araw)
-
Ang gagawin mo para hingin ang tulong ng Panginoon sa iyong pag-aaral (halimbawa, manalangin bago ka mag-aral o humingi ng paghahayag tungkol sa iyong pinag-aaralan)
-
Paano mo maaalala, mapagninilayan, o ipamumuhay ang natutuhan mo (halimbawa, isulat sa journal ang natututuhan mo sa iyong pag-aaral ng banal na kasulatan, isulat ang sinisikap mong ipamuhay, o talakayin sa ibang tao ang natututuhan mo nang isang beses sa isang linggo)
Anyayahan ang mga boluntaryo na ibahagi ang kanilang mithiin sa pag-aaral ng banal na kasulatan gayundin ang anumang alalahanin nila. Kung magbabahagi ang mga estudyante ng mga alalahanin, anyayahan ang klase na magbahagi ng mga banal na kasulatan, pahayag mula sa mga lider ng Simbahan, o mga personal na karanasan na maaaring makatulong.
Sabihin sa mga estudyante na sa “I-assess ang Iyong Pagkatuto 7,“ magkakaroon sila ng pagkakataong mag-ulat tungkol sa kanilang mga mithiin. Ibabahagi nila ang nangyayari sa kanilang pag-aaral ng banal na kasulatan at kung anong mga pagpapala ang nadarama nilang ibinibigay sa kanila ng Panginoon dahil dito.
Kung may oras pa sa klase, anyayahan ang mga estudyante na tahimik na pag-aralan ang mga banal na kasulatan. Anyayahan sila na hanapin ang mga katotohanang ibinibigay sa atin ng Diyos na makagagabay sa kanilang buhay ngayon. Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang nahanap nila.
Ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa mga alituntunin sa lesson na ito.