Pag-aaral ng Ingles
Mga Bagay na Madalas Itanong (FAQ)


“Mga Bagay na Madalas Itanong (FAQ),” EnglishConnect para sa mga Guro (2023)

“Mga Bagay na Madalas Itanong (FAQ),” EnglishConnect para sa mga Guro

Mga Bagay na Madalas Itanong (FAQ)

Nasa ibaba ang ilang karaniwang tanong tungkol sa EnglishConnect. Matatagpuan ang karagdagang mga bagay na madalas itanong para sa mga mag-aaral, guro, at leader sa englishconnect.org/help.

Kailangan ko ba ng karanasan sa pagtuturo para maging guro sa EnglishConnect?

Paano ko tuturuan ang mga mag-aaral kung hindi ako marunong ng wika nila?

Maaari ba kaming magsalita sa katutubong wika sa conversation group?

Paano ko tuturuan ang isang grupong iba-iba ang wika?

Paano ko tutulungang magpraktis ng Ingles ang mga mag-aaral araw-araw?

Paano ko aayusin ang isang grupo sa EnglishConnect?

Gaano katagal ang miting ng isang grupo sa EnglishConnect?

Gaano kadalas dapat magkita-kita ang aking grupo?

Maaari ba akong magturo ng mahigit sa isang lesson sa isang miting ng grupo?

Paano ko malalaman kung aling EnglishConnect level ang dapat salihan ng isang mag-aaral?

Ano ang EnglishConnect 3?

Paano ko tutulungan ang isang mag-aaral na sumali sa isang grupong nakapagsimula na?

Paano kung hindi nakadalo o tumigil sa pagdalo ang isang mag-aaral sa isang miting ng grupo?

Paano ko susuportahan ang mga mag-aaral na mas mabagal matuto kaysa sa iba sa grupo?

Paano ko susuportahan ang mga mag-aaral na mas mabilis matuto?

Paano ko susuportahan ang mga mag-aaral na iba-iba ang mga kakayahan sa pagsasalita ng Ingles?

Ano ang gagawin ko kapag nagtanong ang isang mag-aaral tungkol sa gramatika?

Dapat ko bang itama ang pagbigkas?

Paano ko irerehistro at pamamahalaan ang aking grupo sa EnglishConnect?

Paano makatatanggap ang mga mag-aaral ng mga sertipiko sa EnglishConnect?

Kailangan ko ba ng karanasan sa pagtuturo para maging guro sa EnglishConnect?

Hindi mo kailangan ng karanasan sa pagtuturo para maging guro sa EnglishConnect. Marahil ay hindi ka pa nakapagturo ng Ingles dati at hindi mo tiyak kung paano magsimula. Okay lang iyan. Ang disenyo ng mga EnglishConnect lesson ay maingat na pinag-isipan gamit ang mga alituntunin sa pagtuturo ng wika at espirituwal na mga alituntunin para matulungan kang magtagumpay. Hindi mo kailangang maging eksperto. Hindi mo kailangang malaman ang sagot sa lahat ng tanong. Ang tungkulin mo ay padaliing matutuhan ang wika sa pamamagitan ng paglalaan ng mga oportunidad na magpraktis. Hindi mo kailangang magturo ng gramatika o maunawaan ang lahat tungkol sa Ingles. Sa halip, magtuon sa paglikha ng isang kapaligiran kung saan mapapanatag ang mga mag-aaral na magsalita ng Ingles at matuto mula sa kanilang mga pagkakamali.

Paano ko tuturuan ang mga mag-aaral kung hindi ako marunong ng wika nila?

Ang pagtuturo ng Ingles na Ingles lamang ang gamit ay lubhang karaniwan sa buong mundo. Sa katunayan, maaari itong maging pagpapala dahil dinaragdagan nito ang dami ng Ingles na naririnig at ginagamit ng mga mag-aaral. Tandaang magsalita sa simpleng Ingles. Gumamit ng mga visual, kumpas ng kamay, at galaw ng katawan para maipaunawa sa mga mag-aaral ang mga bagong salita sa bokabularyo at mga pattern. Maaari kang magpakita ng isang larawan, magdrowing, o umarte para maipakita ito. Maaari mong pasangguniin ang mga mag-aaral sa nakasalin na resources sa EnglishConnect 1 para sa mga Mag-aaral o EnglishConnect 2 para sa mga Mag-aaral, o maaari kang gumamit ng isang online dictionary. Ituturo din nito sa mga mag-aaral kung paano gamitin ang resources na available para maghanap ng mga sagot. Iwasang magpaliwanag nang mahaba. Sa halip, ipakita lamang sa mga mag-aaral kung ano ang gagawin sa pamamagitan ng pagpapamalas dito.

