Lingguhang YA
Mahirap ang Mag-aral. Narito ang mga Bagay na Nagpapalakas-ng-Loob Ko para Magpatuloy (at Umasa)
Abril 2026 Lingguhang YA


Mula sa Lingguhang YA

Mahirap ang Mag-aral. Narito ang mga Bagay na Nagpapalakas-ng-Loob Ko para Magpatuloy (at Umasa)

Hindi ka isang bagay—nilikha ka upang kumilos, hubugin ang sarili, at magtagumpay.

dalawang kabataang nakangiti at nakatayo sa harap ng canoe

Larawang-kuha sa kagandahang-loob ng awtor

Minsan naiisip ko kung magiging ako ba talaga ang taong pinapangarap ko. Noon pa man ay pangarap ko nang mag-aral ng biology, makapasok sa medical school, at makauwi upang maglingkod sa aking komunidad sa Tahiti bilang isang doktor.

Pero nang lumipat ako sa Hawaii, USA, para magsimulang mag-aral sa kolehiyo, napaisip ako kung ang landas na iyon nga ba talaga ang gusto ng Ama sa Langit para sa akin.

Naging magandang karanasan ang kolehiyo, pero mahirap balansehin ang mga klase, trabaho, at oras para magpahinga. Madalas akong panghinaan-ng-loob dahil sa lahat ng pag-aalinlangan.

Habang pinaglalabanan ko ang mga damdaming ito, nakahanap ako ng pag-asa sa pamamagitan ng ilang nakakatulong na gawain.

Matutong Kumilos nang May Pananampalataya

Ipinaliwanag minsan ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kalayaang pumili sa isang mabisang object lesson: Itinaas niya ang kanyang mga banal na kasulatan at sinabing ang mga banal na kasulatan ay isang bagay. Itinuro niya na walang kakayahang gumalaw ang mga ito maliban kung igalaw niya ito. Pagkatapos ay idinagdag niya, “‘Ikaw at ako, gayunpaman, ay mga kinatawan. May kakayahan tayong kumilos, hindi lang simpleng pinakikilos.’”

Nagsimula kong maunawaan ang aking kalayaang piliing manampalataya nang magsimula akong magtrabaho bilang canoe guide sa Polynesian Cultural Center. Noong una, kabadung-kabado ako. Mabibigat ang mga canoe, mabilis ang agos ng ilog, at dapat mong gabayan at aliwin ang mga bisita, at lahat nang ito nang hindi bumabangga!

Sa simula ng trabahong ito, kinabahan ako. Pero pagkatapos ay nabasa ko ang talatang ito sa banal na kasulatan: “Dahil … sila ay tinubos mula sa pagkahulog, sila ay naging malaya magpakailanman, … kumikilos para sa kanilang sarili at hindi pinakikilos” (2 Nephi 2:26).

Nagdulot ito sa akin ng kapayapaan. Hindi lamang tayo tinutubos ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo mula sa kasalanan—binibigyan din Niya tayo ng lakas. Napagtanto ko na hindi ko kailangang maghintay para “maramdamang handa” o malaman ang lahat. Kailangan ko lang kumilos nang may pananampalataya at tandaan na kaya kong gawin ang mahihirap na bagay, lalo na kapag kasama ko si Cristo.

Habang kumikilos ako nang may pananampalataya at patuloy na pinaglalabanan ang mga pagkakamali at hamon, napansin ko na kapwa bumuti ang aking mga kasanayan sa pagka-canoe at ang aking tiwala sa Panginoon. Natanto ko na kilala ako ng Diyos, mahal ako, at tutulungan ako sa lahat ng aking sinisikap na makamit.

Kapag pinanghihinaan ako ng loob—sa trabaho man, tumatakbo, habang nag-aaral, o sa mga sandali ng pag-aalinlangan—pinapaalalahanan ko ang aking sarili na hindi ako isang bagay lamang. Ako ay isang kinatawan na maaaring kumilos nang may pananampalataya.

Pagbibigay sa Panginoon ng Pantay na Oras

Bilang mga anak ng Ama sa Langit, hindi tayo nilayong maging mga tagamasid lamang sa ating buhay. Nais Niya tayong magbago, maging higit pa sa inaasahan, at piliin Siya.

Kapag mahirap ang pag-aaral at mabibigat ang mga responsibilidad, natuklasan ko na ang pagbibigay ng priyoridad sa oras para sa Panginoon ay nakakatulong sa akin na maisakatuparan ang lahat ng iba pang bagay. Ibinahagi ni Elder Ronald A. Rasband ng Korum ng Labindalawang Apostol ang pangakong ito: “Habang binibigyan ninyo ng panahon ang Panginoon habang nagsisikap kayong magpatuloy sa inyong mas mataas na edukasyon, pahuhusayin ng Espiritu ang inyong kasanayan para makamit ang mga akademikong hangarin. Matutuklasan ninyong mayroon kayong karagdagang oras at kakayahan para sa inyong mga kurso, at mabubuksan para sa inyo ang mga pinto na nakasarado na sana.”

Ang pangakong iyan ay nagbibigay sa akin ng kapanatagan habang patuloy akong nagsisikap na makamit ang aking mga mithiin.

Pag-asa sa Diyos

Nakaramdam na ako ng maraming patnubay mula sa Panginoon para mag-aral sa larangan ng medisina, pero tila wala pa ring katiyakan ang landas na tatahakin ko. Natanto ko na ang kapayapaan ay hindi dumarating kapag wala na ang lahat ng pag-aalinlangan; maaari itong magmula sa Diyos sa anumang sitwasyon. Itinuro ni Pangulong D. Todd Christofferson, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “Sa pag-asa sa Diyos, makahahanap tayo ng kapayapaan sa paghihirap, at makapagpapatuloy sa paglago ang ating pananampalataya kahit sa mga panahon ng pag-aalinlangan at [espirituwal na hamon].”

Kahit hindi ko alam kung ano ang magiging kinabukasan ko sa medical school, alam kong ginagabayan ako ng Diyos. Kahit hindi ko malinaw na nakikita ang Kanyang mga pagpapala, ang maalalang hindi ako nag-iisa sa aking paglalakbay ay nagbibigay sa akin ng pag-asa.

Kung hindi ka sigurado sa iyong kinabukasan o nagdududa sa iyong potensyal, pakiusap, huwag kang sumuko. Piliing kumilos nang may pananampalataya kahit na ang ibig sabihin nito ay isa pang maliit na hakbang.

Dahil buhay si Cristo, maaari kang patuloy na magsikap. Kaya mong maunawaan ang mga bagay-bagay. Magtiwala ka na matutulungan ka Niya sa anumang kawalan ng katiyakan na kinakaharap mo.

Mga Tala

  1. David A. Bednar, sa Kevin S. Hamilton, “Act … Not … Acted Upon,” Liahona, Mar. 2018, Africa Southeast Local Pages, Gospel Library.

  2. Ronald A. Rasband, “Give the Lord Equal Time” (debosyonal sa Brigham Young University–Hawaii, Ene. 28, 2025), speeches.byuh.edu.

  3. D. Todd Christofferson, “Umasa sa Diyos at Mabuhay,” Liahona, Nob. 2025, 89.