2025
Mga Nakatagong Kayamanan
Pebrero 2025


Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Doktrina at mga Tipan 3–17

Mga Nakatagong Kayamanan

Kapag pinag-aralan mong maigi ang iyong mga banal na kasulatan sa buwang ito, makatutuklas ka ng maraming aral at katotohanan.

mga laminang ginto

Mga larawang-guhit ni Emily Jones

Marahil ay narinig mo na may pagkakaiba sa pagitan ng pagbabasa at ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Kapag nag-aaral ka, ikaw ay nakatuon, nakatutok, nag-uusisa, nagdarasal, at handang makinig sa pahiwatig ng Espiritu. Gumagawa ka ng mga pagkakaugnay at natututo ng mga personal na aral at walang-hanggang katotohanan.

Narito ang ilang halimbawa ng ilang aral at katotohanang natuklasan namin nang pag-aralan namin ang mga banal na kasulatan na tatalakayin sa plano sa pag-aaral ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin sa buwang ito. Anong mga uri ng kayamanan ang matatagpuan mo?

Nawala ang mga pahina, pero may plano ang Panginoon.

Doktrina at mga Tipan 3; 10

Nagsimula ang mga laminang ginto sa pagpapaikli ni Mormon sa aklat ni Lehi. Isinalin ni Joseph Smith ang 116 na mga pahina nito—pero naiwala ni Martin Harris ang mga pahina.

Hindi ba puwedeng isalin na lang itong muli ni Joseph? Oo puwede, pero nasa mga kaaway ni Joseph ang mga pahinang nawala at hahanapan nila ng pagkakaiba ang dalawang pagsasalin (o mag-iimbento sila ng ilan) para tuligsain siya (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 10:29–32).

Mabuti na lang at may plano ang Panginoon. Ilang siglo bago iyon, iniutos Niya kay Nephi na gumawa ng pangalawang set ng mga lamina na sumasaklaw sa marami sa materyal ding iyon pero mas nakatuon sa mga espirituwal na bagay (tingnan sa 2 Nephi 5:29–33). Pagkatapos ay binigyang-inspirasyon ng Panginoon si Mormon na isama ang mas maliliit na laminang ito sa pagpapaikli niya ng lahat ng iba pa (tingnan sa Mga Salita ni Mormon 1:3–7).

Tiniyak ng Panginoon na mayroon pa rin tayong talaan ng mga bagay na tulad ng pangitain ni Lehi tungkol sa Punungkahoy ng Buhay at sa paglalayag ng kanyang pamilya papunta sa lupang pangako. Balang-araw ay maipapanumbalik ang nawalang bahagi. Samantala, mas marami tayong dahilan para pag-aralan at mahalin ang nasa atin, na isinasaalang-alang ang lahat ng pagsisikap na ginawa ng Panginoon para tiyakin na mayroon tayo nito.

si Oliver Cowdery na binibinyagan si Joseph Smith

Sumali sa grupo si Oliver Cowdery at nagkaroon ng di-malilimutang mga karanasan.

Doktrina at mga Tipan 6; 13; Joseph Smith—Kasaysayan 1:66–75

Isipin kunwari na ikaw si Oliver Cowdery, isang 22-taong-gulang na guro sa paaralan na nakilala ang pamilya ni Joseph Smith Sr. at nalaman ang kamangha-manghang mga bagay na ginagawa ng kanilang anak na si Joseph—at pagkatapos ay sumali ka!

Ang sumunod na nangyari ay isinusulat mo ang idinidiktang pagsasalin ni Joseph ng Aklat ni Mormon. Isang napakagandang karanasan! Nang sabihin ni Oliver, “Ang mga araw na ito ay hindi malilimutan” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:71, footnote), tiyak na iyon ay hindi walang kabuluhan.

Habang isinasalin at isinusulat nina Joseph at Oliver ang Aklat ni Mormon, may mga tanong sila tungkol sa binyag. Malalaman mo ang nangyari nang itanong nila ang mga ito sa Panginoon, na nagresulta sa mas maraming sagradong karanasan na hindi malilimutan ng sinuman.

Nagdadala ang Panginoon ng mga tao sa ating buhay para tulungan tayo—at para tulungan natin.

Doktrina at mga Tipan 14–17

Narito ang isang mahalagang katotohanan: Ang pagiging matagumpay ay karaniwang nangangailangan ng tulong mula sa ibang mga tao.

Naglalagay ang Ama sa Langit ng mga tao sa ating landas na maaaring magpala sa ating buhay (at mapagpapala rin natin sila). Ito ay para sa espirituwal at temporal na mga bagay. Nakilala ni Joseph Smith si Oliver Cowdery dahil nakilala ni Oliver, isang guro sa paaralan, ang mga magulang ni Joseph sa panahon ng kanyang pagtatrabaho roon. Si Oliver ay kaibigan na ng pamilya Whitmer, na hindi nagtagal ay nagbalik-loob at nagsimulang gawin ang gawaing hindi magagawa ni Joseph nang mag-isa.

Napakaraming dakilang bagay ang naisakatuparan dahil “nangyari” na dumating ang mga taong ito sa buhay ng isa’t isa. Sa palagay mo ba ay nagkataon lang na nagkakilala sila? Hindi!

Kapag humingi ka ng tulong sa Ama sa Langit, maging handa sa posibilidad na maaaring ibulong ng Espiritu Santo ang pangalan ng isang tao sa iyong buhay na makapagbibigay ng tulong na kailangan mo.

pagpitik ng barya

At huwag kalimutan ang kabilang panig ng baryang iyon: Kaninong landas ka inilagay? Kaninong mga panalangin ang maaaring ikaw ang sagot?