Tandaan na sama-samang kayong natututo. Regular na anyayahan ang mga mag-aaral na humingi ng suporta sa Panginoon. Bilang kanilang guro, maaari kang maging halimbawa ng pananampalataya at pagsisikap. Ang pagsasalita ng Ingles sa mga mag-aaral ay pagpapakita ng pananampalataya. Pagpapalain ka ng Panginoon at ang mga mag-aaral kapag nanampalataya kayong makapagsalita ng Ingles.

Maaari ba kaming magsalita sa katutubong wika sa conversation group?

Higit mong matutulungan ang klase kapag nagtuon ka sa pagsasalita ng Ingles sa buong conversation group. Magagawa mo ito sa pamamagitan ng pagpapakita ng halimbawa. Gawin mo ang lahat para magsalita lamang sa Ingles. Gumamit ng mga simpleng salita at maiikling pangungusap. Magsalita nang dahan-dahan at ulitin ang mga parirala nang madalas. Isulat sa pisara ang mahahalagang salita at parirala. Maaari ka ring gumamit ng isang visual, magdrowing ng isang larawan, o umarte para ipakita ito. Iwasang ipaliwanag nang mahaba at isalin ang lahat ng sinasabi mo. Kung kailangan mong gamitin ang katutubong wika, hingin muna ang pahintulot nila at gamitin nang bahagya ang katutubong wika hangga’t maaari at pagkatapos ay bumalik sa Ingles. Hikayatin ang mga mag-aaral na magsalita sa Ingles hangga’t kaya nila at huwag matakot na magkamali. Tulungan silang magtagumpay, at purihin ang lahat ng pagsisikap. Kung kailangan ng mga mag-aaral ng iba pang tulong, ituro sila sa mga manwal ng mag-aaral, kung saan nila matatagpuan ang materyal sa kanilang katutubong wika. Kapag nagtuon ka sa pagtulong sa mga mag-aaral na matuto sa pamamagitan ng paggawa, hindi mo na gaanong kakailanganing gamitin ang katutubong wika.

Paano ko tuturuan ang isang grupong iba-iba ang wika?

Ang pagtuturo sa isang grupong iba-iba ang wika ay isang magandang oportunidad para maghikayat na magsalita ng Ingles dahil Ingles ang karaniwang wika sa grupo. Bilang guro, gamitin ang English version ng manwal ng mag-aaral. Tulungan ang mga mag-aaral na gamitin ang manwal ng mag-aaral sa kanilang katutubong wika, kung mayroon, upang makinabang sila mula sa mga pagsasalin. Kung maaari, ilagay ang mga mag-aaral sa maliliit na grupo para talakayin ang alituntunin ng pagkatuto sa kanilang katutubong wika, ngunit tiyakin na kasali ang lahat. Kung iisa lang ang nagsasalita ng isang partikular na wika sa grupo, ipatalakay sa grupong iyon ang alituntunin ng pagkatuto sa simpleng Ingles para makasali ang lahat.

Paano ko tutulungang magpraktis ng Ingles ang mga mag-aaral araw-araw?

Para matuto ng Ingles, kailangang makagawian ng mga mag-aaral na magpraktis araw-araw. Hikayatin ang mga mag-aaral na makagawian ito sa pamamagitan ng paghahanap ng mga simpleng paraan para maisama ang Ingles sa kanilang mga aktibidad araw-araw (tingnan ang bahaging “Pagpapraktis Araw-Araw”). Halimbawa, maaaring piliin ng mga mag-aaral na manood o makinig sa musika sa Ingles. Maaari mong hikayatin ang mga mag-aaral na gamitin ang listahan ng mga ideya para mapaghusay ang pag-aaral araw-araw na kasunod ng “Personal Study Tracker” sa pambungad sa manwal ng mag-aaral. Gamitin ang listahang ito para hikayatin ang mga mag-aaral na maghanap ng malikhain at makabuluhang mga paraan para makapagpraktis araw-araw.

