Mga Tanong at mga Sagot
“Paano ako mag-uukol ng oras para sa mga espirituwal na bagay samantalang napakarami ko pang kailangang gawin sa maghapon?”
“Sinisikap kong iorganisa ang mga bagay na kailangan kong gawin sa notes sa aking mobile phone. Lagi kong inuuna ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at pagkatapos ay ginagawa ko ang homework ko. Kapag inuna kong pag-aralan ang mga banal na kasulatan, mas nauunawaan ko ang homework ko at nagkakaroon ako ng kapayapaan sa maghapon.”
Adara L., 15, Mérida, Mexico
“Pagkagising ko tuwing umaga, nagbabasa agad ako ng mga banal na kasulatan at nagdarasal. Lagi kong natutuklasan na mas madaling magbasa at magdasal sa umaga, sa halip na subukang isingit ito sa aking abalang iskedyul. Napansin ko na kapag ginagawa ko ito, mas nagkakaroon ako ng lakas na labanan ang tukso at magkaroon ng positibong saloobin.”
Catelyn E., 17, California, USA
“Para sa akin, nahihirapan ako rito, kaya palagay ko kailangan mo talagang isipin kung ano ang nagawa ni Jesus para sa iyo at pagkatapos ay siguruhing maglaan sa Kanya ng bahagi ng maghapon mo. Kapag inisip mo ang nagawa Niya para sa iyo, madaling mag-ukol ng oras para magdasal at mag-aral ng mga banal na kasulatan!”
Averi J., 14, Arizona, USA
“Maaari akong mag-ukol ng oras para sa mga espirituwal na bagay sa pamamagitan ng pagbabawas sa paggamit ng electronics. Sa pagbabawas ko sa paggamit ng electronics, magagamit ko ang oras na dati kong sinasayang para sa mas produktibong mga bagay para sa Panginoon. Maaaring isantabi palagi ang electronics, hindi tulad ng ating mga banal na kasulatan.”
Juliette J., 14, Texas, USA
“Ang susi para sa akin ay gumawa ng mga espirituwal na bagay bago ko gawin ang iba pang mga bagay. Hindi ito palaging madali, lalo na dahil walang deadline ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan na gaya ng homework. Pero tulad ng ikapu, natuklasan ko na kung uunahin kong bigyan ng oras ang Panginoon, may sapat na oras pa akong natitira para sa lahat ng iba pa.”
Jacob N., 19, Iowa, USA
Mga Digital Extra:
“Ang isang bagay na nakatulong sa akin ay ang magtuon sa aking mga prayoridad. Laging may mahahalagang bagay na gagawin, pero iilan lang sa mga ito ang napakahalaga kaya hindi mapagpapaliban ang mga espirituwal na aktibidad kahit sandali. Nang unahin ko ang mga espirituwal na bagay, natuklasan ko na karaniwan ay may sapat na oras pang natitira para sa iba.”
Emmett C., 17, Utah, USA
“Kung talagang nahihirapan kang maghanap ng oras para sa Panginoon, maaaring mong pag-isipan ang isang bagay mula sa buhay mo na pumipigil sa iyo na madama ang espiritu at magtuon sa Diyos. Ang isang halimbawa nito ay ang social media. Gaano karaming oras ang ginugugol mo sa pag-scroll sa social media? Kung aalisin mo ang oras na ginugugol mo sa social media, baka magulat ka kung gaano karami ang oras mo para magtuon sa Panginoon sa buong maghapon mo.”
Kimber Leigh D., 17, Tennessee, USA
“Nagbabasa ako ng mga banal na kasulatan sa bus kapag may oras ako. Habang naghahandang pumasok sa paaralan, nakikinig din ako sa mga himno ng Simbahan at mga mensahe sa kumperensya.”
Emma S., 13, Utah, USA
“Ang isang bagay na dapat mong gawin ay subukang gawing bahagi ng iyong iskedyul sa araw-araw ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Magagawa mo ito bago matulog! Maaari kang gumising nang mas maaga para makapag-aral ka bago pumasok sa paaralan o seminary. Maaari kang makinig sa musika ng Simbahan habang gumagawa ng homework o iba pang mga bagay sa araw-araw. Nakakatulong ito upang madama mo ang kapangyarihan ng Diyos kahit gumagawa ka ng iba pang mga bagay. Gayundin, dapat kang humingi ng tulong sa mga magulang o sa bishop mo. Tandaan, lagi kang tutulungan ng Diyos na gawin siyang bahagi ng buhay mo kung ipagdarasal mo na tulungan at gabayan ka niya.”
Colton N., 13, Utah, USA