“Paano Ko Mapaghuhusay ang Aking Pagtuturo?,” EnglishConnect para sa mga Guro (2023)
“Paano Ko Mapaghuhusay ang Aking Pagtuturo?,” EnglishConnect para sa mga Guro
Paano Ko Mapaghuhusay ang Aking Pagtuturo?
Tulad ng paghusay ng mga mag-aaral sa paglipas ng panahon, madaragdagan din ang tiwala mo sa sarili at huhusay ka sa paglipas ng panahon. Susuportahan ka ng Panginoon habang naglilingkod ka at tinutulungan mo ang mga mag-aaral sa iyong grupo. Tuturuan ka Niya “nang taludtod sa taludtod, nang tuntunin sa tuntunin” (2 Nephi 28:30). Magtiwala na tutulungan ka ng Ama sa Langit kapag hinangad mo ang Espiritu at nagsikap kang magpakahusay.
Mga Estratehiya sa Pagtuturo ng Isang Wika
Nasa ibaba ang ilang estratehiya sa pagtuturo ng Ingles. Di-tulad ng mga klase sa wika na nakatuon sa pagtuturo ng gramatika, pagsasanay sa bokabularyo, o pagpapraktis sa pagbigkas, nakatuon ang mga conversation group ng EnglishConnect sa pagtulong sa mga mag-aaral na gamitin ang wika sa makabuluhang mga paraan. Kapag ginamit mo ang mga estratehiyang ito, mas matutulungan mo ang mga mag-aaral.
Magsalita ng Ingles
Ang pagsasalita sa Ingles ay tumutulong sa mga mag-aaral na umunlad at isang mahalagang paraan para hangarin ang kaloob na mga wika. Gawin ang makakaya mo para magsalita lang sa Ingles at anyayahan ang mga mag-aaral na gayon din ang gawin. Gumamit ng simpleng bokabularyo at maiikling pangungusap. Magsalita nang dahan-dahan at ulitin ang mga salita at parirala kung kailangan. Matapos kang magtanong, bigyan ng maraming panahon ang mga mag-aaral na mag-isip at sumagot. Gamitin ang mga salita at pattern na kasalukuyang pinapraktis ng mga mag-aaral. Habang namumuno ka sa mga aktibidad, maaari mong pasangguniin ang mga mag-aaral sa nakasalin na mga tagubilin sa aktibidad na nasa mga manwal ng mag-aaral sa EnglishConnect.
Ipakita ang mga Aktibidad
Ang pagpapakita sa mga mag-aaral kung ano ang gagawin ay kadalasang mas nakakatulong kaysa sabihin sa kanila kung ano ang gagawin. Gamitin ang halimbawa ng pag-uusap sa simula ng bawat aktibidad para ipakita kung ano ang gagawin ng mga mag-aaral habang nagpapraktis sila. Maaari mo ring gampanan ang dalawang papel sa pag-uusap, o maaari mong hilingin sa mga mag-aaral na tulungan kang ipamalas iyon.
Maghikayat ng Pag-uusap
Magkakaroon ng tiwala at mas mabilis na matututo ang mga mag-aaral kapag nagpapraktis sila gamit ang wika. Huwag mabahalang itama ang bawat pagkakamali; tulungan lang ang mga mag-aaral na makisali sa pag-uusap. Isaayos ang iyong oras sa paraan na magugugol ang halos buong oras ng grupo sa pag-uusap ng mga magpartner.
Suportahan ang Pag-uulit
Ang paulit-ulit na praktis ay nagpapalakas ng kumpiyansa at nagpapatatas ng pagsasalita. Hikayatin ang mga mag-aaral na magpalitan ng partner at magpraktis ulit. Ang pagpapalitan ng partner ay nagbibigay sa mga mag-aaral ng mas maraming oportunidad na makinig at magsalita ng mga bagong bagay. Kapag ginamit ng mga mag-aaral ang nalalaman nila sa iba’t ibang tao, pinatitibay nito ang natututuhan nila. Dinaragdagan din nito ang kanilang kumpiyansa at naghihikayat ito ng pakikisama.
Bigyang-Kakayahan ang mga Mag-aaral
Kailangan ng mga mag-aaral na madama ang iyong pagmamahal at panghihikayat. Tulungan ang mga mag-aaral na madaig ang takot sa pagbubunyi sa bawat pagsisikap nilang magsalita ng Ingles. Magmasid at sumali sa bawat grupo at makinig habang nagpapraktis ang mga mag-aaral sa isa’t isa. Purihin sila nang madalas. Samahan sila sa pagpapraktis at tulungan silang makaranas ng tagumpay. Ituro ang lahat ng paraan na natututo at humuhusay sila. Kapag minahal at hinikayat mo ang mga mag-aaral, lilikha ka ng isang kapaligirang may pananampalataya, pakikisama, at paglago.
Pagpapahusay Bilang Guro na Katulad ni Cristo
Bilang isang guro sa EnglishConnect, may kakaibang oportunidad kang maglingkod sa iba. Ang mga alituntunin ng pagtuturong katulad ni Cristo ay angkop sa iyo. Maaari mong pag-aralan at gamitin ang mga alituntuning mula sa resource na Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas (2022). Sa ilalim ng pamamahala ng iyong priesthood leader, maaari kang dumalo sa mga teacher council meeting. Maaari mo ring suriin paminsan-minsan ang ginagawa mo at tukuyin ang mga aspeto na maaari mo pang paghusayin sa paggamit ng “Pagpapahusay Bilang Isang Guro na Katulad ni Cristo—Isang Pagsusuri sa Sarili” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 39). Alamin ang mga nagagawa mo nang mahusay. Tukuyin ang mga aspeto na gusto mo pang paghusayin at gumawa ng mga partikular na plano para magamit ang mga natututuhan mo.
Tandaan, ang pinakamahalagang bagay na magagawa mo ay mahalin ang mga mag-aaral at hangaring maakay ng Espiritu habang naghihikayat ka ng pananampalataya, pakikisama, at paglago.