Sa miting ng grupo, anyayahan ang mga mag-aaral na mag-aral at magpraktis ng Ingles araw-araw at mag-follow up sa kanilang mga pagsisikap. Maaari mong hilingan ang ilang mag-aaral na magbahagi ng partikular na mga bagay na ginawa nila para magpraktis araw-araw. Maaari mong isiping lumikha ng isang virtual space, tulad ng group chat, para sa mga mag-aaral sa grupo. Sumangguni sa iyong mga leader para makahanap ng angkop na mga paraan para manatiling konektado ang grupo sa buong linggo sa pamamagitan ng group messaging o iba pang mga paraan. Maaari mong masuportahan ang mga mag-aaral habang nagsisikap silang makamit ang kanilang mga mithiin, ngunit tandaan, sila ang responsable sa huli para sa sarili nilang pagkatuto.

Paano ko aayusin ang isang grupo sa EnglishConnect?

Sumangguni sa lokal na pamunuan ng Simbahan sa paggawa ng mga desisyon tungkol sa pag-aayos at pagpapatakbo ng mga grupo sa EnglishConnect. Ang pinakamaganda, dalawang adult na guro ang nakatalaga sa bawat grupo. Isipin ang mga pangangailangan ng mga mag-aaral at ang kakayahang lokal habang pumipili ka ng lokasyon, iskedyul, at bilis ng pagtuturo.

Gaano katagal ang miting ng grupo sa EnglishConnect?

Ang mga EnglishConnect lesson ay maaaring tumagal mula 60 hanggang 90 minuto. Sundin ang haba ng oras na nakalista para sa bawat aktibidad. Huwag tanggalin ang anumang mga aktibidad; gamitin na lamang ang pinakamaikling oras na nakamungkahi para sa mas maikling miting ng grupo at gamitin ang mas mahabang miting na nakamungkahi kung may oras pa.

Paalala: Sumangguni sa mga nangangasiwa sa programa at isipin ang mga pangangailangan ng mga mag-aaral at ang kakayahang lokal kapag ginawa mo ang mga desisyong ito.

Gaano kadalas dapat magkita-kita ang aking grupo?

Karaniwan, nagkikita-kita ang mga grupo nang minsan sa isang linggo. Kung gusto nila, maaaring magkita-kita ang mga grupo nang mas madalas. Para maging napakaepektibo ng mga miting ng grupo, kailangan ay may sapat na oras ang mga mag-aaral sa pagitan ng mga miting para kumpletuhin ang bahaging “Personal Study.”

Ang EnglishConnect 1 at 2 ay parehong may 25 lesson. Kung nagkikita-kita ang mga grupo nang minsan sa isang linggo, aabutin ng anim na buwan ang pagkumpleto ng isang level. Kung nagkikita-kita ang mga grupo nang dalawang beses sa isang linggo, aabutin ito ng tatlong buwan. Kung gusto mo, maaari mong hatiin ang programa sa mas maliliit na bahagi, o mga module. Halimbawa, maaari mong piliing simulan ang isang grupo na tatlong buwan lamang magkikita-kita nang minsan sa isang linggo para makumpleto ang unit 1 hanggang 3. Ang paggamit ng pamamaraang ito ay makakatulong sa mga mag-aaral na manatiling dumadalo.

Paalala: Kapag nag-iiskedyul ng isang miting ng grupo na hindi nagsisimula sa unit 1, isiping simulan ang iskedyul ng lesson ng iyong grupo sa lesson 1. Makakatulong ito para masanay ang mga mag-aaral sa paggamit ng manwal. Sumangguni sa mga nangangasiwa sa programa at isipin ang mga pangangailangan ng mga mag-aaral at ang lokal na kakayahan kapag ginawa mo ang mga desisyong ito.

Maaari ba akong magturo ng mahigit sa isang lesson sa isang miting ng grupo?

Kung gusto mo, maaaring pag-aralan ng mga grupo ang mahigit sa isang lesson sa oras ng miting ng grupo. Para maging napakaepektibo ng mga miting ng grupo, kailangan ay may sapat na oras ang mga mag-aaral bago ang miting ng grupo para kumpletuhin ang bahaging “Personal Study” para sa bawat lesson.

Tingnan ang “Gaano kadalas dapat magkita-kita ang aking grupo?” para sa iba pang impormasyon tungkol sa iskedyul at bilis ng pagtuturo ng lesson.

