Liahona
Uuwi na Ako
Disyembre 2025 Liahona


“Uuwi na Ako,” Liahona, Dis. 2025.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Uuwi na Ako

Hindi ko alam kung ano kaya ang nangyari sa araw na iyon kung tumuloy ako at hindi ko pinansin ang pahiwatig ng Espiritu Santo.

paglalarawan sa isang lalaking nagmamaneho ng trak sa niyebe

Paglalarawan ni Caitlin Droubay

Sa paghahakot ng langis sa ilang ng North Dakota, USA, hindi ako halos makakita ng kabaitan. Hindi ito naiiba sa Kapaskuhan.

Ilang taon na ang nakararaan, naisip ko, “Paano ko mababago iyon?” Habang pinagninilayan ko ang tanong na ito, nagsimula akong mag-order ng isang case ng kahon-kahong tsokolate tuwing Disyembre at ipinamigay ko ang mga iyon sa iba pang mga drayber ng trak at sa mga tao sa mga oil field.

Tuwing umaga bago maghakot ng langis, hinihiling ko sa Ama sa Langit na tulungan akong gawin nang tama, maayos, at ligtas ang trabaho ko. Pagkatapos ay hinihiling ko sa Kanya na tulungan akong maghanap ng mga taong maaaring nangangailangan ng kaunting pampasaya sa Pasko. Nang sundin ko ang mga pahiwatig, masasabi ko na gumaan ang mga pasanin ng mga tao sa pagkausap lamang sa kanila ng ibang tao at pagbibigay sa kanila ng kaunting tsokolate.

Isang umaga nahiwatigan ko na dapat akong magdala ng dalawang kahon. Nang pumasok ako sa isang oil well site noong araw na iyon, hinikayat ako ng Espiritu na bigyan ng isang kahon ang isang lalaki roon. Matapos niya akong pasalamatan, sinimulan kong iatras ang aking sasakyan sa paradahan sa likuran ko. Sinimulan akong sigawan ng isang lalaki na nakasakay sa isang panghakot ng tubig na nasa likuran ko sa pag-atras sa iniisip niyang paradahan niya.

Sa kasamaang-palad, sinigawan ko rin siya. Inokupa ko ang paradahan at naghintay habang pinupuno ng langis ang tangke ko. Nang mapuno ang tangke ko at nagsimula akong lumabas ng well site, nakita kong muli ang lalaki.

Isang malakas na pahiwatig mula sa Espiritu Santo ang sumaakin: “Kailangan ng lalaking iyon ng isang kahon ng tsokolate.”

Tumutol ako, “Ah, hindi sa lalaking iyon.”

Gayunman, alam ko na hindi ako nagbibigay ng mga tsokolate para gumaan ang aking pakiramdam. Ginagawa ko iyon dahil gusto kong sundin ang mga pahiwatig ng Panginoon at gawin ang nais Niyang gawin ko para sa iba—gaano man kahirap sundin ang mga pahiwatig.

Lumapit ako sa lalaki, na nanlilisik ang mga mata sa akin nang makita niya akong papalapit.

“Mali ang nangyari sa atin,” sabi ko. “Ako si Vaun Kearsley. Gusto kitang batiin ng Maligayang Pasko.”

Iniabot ko sa kanya ang kahon ng mga tsokolate at kinamayan siya. Bago niya binitawan ang kamay ko, napaiyak siya.

“Vaun, anim na taon na akong nagpupunta sa mga oil field,” sabi ng lalaki. “Nakakalungkot ang kawalan ng kabaitan dito. Parang masama ang lahat sa isa’t isa. Ginagawa nilang lahat ang gusto nila at wala silang pakialam sa iba rito.”

Dagdag pa niya pagkatapos: “Ngayo’y sinabi ko kung walang taong mabait sa akin, sa huling hakot ko sa maghapon, pupunuin ko ang trak ko ng pinakamabigat na kargadang kaya nito at ibabangga ko ito sa pader.”

Hinawakan ko ang bisig niya at sinabing, “Huwag mo sanang gawin iyan. Huwag kang magpakamatay.”

Sinabi ko sa kanya ang tungkol sa Tagapagligtas na si Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo. Sinabi ko sa kanya ang pagmamahal, liwanag, at pang-unawang taglay Niya para sa lahat. Habang nag-uusap kami, nalaman ko na mayroon siyang anak na binatilyo sa Idaho na nami-miss niya. Nakiusap ako sa kanya na huwag sirain ang buhay niya o saktan ang buhay ng mga mahal niya dahil sa sakit na nadarama niya. Nang magyakap kami, sinabi ko sa kanya na umaasa akong makita ko siyang muli at na magbabago ang kanyang isipan.

Nang sumunod na ilang linggo, nakita at binati ko siya araw-araw. Sa isang stop o hintuan noong Disyembre 23, lumapit siya sa akin at sinabing, “Ngayon ang huling araw ko, Vaun. Uuwi na ako para mas mapalapit sa anak ko.”

Tungkol sa pagpayag na manaig ang Diyos sa ating buhay, sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson: “Hahayaan mo ba ang Kanyang mga salita, Kanyang mga utos, at Kanyang mga tipan na impluwensyahan ang ginagawa mo sa bawat araw? Mas uunahin mo ba ang Kanyang tinig kaysa sa iba? Handa ka bang unahin ang kailangan Niyang ipagawa sa iyo kaysa sa lahat ng iba pang mga ambisyon mo? Handa ka bang ipasakop ang iyong kalooban sa Kanyang kalooban?”

Ang pamimigay ng mga kahon ng mga tsokolate ay isang simpleng pagpapakita ng pananampalataya, ngunit ginawa itong higit pa rito ng Panginoon (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 64:33). Hindi ko alam kung ano ang maaaring nangyari sa araw na iyon kung hindi ko pinansin ang Espiritu Santo. Ang alam ko lang ay sumunod ako sa isang pahiwatig, at malaking kabutihan ang nangyari.

May kapangyarihan sa pagsunod sa mga kautusan, pakikinig sa Espiritu, at pagpapakita ng kabaitan. Dapat nating sikaping alalahanin na bawat taong makita natin ay anak ng ating Ama sa Langit. Kapag tinataglay natin ang Liwanag ni Cristo at ibinabahagi ito, napapansin ito ng Kanyang mga anak (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:45–46).