Seminary
Mga Awit 136: “O Magpasalamat Kayo sa Panginoon“


“Mga Awit 136: ‘O Magpasalamat Kayo sa Panginoon,’” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)

“Mga Awit 136: ‘O Magpasalamat kayo sa Panginoon,’” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan

Mga Awit 102–3; 110; 116–19; 127–28; 135–39; 146–50: Lesson 108

Mga Awit 136

“O Magpasalamat kayo sa Panginoon“

Woman and angels praying.

Tulad ng maraming himno, ipinaaalala sa atin ng Mga Awit na magpasalamat para sa lahat ng bagay. Ang taos-pusong pasasalamat sa Ama sa Langit at kay Jesucristo ay makapagbubukas ng ating mga mata at puso sa Kanilang pagmamahal at awa at makapagpapalalim ng ating pagmamahal sa Kanila. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na madama ang pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo kapag nagpasalamat sila sa Kanila.

Paghahanda ng estudyante: Anyayahan ang mga estudyante na mag-alay ng panalangin na nagpapasalamat sa Ama sa Langit nang walang hinihinging kapalit. Maaaring maghanda ang mga estudyante na ibahagi sa klase ang kanilang mga impresyon mula sa karanasan.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Paano ko madarama ang pagmamahal ng Diyos?

Simulan ang klase sa pamamagitan ng pagtulong sa mga estudyante na pagnilayan kung paano nila madarama ang pagmamahal ng Diyos. Ang isang paraan para magawa ito ay anyayahan ang mga estudyante na isipin ang sumusunod na sitwasyon.

Isang araw ay sinabi sa iyo ng isang kaibigan: “Kung minsan sa simbahan at seminary, pinag-uusapan ng mga tao ang pagdama sa pagmamahal ng Diyos. Hindi ako sigurado kung nadarama ko ito. Ano ang maaari kong gawin para madama ang Kanyang pagmamahal sa aking buhay?”

  • Ano ang isasagot mo sa iyong kaibigan?

Maaaring magkakaiba ang sagot ng mga estudyante, o maaaring hindi nila alam ang sasabihin. Matapos sumagot ang mga estudyante, maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag.

Ipinaliwanag ni Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018) ang isang bagay na magagawa natin para madama ang pagmamahal ng Diyos:

Official portrait of President Thomas S. Monson, 2008.

Mga kapatid ko, naaalala ba nating magpasalamat sa mga pagpapalang natatanggap natin? Ang taos-pusong pasasalamat ay hindi lamang nakakatulong para makilala natin ang ating mga pagpapala, kundi nagbubukas din ng pintuan ng langit at nagpapadama sa atin ng pag-ibig ng Diyos. (“Ang Banal na Kaloob na Pasasalamat,” Liahona, Nob. 2010, 87)

  • Paano ninyo ibubuod ang itinuro ni Pangulong Monson?

Habang ibinabahagi ng mga estudyante ang kanilang mga sagot, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Ang pagpapasalamat para sa ating mga pagpapala ay nakatutulong sa atin na madama ang pagmamahal ng Diyos.

Basahin ang Mga Awit 136:1–3, 26, at alamin kung bakit nagpapasalamat ang mang-aawit sa Diyos.

  • Ano ang napapansin ninyo?

    Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na markahan ang pariralang “sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman.” Maaari mong banggitin na sa tuwing nagpapasalamat ang mang-aawit, kinikilala niya ang pagmamahal ng Diyos. Maaari mong ipaliwanag na sa Hebreo, ang salitang katumbas ng awa sa mga talatang ito ay hesed, na ”isang espesyal na uri ng pagmamahal at awa na nadarama at ipinagkakaloob ng Diyos sa mga nakipagtipan sa Kanya” (Russell M. Nelson, “Ang Walang Hanggang Tipan,“ Liahona, Okt. 2022, 6).

  • Sa inyong palagay, bakit nakatutulong sa atin ang pagpapasalamat para sa ating mga pagpapala upang madama ang pagmamahal ng Diyos?

Pagkilala sa mga pagpapala ng Diyos

Upang matulungan ang mga estudyante na masuri kung paano sila nagpapasalamat sa Panginoon, maaari mong gawin ang sumusunod na aktibidad. Ipaalala sa mga estudyante na matutulungan tayo ng Espiritu Santo na makaalala upang matuto at bumuti tayo. Anyayahan ang mga estudyante na pakinggan ang mga impresyon mula sa Espiritu Santo habang pinag-iisipan nila ang kanilang mga sagot.

Isipin ang iyong mga karanasan sa nakalipas na linggo. Sa iyong study journal, sagutin ang mga sumusunod na tanong gamit ang mga pariralang hindi kailanman, isa o dalawang beses, ilang beses, o maraming beses.

  • Gaano kadalas mong kinikilala ang isang partikular na pagpapala mula sa Panginoon sa iyong buhay?

  • Gaano kadalas mong pinasasalamatan ang Panginoon para sa iyong mga pagpapala?

  • Gaano kadalas mong nadarama ang Kanyang pagmamahal?

Habang pinag-iisipan ng mga estudyante ang kanilang mga sagot, maaari nilang isipin ang anumang pagpapalang ibinigay sa kanila ng Panginoon na hindi nila kinikilala o ipinagpapasalamat.

icon ng seminaryUpang matulungan ang mga estudyante na kilalanin ang kanilang mga pagpapala, gamitin ang handout na “Mga Awit 136: Pasasalamat sa Panginoon.“

Maaaring gawin ng estudyante ang handout nang mag-isa, o maaari mong sabihin sa mga estudyante na punan ang unang box ng handout, pagkatapos ay ipasa ito sa isa pang kaklase para kumpletuhin ang susunod na box. Patuloy na ipapasa ng mga estudyante ang handout hanggang sa mapunan ang bawat box. Pagkatapos ay maaaring ibalik ang handout sa orihinal na estudyante para makita ang isinulat ng kanyang mga kaklase. Bigyan ng sapat na oras ang mga estudyante para makapagbigay ng pinag-isipang sagot sa bawat bahagi.

Pagkatapos ng aktibidad, maaari mong talakayin ang natutuhan o nadama ng mga estudyante tungkol sa pagpapasalamat sa Diyos. Bilang bahagi ng talakayan, maaari mong bigyang-diin kung paano makatutulong ang pagdama at pagpapahayag ng pasasalamat para makadama tayo ng pagmamahal para sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at maramdaman ang pagmamahal Nila.

Pagkatapos magkaroon ang mga estudyante ng sapat na oras upang magtalakayan, maaari mong ibahagi ang sumusunod na video, na makikita sa ChurchofJesusChrist.org:

2:33

Pagpapahayag ng pasasalamat sa Diyos

Upang matulungan ang mga estudyante na magsanay na magpasalamat sa Diyos, maaari mo silang anyayahang gawin ang isa sa mga sumusunod na aktibidad.

Pumili ng isa sa mga sumusunod na opsiyon para ipahayag ang iyong pasasalamat sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Bigyang-pansin ang pagmamahal na maaari mong madama mula sa Kanila habang ginagawa mo ito.

  • Ipahayag ang iyong pasasalamat sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa isang post sa social media o sa pamamagitan ng pagsulat sa iyong journal.

  • Gumawa ng listahan ng mga bagay na ipinagpapasalamat mo. Tandaang isama ang mga bagay na iyon sa susunod mong panalangin.

Bilang pagtatapos, maaari mong ibahagi kung paano nakatutulong ang pasasalamat sa Ama sa Langit at kay Jesucristo para madama natin ang Kanilang pagmamahal at mapalalim ang ating pagmamahal sa Kanila.