Paggamit ng Gabay
Tulong mula sa Perpektong Pinagmumulan
Anumang mga paghihirap ang kinakaharap mo, tutulungan ka ni Jesucristo kapag bumaling ka sa Kanya.
The Pattern [Ang Huwaran], ni Jeanette Bourup
Paminsan-minsan nangangailangan tayong lahat ng kaunting tulong. Kung minsan ay maraming tulong. Ang totoo ay gumaganda kadalasan ang buhay kapag hindi mo sinusubukang mamuhay nang mag-isa.
Si Jesucristo ang iyong perpektong pinagmumulan ng tulong, pag-asa, at lakas. Makakatulong din Siya na gawin kang mas mabuti—marahil maging sa mga paraan na hindi mo inakalang posible.
Isang Pagbabago ng Puso
Naipagdasal mo na ba na palambutin ng Diyos ang puso ng iyong mga kaaway? Kung gayon, hindi ka nag-iisa (tingnan sa 3 Nephi 12:44; Moroni 7:48). Kahit wala kang mga kaaway sa katulad na pakahulugang iyon ng Aklat ni Mormon (mga armadong kaaway na handang sumalakay), marahil ay ipinagdasal mo na sana’y palambutin ng Diyos ang puso ng isang tao na hindi maganda ang pagtrato sa iyo.
Pero naisip mo na ba na manalangin at hilingin sa Diyos na palambutin ang iyong puso? Nahihirapan ka siguro na patawarin ang isang tao. O laging umiinit ang ulo mo, kahit ayaw mo. O gusto mong maging mas mabait sa iyong mga kapatid kahit iniinis ka nila kung minsan.
“Babaguhin [ni Jesucristo] ang inyong puso at buhay. Unti-unti, kayo ay lalago at magiging lalong katulad Niya. Ang inyong pakikipagtipan sa Kanya ay magbibigay sa inyo ng higit na pagtanggap sa Kanyang kapangyarihan” (Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Pagpili [2022], 8, idinagdag ang diin).
Hindi ba napakagandang pangako niyan? Nahihirapan ka man sa anumang bagay, kahit sa sarili mong puso, makakatulong si Jesucristo. Paano ka makakabaling sa Kanya ngayon?