Paano ko malalaman kung aling EnglishConnect level ang dapat salihan ng isang mag-aaral?

Ang EnglishConnect 1 ay nangangailangan ng karunungan ng tao sa katutubong wika at kakayahang magbasa ng alpabetong Ingles at mga simpleng salitang Ingles. Ang EnglishConnect 2 ay para sa mga mag-aaral na kayang magsalita ng mga simpleng pangungusap at sumagot sa mga simpleng tanong sa Ingles. Para makapagpasiya kung dapat sumali ang isang mag-aaral sa EnglishConnect 1 o EnglishConnect 2, maaari mong gamitin ang oral proficiency interview sa apendise B.

Ang EnglishConnect 3 ay isang intermediate course na tumutulong sa mga mag-aaral na magkaroon ng mga akademikong kasanayan sa wikang Ingles. Para sumali sa EnglishConnect 3, kailangang mag-apply at makatanggap ang mga mag-aaral ng isang qualifying score sa placement exam. Maaaring mag-apply ang mga mag-aaral sa englishconnect.org/join.

Ano ang EnglishConnect 3?

Maraming level ang EnglishConnect para matulungang umunlad ang mga kalahok. Ang EnglishConnect 1 at 2 ay tumutulong sa mga mag-aaral na magkaroon ng mga kasanayan sa simpleng wikang Ingles. Ang EnglishConnect 3 ay isang intermediate course na tumutulong sa mga mag-aaral na magkaroon ng mga akademikong kasanayan sa wikang Ingles. Tinutulungan nito ang mga mag-aaral na maghanda para sa BYU–Pathway Worldwide. (Alamin ang iba pa tungkol sa BYU–Pathway Worldwide sa byupathway.org.)

Ang EnglishConnect 3 ay isang murang online course na may isang pagtitipon para mag-usap-usap na idinaraos online o sa isang lokal na meetinghouse. Kabilang sa EnglishConnect 3 ang online learning resources na may personal na feedback sa pakikinig, pagsasalita, pagbasa, at pagsulat. Maaaring sumulong ang mga mag-aaral sa kurso ayon sa sarili nilang bilis. Maaaring ulitin ng mga mag-aaral ang EnglishConnect 3 nang maraming beses hangga’t gusto nila para makamtan ang kanilang mga mithiin. Ang pagkumpleto sa EnglishConnect 3 ay nagtutulot sa mga mag-aaral na lagpasan ang English assessment kapag nag-apply sila sa BYU–Pathway Worldwide.

Para makapaghanda para sa EnglishConnect 3, dapat kumpletuhin ng mga mag-aaral ang EnglishConnect 1 at 2—pati na ang mga workbook ng mga aktibidad, lalo na ang mga aktibidad sa pagbasa at pagsulat. Hikayatin ang mga mag-aaral ng EnglishConnect 2 na mag-apply sa EnglishConnect 3 sa englishconnect.org/join.

Inaalok ang EnglishConnect 3 sa pamamagitan ng BYU–Pathway Worldwide sa pakikipagtulungan sa mga lokal na leader at service missionary ng Simbahan. Maaaring makipagtulungan ang mga interesadong leader sa mga welfare and self-reliance manager sa kanilang area para magkaroon ng klaseng EnglishConnect 3 sa kanilang mga lokasyon.

Paano ko tutulungan ang isang mag-aaral na sumali sa isang grupong nakapagsimula na?

Dinisenyo ang mga lesson upang makasali ang mga bagong mag-aaral sa isang grupo ng EnglishConnect anumang oras. Kung nais sumali ng mga mag-aaral kapag nakapagsimula na ang mga grupo, malugod silang tanggapin, bigyan sila ng EnglishConnect 1 para sa mga Mag-aaral o EnglishConnect 2 para sa mga Mag-aaral (o ipakita sa kanila kung paano i-access ang manwal sa Gospel Library), at tulungan silang lumahok. Matutulungan mo o ng isa pang mag-aaral ang mga bagong mag-aaral na sumama sa grupo sa pamamagitan ng pagpapakita sa kanila kung paano maghanda para sa susunod na lesson. Gayundin, maaaring piliin ng mga mag-aaral na ulitin ang isang level kung kailangan nilang magpraktis pa.

