“Lumapit kay Cristo at Tanggapin ang Kanyang mga Kaloob,” Liahona, Dis. 2025.
Lumapit kay Cristo at Tanggapin ang Kanyang mga Kaloob
Sa pamamagitan ni Cristo, ang pinakadakilang kaloob sa lahat, natatanggap natin ang lahat ng bagay na tunay na mahalaga—ngayon at magpakailanman.
Noong tinedyer ako, sabik kong inasam ang isang mamahaling regalo para sa Pasko, at madalas itong binabanggit nang hindi iniisip ang pinansyal na sitwasyon ng aking mga magulang.
Nang sumapit ang Pasko, wala sa ilalim ng Christmas tree ang regalong inasam ko. Noong una, nalungkot ako, pero hindi nagtagal ay nauwi iyon sa pagkapahiya nang matanto ko na may mabibigat na problema sa pera ang mga magulang ko—sa pagsuporta sa kuya ko na nasa misyon at sa ate ko na nasa kolehiyo, gayundin sa pagtustos sa akin na kanilang bunso.
Habang lumilipas ang umaga, napansin ko na kakaunti ang nasa ilalim ng Christmas tree na para sa kanila at marami ang para sa akin. Dahil makasarili ako, naging bulag ako sa pagmamahal at sakripisyong ipinakita sa akin ng aking mga magulang.
Makalipas ang ilang taon, nang makauwi na ako mula sa aking misyon, muli kong nakasama sa Pasko ang mga magulang ko. Tuwang-tuwa sila nang makita nila akong nagbubukas ng mga regalo mula sa ilalim ng Christmas tree, at minsan pa, halos lahat ng regalo ay para sa akin.
Sa pagkakataong ito, iba na ang pananaw ko. Ang karanasan ko noong tinedyer ako ay nagturo sa akin ng isang mahalagang aral. Hindi lang ako nagpasalamat para sa mga regalo—lubos akong naantig sa pagmamahal ng mga magulang ko at sa mga sakripisyong kusang-loob nilang ginawa para sa akin.
Ang Pinakamahalagang Regalo
Naunawaan ko na ang ilang regalo ay mas mahalaga kaysa sa iba, at kadalasan, ang mga regalong iyon ay nangangailangan ng sakripisyo mula sa nagbigay.
Ipinahayag sa Aklat ni Mormon, “May isang bagay na higit na mahalaga kaysa sa lahat ng ito” (Alma 7:7), at iyon ay ang buhay at misyon ni Jesucristo. Tunay ngang ang pinakadakilang regalong ibinigay sa sangkatauhan ay si Jesucristo—ang Kanyang pagsilang, ang Kanyang sakdal na buhay, ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, at ang Kanyang maluwalhating Pagkabuhay na Muli.
Ang regalong ito ay dumating sa pamamagitan ng malaking sakripisyo, at bawat walang-hanggang pagpapala ay dumadaloy mula sa Kanya. Sa pagtanggap sa Kanyang paanyaya na “lumapit [sa Kanya]” (Mateo 11:28), binubuksan natin ang mga regalong tunay na mahalaga.
Sumampalataya sa Kanya
Kailangan talaga ang pananampalataya kapag tila napakahina nito. Maaaring mahirap panatilihin ang ating pananampalataya sa mga oras ng pagsubok. Gayunman, kung magiging masigasig tayo, pagpapalain tayo ng Panginoon.
Ang matatapat na Nephita ay naharap sa bantang masawi kung hindi lilitaw ang mga tanda ng pagsilang ni Cristo. Sa kabila ng kanilang masamang sitwasyon, nanatili silang matatag sa kanilang pananampalataya. (Tingnan sa Helaman 14:2–5; 3 Nephi 1:6–9.)
Taimtim na nanalangin ang propetang si Nephi sa paghahangad na maligtas ang kanyang mga tao. Bilang tugon, ibinigay ng Panginoon ang nakapapanatag na katiyakang ito: “Itaas mo ang iyong ulo at magalak; … sa gabing ito ang palatandaan ay makikita, at kinabukasan, paparito ako sa daigdig” (3 Nephi 1:13).
Nang gabing iyon, hindi nagdilim. Kinabukasan, isang bagong tala ang lumitaw sa kalangitan, na nagpapahayag ng pagsilang ni Jesucristo—“ang liwanag, ang buhay, at ang pag-asa ng mundo.” Ang mga nanindigan ay pinagpalang maunawaan na dumating na ang ipinropesiyang Panginoon.
