Digital Lamang: Mga Service Mission
Mga Service Mission: Sulit ang Karanasan
Nang bumalik ang mga papeles ko sa mission, inaasahan ko na mabibigyan ako ng assignment sa teaching mission. Nag-iba ang landas ko, para sa mas mabuting dahilan.
Sa palagay ko kapag tinitingnan ng mga tao ang mga misyon, madalas nilang makita ang mga service mission bilang “mas mababang” misyon kumpara sa teaching mission. Aaminin ko na noong nag-aaplay ako para sa aking misyon, may nadama akong ganito. Mahigit anim na buwan naming inasikaso ng mga priesthood leader ko at ng Missionary Department ang aking aplikasyon. Gusto kong maglingkod sa teaching mission. Nadama ko na ito ang kailangan ko.
Isang Mas Personal na Tungkulin
Kalaunan, nakausap ko ang stake president ko, at nalaman ko na tinawag ako sa isang service mission. Ang aking landas ay papunta sa ibang direksyon kaysa sa orihinal kong inaasahan, pero nakakagulat na nakadama ako ng kapayapaan. Alam kong tama ito.
Mula nang mag-umpisa ako sa misyon, nagawa kong samahan ang mga tao habang mag-isa silang nakaupo sa mga cancer infusion room at nagkapaglingkod sa templo bilang ordinance worker. Nagkaroon din ako ng pagkakataon na magsulat ng mga artikulo para sa Lingguhang YA, gamit ang hilig ko sa pagsulat upang makatulong na magdala ng liwanag at pag-asa sa iba.
Naniniwala ako na maaaring nakapag-full-time teaching sana ako. Gayunman, alam ko na noong natanggap ko ang aking assignment na maglingkod bilang service missionary, hindi iyon tungkol sa kalusugan ng aking isipan kundi mas tungkol sa kung saan ako kailangan talaga ng Panginoon. Sa palagay ko hindi ko sana naranasan ang mga personal na karanasan ko sa aking service mission.
Hindi Mas Mababa Kundi Kapantay
Ang mga service mission ay hindi mas mababa kumpara sa mga teaching mission. Narito ang isang analohiya na narinig ko: Ang mga teaching missionary ang bibig ng Tagapagligtas; ang mga service missionary ang Kanyang mga kamay. Nakasaad sa layunin ng service missionary na naglilingkod tayo “nang may magiliw na kabaitan na tulad ng nais mangyari ng Tagapagligtas.”
Inaalo at pinangangalagaan natin ang mga nangangailangan. Iyan ang ginawa ng Tagapagligtas, at iyan ang dapat nating tularan.
Humayo at Gawin
Alam ko na binabantayan ng Ama sa Langit ang bawat isa sa atin at alam Niya kung ano ang pinakamainam para sa atin. Anuman ang inyong mission assignment, kung tatawagin Niya kayong maglingkod, humayo kayo at maglingkod.
Ayon sa nakasaad sa Mga Kawikaan 3:5–6: “Tumiwala ka sa Panginoon ng buong puso mo, at huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan. Sa lahat ng iyong mga lakad siya’y iyong kilalanin, at itutuwid niya ang iyong mga landasin.”
Iyan ay masisiguro ko sa inyo.