Paano kung hindi nakadalo o tumigil sa pagdalo ang isang mag-aaral sa isang miting ng grupo?

Kung minsa’y may mga hamon ang mga mag-aaral kaya sila nahihirapang dumalo sa grupo, at madalas ay nag-aalangan silang bumalik dahil sa hiya o takot. Ipinapalagay nila na napakarami na nilang nalagpasan at hindi na sila makakahabol. Tulungan at anyayahan ang mga mag-aaral na hindi nakadalo na dumalo sa susunod na lesson gaano man karami ang nalagpasan nila. Mag-alok ng suporta at panghihikayat. Tiyakin sa kanila na idinisenyo ang EnglishConnect upang makasaling muli ang mga mag-aaral anumang oras. Maaaring magsimulang muli ang mga mag-aaral sa pamamagitan ng pagdalo sa grupo at paghahanda para sa susunod na lesson. Isiping anyayahan ang isa o mahigit pang mga miyembro ng grupo na kontakin ang hindi nakadalong mag-aaral at magpahayag ng suporta.

Paalala: Huwag ibigay sa iba ang contact information ng tao nang walang pahintulot mula sa kanya.

Paano ko susuportahan ang mga mag-aaral na mas mabagal matuto kaysa sa iba sa grupo?

Ang ilang mag-aaral ay nangangailangan ng mas maraming oras para maunawaan at mabigkas ang isang wika. Makikinabang nang malaki ang mga mag-aaral na ito sa pagkumpeto sa bahaging “Personal Study” bago makilahok sa bawat conversation group. Anyayahan silang praktisin ang bokabularyo at mga pattern ng pangungusap bago magkita-kita ang grupo. Sa oras ng lesson, ipares ang mga mag-aaral na ito sa iba pang mga mag-aaral na maaaring magbigay ng panghihikayat at suporta. Hikayatin ang lahat ng mag-aaral na gawin ang lahat ng makakaya nila at tanggapin ang mga pagkakamali bilang bahagi ng proseso ng pagkatuto. Maaari mo ring piliing rebyuhin at ulitin ang mga aktibidad. Ipaalala sa lahat ng mag-aaral na ang pagkumpleto ng bahaging “Personal Study” bago makilahok sa susunod na conversation group ay mahalaga sa kanilang pag-unlad.

Paano ko susuportahan ang mga mag-aaral na mas mabilis matuto?

Habang kausap mo ang mga mag-aaral, maaari mong mapansin na nauunawaan nang husto at nakukumpleto kaagad ng ilan ang mga practice activity. Isiping hamunin ang mga mag-aaral na ito na palalimin ang kanilang pagkatuto sa pamamagitan ng pagsasama ng mas maraming detalye o pag-uulit ng aktibidad sa ibang konteksto. Halimbawa, kapag nagpraktis na makipag-usap ang mga mag-aaral sa iba, hilingan silang magpraktis na kausapin ang isang bagong kaibigan o bagong boss. Maaari ding patibayin ng mga mag-aaral na ito ang kanilang kaalaman sa Ingles sa pamamagitan ng pagsuporta sa mga mag-aaral na mas mabagal matuto. Maaaring makinabang ang lahat ng mag-aaral sa pagtuturo ng isang kaedad at pagtulong sa iba na magpraktis ng bokabularyo at mga pattern sa Ingles.

Paano ko susuportahan ang mga mag-aaral na iba-iba ang mga kakayahan sa pagsasalita ng Ingles?

Ang pagkakaroon ng mga mag-aaral na iba’t iba ang level ng kakayahang magsalita ng Ingles ay natural at isang oportunidad para sa kanila na tulungan ang isa’t isa. Ang pagtutulungan ay maaaring maghikayat ng pakikisama at paglago. Lahat ay may maiaambag. Halimbawa, maaaring matulungan ng ilang mag-aaral ang iba na magkaroon ng tiwala sa sarili dahil handa silang magkamali. Pagparis-parisin ang mga mag-aaral sa iba’t ibang paraan. Maaari mong ipares ang mga mag-aaral sa mga taong may kaparehong level para matulungan sila na magkasamang paigtingin ang kanilang mga kakayahan. O maaari mong ipares ang mga mag-aaral sa mga tao sa ibang level. Ang mag-aaral na nasa mas mababang level ay makikinabang sa feedback at suporta. Ang mag-aaral na nasa mas mataas na level ay makikinabang sa pagtuturo sa isang kaedad at pagpapaliwanag sa Ingles. Tandaan, ang pagkakaroon ng grupo na may iba’t ibang kakayahan sa pagsasalita ng Ingles ay normal at maaaring maging isang magandang oportunidad para makinabang ang mga mag-aaral sa pagtulong sa isa’t isa.

