“Ano ang Ginagawa ng Mag-aaral?,” EnglishConnect para sa mga Guro (2023)
“Ano ang Ginagawa ng Mag-aaral?,” EnglishConnect para sa mga Guro
Ano ang Ginagawa ng Mag-aaral?
Bilang isang guro sa EnglishConnect, kailangan mong maunawaan kung ano ang gagawin ng mga mag-aaral upang matulungan mo silang magtagumpay. Higit na magtatagumpay ang mga mag-aaral kapag kinumpleto nila ang mga aktibidad sa personal na pag-aaral, lumahok sila sa conversation group, at nakagawian nilang magpraktis ng Ingles araw-araw. Bawat lesson sa EnglishConnect 1 para sa mga Mag-aaral at EnglishConnect 2 para sa mga Mag-aaral ay nahahati sa dalawang bahagi: “Personal Study” (Personal na Pag-aaral) at “Conversation Group” (Conversation Group). Rebyuhin ang “Pambungad” sa mga manwal ng mag-aaral sa EnglishConnect para maunawaan mo ang karanasan ng mag-aaral.
Maghangad na Matuto sa Pamamagitan ng Pag-aaral at Pananampalataya
Ang pundasyon ng karanasan sa EnglishConnect ay tinutulungan ang mga mag-aaral na “maghangad na matuto, maging sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya” (Doktrina at mga Tipan 88:118). Bawat lesson sa EnglishConnect ay nakasentro sa isang alituntunin ng pagkatuto. Ito ay mga espirituwal na alituntunin na tumutulong sa atin na umasa na daragdagan ng Panginoon ang kakayahan nating matuto at magturo. Ang mga alituntunin ng pagkatuto ay magpapaunawa sa atin ng ating tunay na potensyal at ng kakayahan ng Tagapagligtas na tulungan tayo. Kasama sa mga alituntunin ng pagkatuto na pag-aaralan at gagawin nating halimbawa sa karanasan sa EnglishConnect ang:
Ikaw ay Anak ng Diyos
Ako ay anak ng Diyos na may walang-hanggang potensyal at layunin.
(Tingnan sa Roma 8:16–17; “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo.”)
Manampalataya kay Jesucristo
Matutulungan ako ni Jesucristo na gawin ang lahat ng bagay kapag nanampalataya ako sa Kanya.
(Tingnan sa Filipos 4:13; Eter 12:27; Moroni 7:33.)
Tanggapin ang Responsibilidad
May kapangyarihan akong pumili, at ako ang responsable sa sarili kong pagkatuto.
(Tingnan sa 2 Nephi 2:14, 16; Doktrina at mga Tipan 58:27–28.)
Mahalin at Turuan ang Isa’t Isa
Maaari akong matuto mula sa Banal na Espiritu kapag ako ay nagmahal, nagturo, at natuto na kasama ng iba.
(Tingnan sa Juan 13:34–35; Juan 14:26–27; Doktrina at mga Tipan 84:106; 88:77, 122–23.)
Magpatuloy sa Paglakad
Sa tulong ng Diyos, maaari akong magpatuloy sa paglakad kahit maharap ako sa mga balakid.
(Tingnan sa 2 Nephi 31:20; 32:9; Doktrina at mga Tipan 50:41–42.)
Sumangguni sa Panginoon
Pinaghuhusay ko ang aking pag-aaral sa pamamagitan ng pagsangguni sa Diyos araw-araw tungkol sa aking mga pagsisikap.
(Tingnan sa Mga Kawikaan 3:5–6; Mateo 7:7–8; Alma 37:37.)
Personal na Pag-aaral
Bago dumalo sa conversation group, kukumpletuhin ng mga mag-aaral ang bahaging “Personal Study” (Personal na Pag-aaral) sa manwal ng mag-aaral. Sa bahaging ito, pag-aaralan ng mga mag-aaral ang isang alituntunin ng pagkatuto, pagsasaulo ng bokabularyo, at pagpapraktis gamit ang mga pattern ng pangungusap.
Ang pagsasaulo ng bokabularyo at pagpapraktis ng mga pattern ay mga aktibidad na higit na magagawa sa personal na pag-aaral. Tinutulutan nito ang mga mag-aaral na isaulo ang mga konsepto ayon sa sarili nilang bilis.
Conversation Group
Sa conversation group, kukumpletuhin ng mga mag-aaral ang mga aktibidad sa “Conversation Group” (Conversation Group) sa manwal ng mag-aaral. Sa pagtulong sa maliliit na grupo o magkakapares, tatalakayin ng mga mag-aaral ang isang alituntunin ng pagkatuto, rerebyuhin ang bokabularyo at mga pattern ng pangungusap, at magpapraktis ng mga pag-uusap. Bawat aktibidad ay ihahanda ang mga mag-aaral para sa susunod na aktibidad. Sa katapusan ng bawat conversation group, susuriin ng mga mag-aaral ang kanilang pag-unlad at magtatakda ng mga mithiin na magpraktis araw-araw.
Pagpapraktis Araw-Araw
Para higit na matuto ng Ingles, kailangang makagawian ng mga mag-aaral na magpraktis araw-araw. Para makagawian ito, kailangang humanap ng mga paraan ang mga mag-aaral na isama ang Ingles sa kanilang mga aktibidad araw-araw. Halimbawa, kapag nakinig sila sa musika, maaari silang makinig sa Ingles. Maaari ding makipag-usap ang mga mag-aaral sa simpleng Ingles sa bahay, trabaho, o simbahan. (Tingnan ang karagdagang mga ideya sa bahaging “Mga Mungkahi sa Pag-aaral” sa mga manwal ng mag-aaral sa EnglishConnect.) Ang mahalaga sa pagpapraktis araw-araw ay ang pagtulong sa mga mag-aaral na makahanap ng mga paraan na gamitin ang Ingles sa kanilang normal na gawain.
Bilang bahagi ng kanilang pagpapraktis araw-araw, maaaring kumpletuhin ng mga mag-aaral ang kaukulang bahaging “Personal Study” (Personal na Pag-aaral) sa manwal ng mag-aaral. Maaari din nilang kumpletuhin ang mga aktibidad sa lesson at pagsusuri online sa englishconnect.org/learner/resources at sa EnglishConnect 1 Workbook at EnglishConnect 2 Workbook.