Pag-aaral ng Ingles
Paano Ako Mamumuno sa Isang Conversation Group?


“Paano Ako Mamumuno sa Isang Conversation Group?,” EnglishConnect para sa mga Guro (2023)

“Paano Ako Mamumuno sa Isang Conversation Group?,” EnglishConnect para sa mga Guro

binabati ng mga mag-aaral sa EnglishConnect ang isa’t isa

Paano Ako Mamumuno sa Isang Conversation Group?

Gagamitin mo ang EnglishConnect 1 para sa mga Mag-aaral o ang EnglishConnect 2 para sa mga Mag-aaral para pamunuan ang grupo. Sinusunod ng bawat lesson ang format na ito:

Welcome: Malugod na batiin ang mga mag-aaral at ipakilala ang mga bagong kalahok. Bigyang-diin ang inaasahan na magsasalita ka sa Ingles at aanyayahan mo ang lahat na magsalita sa Ingles hangga’t maaari. Ipaalam nang maikli ang paksa ng lesson.

Panalangin: Anyayahan ang isang mag-aaral na manalangin nang malakas. Subuking pumili ng isang mag-aaral na komportableng manalangin sa Ingles. Maaari mong anyayahan ang tao na maghanda nang maaga sa pamamagitan ng pag-aaral ng “Pagdarasal sa Ingles” sa apendise ng mga manwal ng mag-aaral.

Alituntunin ng Pagkatuto: Basahin at talakayin ang alituntunin ng pagkatuto na nasa bahaging “Personal Study” (Personal na Pag-aaral) sa manwal ng mag-aaral. Mithiin ng alituntunin ng pagkatuto na anyayahan ang Espiritu habang sama-sama kayong nagbabahagi at natututo “sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya” (Doktrina at mga Tipan 88:118).

Ipakita kung paano pag-usapan ang alituntunin sa pamamagitan ng maikling pagbabahagi kung paano mo sasagutin ang isa sa mga tanong sa talakayan. Gumamit ng mga simpleng salita at parirala.

Anyayahan ang mga mag-aaral na ibahagi ang kanilang mga iniisip at karanasan sa isa’t isa. Maaaring magtalakayan ang mga mag-aaral sa katutubo nilang wika. Kung komportable para sa kanila, maaaring piliin ng mga mag-aaral na gumamit ng mga salita o parirala sa Ingles habang nagtatalakayan sila.

Aktibidad 1: Pamunuan ang mga mag-aaral sa mga aktibidad sa bahaging “Conversation Group” (Conversation Group) ng manwal ng mag-aaral. Bawat aktibidad ay naghahanda sa mga mag-aaral para sa susunod na aktibidad. Tinutulungan ng mga aktibidad ang mga mag-aaral na umunlad mula sa praktis sa pag-uulit hanggang sa paglikha ng sarili nilang mga pag-uusap.

Sa aktibidad 1, tulungan ang mga mag-aaral na rebyuhin ang bokabularyo at mga pattern sa bahaging “Personal na Pag-aaral” sa manwal ng mag-aaral. Ang mithiin ay ihanda ang mga mag-aaral para sa mga aktibidad 2 at 3 sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila na maunawaan ang ilang mahahalagang salita at mabigkas ang mga pattern.

Aktibidad 2: Sa aktibidad 2, gagamitin ng mga mag-aaral ang bokabularyo at mga pattern para magpraktis na magtanong at sumagot sa mga tanong kasama ang isang partner gamit ang nakalaang impormasyon. Ang mithiin ay makalikha ang mga mag-aaral ng pinakamaraming pangungusap sa Ingles hangga’t kaya nila.

Hikayatin ang mga mag-aaral na magpalitan ng partner para maragdagan ang mga oportunidad na magpraktis. Kapag nakipag-usap ka sa mga mag-aaral, subuking hanapin ang mga nangangailangan ng dagdag na suporta. Maghikayat at magpasigla.

Aktibidad 3: Sa aktibidad 3, may oportunidad ang mga mag-aaral na gamitin ang bokabularyo at mga pattern para magkaroon ng kumpletong pag-uusap tungkol sa isang sitwasyon sa tunay na buhay. Ang mithiin ay para magkaroon ang mga mag-aaral ng mga makabuluhang pag-uusap sa Ingles.

