Walang Nakakaunawa sa Akin na Tulad ng Tagapagligtas
Ang paglalakbay ko sa buhay noong may kanser ako ay nagturo sa akin ng maraming mahahalagang espirituwal na aral.
Larawang kuha ni Barbara Leite
Nagsimula ang lahat sa mga pagsakit ng ulo. Kalaunan, tumindi ang mga pagsakit ng ulo at nangyayari na araw-araw. Kung minsa’y nagiging dahilan iyon ng pagsusuka ko. Dahil dito, humiling ng MRI ang doktor ko.
Nakita sa mga resulta ng MRI na may tumor ako na tinatawag na germinoma sa central nervous system ng utak ko. Nang una naming malaman ang tungkol sa tumor noong Oktubre 2023, hindi namin alam kung malignant iyon (cancerous) o benign.
Sumailalim ako sa iba’t ibang operasyon, at tuluyan nilang naalis ang tumor. Umuwi ako at parang maayos na ang lahat, pero nagtagal bago dumating ang resulta ng biopsy. Makalipas ang ilang linggo, bumalik ang mga pagsakit ng ulo ko, kaya nagpa-CT scan ako.
Maihahanda Tayo ng Tagapagligtas para sa Mahihirap na Panahon
Nang matanggap namin ang mga resulta ng CT scan, nalaman namin na wala pang 20 araw, ganap na bumalik ang tumor sa utak ko. Nakita sa biopsy na cancerous ang tumor. Takot na takot ang mga magulang ko, pero nanatili akong kalmado. Naniniwala ako na inihahanda at pinalalakas na ako ng Tagapagligtas.
Mga Himala sa Paghihirap
Matapos malaman na cancerous ang tumor, umalis kami ng aking mga magulang sa aming lungsod at nagpunta sa isang ospital na espesyalista sa kanser ng mga bata sa kabisera ng estado, ang Curitiba. Umabot ng anim na buwan ang unang bahagi ng panggagamot sa akin, sa pagitan ng mga operasyon at chemotherapy.
Na-MRI ako ulit para maiskedyul ang susunod na operasyon. Inasahan ng mga doktor na sa chemotherapy, dapat ay maging kasinliit na ng munggo ang tumor.
Pero nakita sa MRI na lubusan nang nawala ang tumor! Gumawa ng himala ang Panginoon. Hindi inakala ng mga doktor na posible ito. Lubos akong nagpasalamat sa mga himalang naranasan ko, pero patuloy na naging mahirap ang paglalakbay ko sa buhay.
Pagharap sa Kawalan Kasama ang Tagapagligtas
Sa simula ng pagsubok na ito, nalungkot ako dahil napakaraming nawala sa akin. Kinailangan kong tumigil sa pag-aaral at pagsisimba. Nawala sa akin ang soccer, at nawalan din ako ng kontak sa mga kaibigan. Hindi rin ako makapasok sa seminary.
Alam ko na pupunan ng Tagapagligtas, sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, ang mga nawala sa akin. Hindi ko alam kung paano, kung kailan, pero naniniwala ako na pupunan ni Jesucristo ang lahat ng bagay na ito na nawala sa akin.
Walang nakakaunawa sa akin nang tulad Niya. Lubos akong nauunawaan ng nanay ko, pero hindi 100 porsiyento, na tulad ng pagkakaunawa sa akin ng Tagapagligtas. Kaya kahit nalungkot ako sa lahat ng nawala sa akin at sa lahat ng nangyari, palagi kong kasama ang Tagapagligtas.
Pagdaig sa mga Paghihirap sa Pamamagitan ng Paglilingkod
Ang isang paraan para madaig ang mga paghihirap ay maglingkod sa Panginoon. Paglilingkod ang nag-ugnay sa akin sa Panginoon at nakatulong sa akin na makinig sa Kanyang tinig at sumunod sa Kanya.
Nitong nakaraang taon, nagkaroon kami ng FSY conference, at kahit hindi ako makadalo nang personal, inanyayahan ako ng mag-asawang namamahala sa sesyon na gumawa ng isang video na nagbabahagi ng aking patotoo.
Sa video ko, ibinahagi ko na kahit ano pa ang nangyayari sa buhay ko, hangad ko na gawin ang aking bahagi at paglingkuran ang iba. Nakatanggap ako ng 571 liham mula sa mga kabataan na nakakita sa aking video at napalakas ang kanilang loob.
Ang pamilya ni Gustavo ang pinagmumulan ng kanyang lakas. Iginagalang niya ang kanyang kuya at ate, na kapwa mga returned missionary.
Mga Aral na Natutuhan
May problema pa rin ako sa kalusugan, pero ang karanasang ito ang higit na naglapit sa akin sa Tagapagligtas at nagturo sa akin ng maraming bagay.
Natutuhan kong magtiyaga at maghintay sa Panginoon kapag may masamang balita, masasamang karanasan, o malulubhang karamdaman. Natutuhan kong maghanap ng kagalakan sa maliit at simpleng mga bagay. Natutuhan kong tingnan ang mundo sa ibang pananaw, pag-aralan ang mga banal na kasulatan, at makipag-ugnayan sa Banal na Espiritu.
Ang isang bagay na espirituwal na tumutulong sa akin ay ang laging pagbabasa ng mga banal na kasulatan. Kahit noong maospital ako, pagkatapos ng operasyon o sa oras ng chemotherapy, palagi akong nagbabasa ng mga banal na kasulatan o ng mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya. Kung hindi ako makabasa, hinihilingan ko si Inay na basahan ako, o nakikinig ako mismo sa audio.
Ngayon nasa yugto ako ng radiotherapy, at habang naghihintay para sa mga panggagamot, ginagamit ko ang FamilySearch Get Involved app. Sa oras ng radiation therapy, gusto kong isipin ang mga banal na kasulatan mula sa seminary. Kapag pinili nating unahin ang Panginoon, kahit sa mahihirap na panahon, gumagawa ito ng lahat ng kaibhan. Pakiramdam ko kasama ko ang Panginoon dahil napalapit na ako sa Kanya.
Si Jesucristo ang aking Tagapagligtas at aking Kaibigan. Alam ko na alam Niya ang lahat ng aking nararamdaman, naramdaman, at mararamdaman. Lahat ay itutuwid sa pamamagitan ng Tagapagligtas.