Ang Pananampalataya ay Isang Regalo o Kaloob
Sinabi ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang pananampalataya kay Jesucristo ay banal na kaloob, na ibinibigay kapag pinili nating maniwala sa Kanya at masigasig natin Siyang hinahanap. Sa Aklat ni Mormon, itinuro ni Eter na sa paglago ng ating pananampalataya, makakaasa tayo sa isang mas magandang mundo (tingnan sa Eter 12:4).
Noon habang nasa Brazil ako, dahil sa trabaho, nakatabi ko sa eroplano ang isang lalaki na namatayan ng kaisa-isa niyang anak na babae dahil sa isang aksidente. Siya ay malungkot at nawalan ng pag-asa. Sa tamang sandali, nagkausap kami tungkol sa mga sagradong bagay na maaaring magbuklod sa mga pamilya para sa kawalang-hanggan. Nagpatotoo ako na sa pamamagitan ni Cristo, silang mag-ama ay muling magkakasama magpakailanman. Siya ay muling nagkaroon ng pag-asa kahit nagdadalamhati siya, at napaiyak sa bagong kaalamang ito.
Hindi ko alam kung sumapi siya sa Simbahan, pero sa sandaling iyon, alam ko na nakasumpong siya ng pag-asa na makakamtan lamang sa pamamagitan ng sakripisyo at mga biyaya ni Jesucristo.
Ang Sakripisyo ay Naglalapit sa Atin sa Kanya
Ang pinakadakilang halimbawa ng sakripisyo ay ang kahandaan ng ating Ama sa Langit na isugo ang Kanyang Anak na si Jesucristo sa mundo (tingnan sa Juan 3:16). At si Cristo, sa ganap na pagsunod, ay isinakripisyo ang lahat upang sundin ang kalooban ng Ama (tingnan sa Mateo 26:39, 42).
Kung talagang mahal natin si Cristo, iaalay natin sa Kanya ang ating sariling sakripisyo—isang mapagpakumbabang puso at kahandaang sundin Siya (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 59:8).
Itinuro ni Apostol Pablo na ang batas ay isang tagasupil na magdadala sa atin kay Cristo upang tayo ay mabigyang-katwiran sa pamamagitan ng pananampalataya. Gayunman, kapag tayo ay binigyang-katwiran, hindi na tayo nasa ilalim ng tagasupil, dahil tayo ay nagiging mga anak ng Diyos. (Tingnan sa Galacia 3:24–26.)
Habang lumalago ang ating pananampalataya, nagiging bahagi ng ating likas na pagkatao ang mga kautusan. Tinutulungan tayo ng mga ito na mas mapalapit sa Tagapagligtas, at nangangako Siya na lalapit Siya sa atin (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:63). Bukod pa rito, sa pamamagitan ng pagsunod, tayo ay nagiging higit na katulad Niya. Kapag ginawa natin ito, inihahanda natin ang ating sarili na tanggapin ang pinakadakilang kaloob na buhay na walang hanggan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 14:7).
Nakabigkis sa Kanya
Ang mundo ay naliligalig, at hangad ni Satanas na guluhin tayo sa pamamagitan ng takot at kawalang-katiyakan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 45:26; Lucas 21:26). Gayunman, naglaan ng paraan ang Ama para madaig ito: ang Kanyang Anak na si Jesucristo.
Bagama’t maaaring maharap tayo sa mga hamon ng buhay, ang pagsunod natin kay Cristo sa pamamagitan ng mga ordenansa at tipan ay nagbibigay-daan sa atin na makahugot sa Kanyang lakas at nakatutubos na kapangyarihan. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na ang pagiging kabilang sa tipan ay nagbibigkis sa atin sa Panginoon “sa isang paraan na [ginagawang mas madali] ang lahat sa buhay.” Mas madali, hindi madali. At ang kapangyarihan ay para sa mga taong handang gumawa at tumupad ng mga sagradong tipan. Kabilang din ito sa mga dakilang kaloob ng Diyos sa atin, na Kanyang mga anak.
Sa Kapaskuhang ito, pinatototohanan ko na sa pamamagitan ni Cristo, ang pinakadakilang kaloob sa lahat, tinatanggap natin ang lahat ng tunay na mahalaga—ngayon at magpakailanman.