“Paglilingkod sa Ngalan ni Jesucristo,” Liahona, Dis. 2025.
Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Paglilingkod sa Ngalan ni Jesucristo
Nang tinulungan ko ang lola ko sa Kapaskuhan, marami pa akong natutuhan tungkol sa kahulugan ng taglayin sa aking sarili ang pangalan ng Tagapagligtas.
Paglalarawan ni Caitlin Droubay
Ang lola ko ang pinakamahusay magbigay ng regalo. Maalalahanin at personal ang kanyang mga regalo, bawat isa ay nakabalot sa magandang papel at tinalian ng napakagandang laso. Ang regalo niya sa Pasko ang kasasabikan mong matanggap.
Noong huling bahagi ng 2016, natuklasan na may kanser si Lola. Ang babaeng ito na napakahusay magpasaya tuwing Pasko ay maoospital sa paborito niyang araw ng taon. Habang iniisip ko siya, inisip ko kung paano ako makakatulong para maging masaya ang Kapaskuhan. Sa pagkakilala ko kay Lola, matagal na siyang nakapagplano ng mga regalo at malulungkot siya kapag hindi niya naisagawa ang mga iyon.
Sabi ni Lolo, ganoon nga ang sitwasyon. Nang mag-alok ako ng tulong, ako ang inatasang maghanda ng mga regalo para sa bawat isa sa 13 apo, sa kani-kanilang asawa, at sa mahigit 27 mga apo-sa-tuhod. Sinikap kong balutin ang mga regalo na tulad ng ginawa noon ni Lola. Maingat kong pinili ang mga gift bag, tissue paper, at sobre.
Sa pag-scan sa isang card mula sa nakaraang taon, isinama ko ang kanyang taunang mensahe: “Nagmamahal nang walang hanggan, Lola at Lolo.”
Gusto kong maging perpekto ang lahat—na gawin ang mga bagay nang katulad ng paggawa niya. Noong nangangalahati na ako sa tumpok ng mga bag, glitter, at card, ibinulong sa akin ng Espiritu, “Ito ang pakiramdam ng taglayin ang pangalan ng isang tao sa iyong sarili. Ito ang pakiramdam ng kumilos sa ngalan ng ibang tao.”
Sa lubos na personal na sandaling iyon, mas natutuhan ko ang kahulugan ng taglayin sa aking sarili ang pangalan ni Jesucristo.
Bawat linggo kapag tumatanggap tayo ng sakramento, pinatototohanan natin na handa tayong taglayin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo at lagi Siyang alalahanin (tingnan sa Moroni 4:3; Doktrina at mga Tipan 20:77). Mas personal sa akin ang paanyayang iyan ngayon. Mas nauunawaan ko kung paano nakasama ng pamumuhay nang tulad Niya ang pagtataglay sa aking sarili ng pangalan ni Cristo.
Alam ko kung paano nagbigay si Lola dahil nakatanggap ako ng kanyang pagmamahal at pagkamaalalahanin nang maraming beses. Alam ko kung paano magmahal at magbigay ang Ama sa Langit at si Jesus dahil nasasaksihan ko ang impluwensya Nila sa buhay ko. Tumatanggap ako ng biyaya ni Cristo. Nais kong gawin ang gagawin Niya. Gusto ko na ang buhay ko, ang paglilingkod na ibinibigay ko, at ang pagmamahal na ibinabahagi ko ay maging katulad ng Kanyang buhay, paglilingkod, at pagmamahal—na madama na parang nagmula iyon sa Kanya.