Digital Lamang: Mga Service Mission
Laging May Paraan para Maglingkod
Tinawag tayo ng Panginoon upang maglingkod. Kilala Niya tayo at ang ating mga kakayahan.
Tinawag akong maglingkod bilang missionary at nadestino sa Brazil Florianópolis Mission. Pitong buwan akong nanatili doon at napauwi ako nang maaga. Nang pauwi na ako, nanalangin ako sa Ama sa Langit na huwag akong i-release bilang missionary. Matapos akong manalangin, nadama ko na sinasabi sa akin ng Espiritu na magiging maayos ang lahat.
Pagtitiwala sa Aking Panalangin
Sa unang linggo ko sa tahanan, nagtiwala ako sa nadama ko matapos akong manalangin sa airport. Nagsimula akong tumulong sa temple store. Nang makausap ko ang stake president ko, tuwang-tuwa siyang marinig ang tungkol sa paglilingkod ko at sinabing hindi niya ako ire-release. At naatasan akong maging service missionary sa home mission ko, ang Recife Northeast Mission.
Ano ang Tingin Ko Dito
Kasama sa service mission ko ang iba’t ibang assignment. Sa buong linggo tumutulong ako sa temple shop, sa temple office, at sa laundry room. Laging may ginagawa sa templo—hindi nakaupo lang ang mga missionary doon.
Tuwing Sabado tumutulong ako sa institute. Lumahok ako sa missionary preparation class ng institute para ibahagi ang natutuhan ko sa mission—napakasaya ko na makapagbahagi. Tumutulong din ako sa pamimigay ng pagkain sa mga estudyante pagkatapos ng klase.
Bukod sa partikular na mga assignment ko, ginagamit ko ang social network ko para ibahagi ang ebanghelyo. May ginawa akong isang page noong 17 taong gulang ako na bumabanggit sa programa ng kabataan.
Pagtatatag ng Kanyang Kaharian
Tinawag tayo ng Panginoon upang maglingkod. Kilala Niya tayo at ang ating mga kakayahan. Ang mga service mission ay binigyang-inspirasyon ng Panginoon, at kung ikaw ay inatasang maglingkod dito, ito ay dahil sa kailangan ng Panginoon ang tulong mo sa pagtatayo ng Kanyang kaharian.
Kahit malungkot ako o may kinakaharap na mga problema, gusto ko talaga kapag nakumpleto ko ang bawat buwan ng aking misyon at napagninilayan ko kung paano ako lumago at lumakas sa panahong iyon. Gustung-gusto ko ang misyon ko. Talagang may inspirasyon ito mula sa Panginoon.