Hikayatin ang mga mag-aaral na madalas na magpalitan ng partner para magkaroon sila ng mas maraming oportunidad na magpraktis. Sa pagtatapos ng aktibidad 3, mas maganda na lahat ng mag-aaral ay nagsasalita ng Ingles nang hindi sumasangguni sa kanilang manwal. Dapat ay magsigla at gumagalaw ang grupo habang nag-uusap-usap at sama-samang nagpapraktis ang mga mag-aaral. Habang kausap mo ang mga mag-aaral, maaari mong mapansin na nakakaintindi nang husto at mahusay ang ilan sa aktibidad na ito. Isiping hamunin ang mga mag-aaral na ito na palalimin ang kanilang pagkatuto sa pamamagitan ng pagsasama ng mas maraming detalye o pag-uulit ng aktibidad sa ibang konteksto. Halimbawa, kapag nagpraktis na makipag-usap ang mga mag-aaral sa iba, hilingan silang magpraktis ng ibang sitwasyon tulad ng pagkausap sa isang bagong kaibigan o bagong boss.

Para sa bawat aktibidad:

  • Ipakita kung paano gawin ang aktibidad.

  • Pagparis-parisin ang mga mag-aaral o ilagay sila sa maliliit na grupo para magpraktis.

  • Obserbahan ang bawat grupo at maglaan ng suporta.

Suriin: Tulungan ang mga mag-aaral na suriin ang kanilang pag-unlad at mga pagsisikap. Tulungan silang makadama ng tagumpay sa pagsasabi ng magagawa nila para magpakahusay. Tulungan ang mga mag-aaral na gamitin ang “Personal Study Tracker” (Tracker sa Personal na Pag-aaral) para magtakda ng mga mithiin sa pagpapraktis araw-araw.

Kumilos nang May Pananampalataya sa Pagpapraktis ng Ingles Araw-Araw: Basahin nang malakas ang sipi sa iyong grupo. Ipahayag ang iyong pananampalataya na matutulungan sila ng Panginoon na matuto ng Ingles. Anyayahan silang magpraktis ng Ingles araw-araw at maghanda para sa susunod na lesson sa pamamagitan ng pagkumpleto ng mga aktibidad sa “Personal Study” (Personal na Pag-aaral).

Panalangin: Anyayahan ang isang mag-aaral na mag-alay ng pangwakas na panalangin sa Ingles. Pumili ng isang mag-aaral na may kumpiyansa o inanyayahan mo bago ang araw ng klase.

Ang mga lesson sa EnglishConnect ay idinisenyo gamit ang napatunayang mga alituntunin sa pagkatuto ng wika. Magtatagumpay ka kapag sinunod mo ang mga lesson at lumikha ka ng isang kapaligirang may pananampalataya, pakikisama, at paglago.

Mga Virtual Group

Kung kailangan, maaaring magkita-kita ang mga grupo online gamit ang isang remote meeting platform. Tandaan na ang EnglishConnect ay pinaka-tagumpay kapag lahat ng mag-aaral ay nag-uusap at nagpapraktis na makipag-usap. Tiyakin na may pag-uusap sa buong karanasan. Ang pinakamainam na paraan para magkaroon ng pag-uusap ay pagparis-parisin ang mga mag-aaral o ilagay sila sa maliliit na grupo. Gumamit ng mga breakout room at iba pang tools para matulungan ang mga mag-aaral na makipag-usap sa isa’t isa hangga’t maaari. Halimbawa, sa halip na pagsalitain ang isang mag-aaral habang nakikinig ang buong grupo, hatiin ang mga mag-aaral sa mga grupo ng dalawa o mahigit pa para mag-usap-usap. Pagkatapos ay baguhin ang mga grupo para sa susunod na aktibidad. Hikayatin ang lahat na gumamit ng video kung maaari.

Gamitin ang “Gabay sa Pamumuno sa mga Virtual Group” habang naghahanda at namumuno ka sa mga grupo ng EnglishConnect online.

Ibahagi ang “Gabay ng Kalahok sa Virtual Group” sa iyong mga mag-aaral sa pamamagitan ng paglalagay ng link sa chat sa mga oras ng miting ninyo. Sumangguni roon kung kailangan.

Gamitin ang aprubadong “Pagtatanghal ng Conversation Group” sa EnglishConnect 1 at 2 sa englishconnect.org/resources/teaching-materials. Maaari mong ipakita ang pagtatanghal para matulungan ang mga mag-aaral sa mga aktibidad sa bawat lesson.