“Ano ang Tungkulin ng Guro?,” EnglishConnect para sa mga Guro (2023)
“Ano ang Tungkulin ng Guro?,” EnglishConnect para sa mga Guro
Ano ang Tungkulin ng Guro?
Ang tungkulin mo bilang guro sa EnglishConnect ay tulungan ang mga mag-aaral na magkaroon ng mga kasanayang makipag-usap sa Ingles sa isang kapaligirang may pananampalataya, pakikisama, at paglago. Ang Espiritu ang tunay na guro. Matutulungan mo ang mga mag-aaral na madama ang Espiritu, madama na kabilang sila, at magtiwala na sa tulong ng Ama sa Langit ay matututo sila ng Ingles. Matutulungan mo ang mga mag-aaral kapag nagtuon ka sa mga sumusunod:
Maghikayat ng Pananampalataya
Hikayatin ang mga mag-aaral na hangarin at kilalanin ang tulong ng Panginoon sa pagkatuto ng Ingles. Hikayatin silang ipamuhay ang mga alituntunin ng pagkatuto “sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya” (Doktrina at mga Tipan 88:118). Tulungan ang mga mag-aaral na madama ang pagmamahal, kapangyarihan, at awa ng Panginoon sa kanilang buhay. Anyayahan silang ibahagi ang kanilang mga karanasan na nagpapalakas ng pananampalataya. Ibahagi ang iyong mga karanasan tungkol sa pagtanggap ng tulong ng Panginoon. (Tingnan ang bahaging “Tulungan ang mga Mag-aaral na Lumapit kay Jesucristo” mula sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas [2022].)
Maghikayat ng Pakikisama
Anyayahan ang Espiritu sa pagtulong sa mga mag-aaral na mahalin at suportahan ang isa’t isa. Tulungan silang madama ang pagmamahal ng Diyos. Lumikha ng nakalulugod na kapaligiran kung saan madarama ng mga mag-aaral na kabilang sila. Kilalanin ang mga mag-aaral at tulungan silang kilalanin ang isa’t isa. Tulungan silang magkaroon ng tiwala sa sarili habang sama-sama silang nagpapraktis, nagkakamali, at humuhusay. (Tingnan ang bahaging “Mahalin ang mga Tinuturuan Mo” mula sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas [2022].)
Maghikayat ng Paglago
Tulungan ang mga mag-aaral na kumilos nang may pananampalataya sa pagpapraktis ng Ingles at pagpapakahusay. Maaaring walang kumpiyansa ang ilang mag-aaral sa kakayahan nilang matuto ng Ingles. Makakatulong ka. Kapag nagsasalita ka ng Ingles sa kanila, ipinapakita mo ang iyong pananampalataya na matutulungan sila ng Diyos na matuto. Hikayatin ang mga mag-aaral na magsalita ng Ingles. Purihin ang kanilang mga pagsisikap. Tulungan ang mga mag-aaral na maalala kung bakit sila nag-aaral ng Ingles. Hikayatin silang matakda ng mga mithiin at magpraktis ng Ingles araw-araw. (Tingnan ang bahaging “Maghikayat ng Masigasig na Pag-aaral” mula sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas [2022].)
Ang Tungkulin Ko
-
Naghihikayat ako ng pananampalataya sa pamamagitan ng pagtulong sa mga mag-aaral na hangarin at kilalanin ang tulong ng Panginoon sa pagkatuto ng Ingles.
-
Naghihikayat ako ng pakikisama at inaanyayahan ko ang Espiritu sa pamamagitan ng pagtulong sa mga mag-aaral na mahalin at suportahan ang isa’t isa.
-
Naghihikayat ako ng paglago sa pamamagitan ng pagtulong sa mga mag-aaral na kumilos nang may pananampalataya sa pagpapraktis ng Ingles at pagpapakahusay.