Ano ang gagawin ko kapag nagtanong ang isang mag-aaral tungkol sa gramatika?

Sa halip na magbigay ng mahabang pagtuturo sa gramatika o paggugol ng maraming oras sa pagtalakay sa mga tuntunin, pabalikin ang mga mag-aaral sa mga pattern. Maiiwasan ng mga mag-aaral ang maraming pagkakamali kapag sinunod nila ang mga pattern. Mas epektibong ang pagkatuto sa pamamagitan ng pagpapraktis ng wika sa halip na pag-uusap tungkol sa wika. Anumang paliwanag tungkol sa gramatika ay dapat maging simple, maikli at kayang gawin. Kung magtuturo ka ng isang alituntunin, magbigay ng halimbawa ng mga pangungusap at anyayahan ang mga mag-aaral na magpraktis na gamitin ang alituntunin. Higit na makikinabang ang mga mag-aaral sa pakikinig at pagpapraktis ng Ingles.

Dapat ko bang itama ang pagbigkas?

Huwag mag-ukol ng maraming oras sa pagtatama ng pagbigkas. Ipaalala sa mga mag-aaral na mas mahalagang maunawaan sila kaysa maging tama ang pagbigkas nila. Hikayatin ang mga mag-aaral na magpraktis ng pagbigkas sa kanilang personal na pag-aaral upang makapraktis sila ayon sa sarili nilang bilis. Tandaan na kung masyadong nag-aalala ang mga mag-aaral sa kanilang pagbigkas, maaaring nag-aalangan silang magpraktis na makipag-usap. Hikayatin ang mga mag-aaral na gamitin ang mga module sa pagbigkas online sa englishconnect.org/learner/resources.

Paano ko irerehistro at pamamahalaan ang aking grupo sa EnglishConnect?

Gamitin ang tool na QuickReg (quickreg.englishconnect.org) para irehistro at pamahalaan ang iyong grupo sa EnglishConnect. Ang QuickReg ay isang group registration tool na inilalaan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Maaari mong gamitin ang QuickReg para:

  • Lumikha ng isang grupo: Piliin ang araw, oras, at lokasyon ng iyong grupo.

  • Pamahalaan ang isang grupo: Tingnan ang impormasyon tungkol sa kalahok at i-update ang impormasyon ng grupo.

  • Anyayahan ang mga tao na lumahok: Ang iyong grupo ay malilista online sa englishconnect.org/join. Maaari mong i-share ang link para anyayahan ang mga tao na magrehistro para sa iyong grupo.

  • Mamahagi ng mga sertipiko: Sa dulo ng iyong grupo, maaari mong i-access at i-print ang mga sertipiko.

Paano makatatanggap ang mga mag-aaral ng mga sertipiko sa EnglishConnect?

EnglishConnect 1 at 2: Sa pagtatapos ng grupo, maaaring tumanggap ng sertipiko sa paglahok ang mga mag-aaral. Maaaring ipamahagi ng mga leader, specialist, o guro ang mga sertipiko. Maaaring hindi aprubado sa ilang bansa ang mamahagi ng mga sertipiko sa EnglishConnect. Rebyuhin lamang ang lokal na mga legal na kinakailangan bago igawad ang mga sertipiko (tingnan sa englishconnect.org/leader/approved-locations).

Paalala: Para ma-access at maipamahagi ang mga sertipiko, kailangan ay nakarehistro ang iyong grupo sa QuickReg tool sa quickreg.englishconnect.org. (Tingnan ang “Paano ko irerehistro at pamamahalaan ang aking grupo sa EnglishConnect?” sa bahaging ito ng FAQ.)

EnglishConnect 3: Maaaring makamtan ng mga mag-aaral ang mga sertipiko ng pagkumpleto kapag nakumpleto nila ang kinakailangang mga level sa kurso. Ang pagkumpleto sa EnglishConnect 3 ay nagtutulot sa mga mag-aaral na lagpasan ang English assessment kapag nag-apply sila sa BYU–Pathway Worldwide.