“Ang Pinakamasayang Panahon sa Buhay Ko,” Liahona, Dis. 2025.
Mga Larawan ng Pananampalataya
Ang Pinakamasayang Panahon sa Buhay Ko
Nang tanungin ko ang Diyos kung tama ang desisyon ko sa pamamagitan ng pagbabago ng buhay ko, sumagot Siya sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga full-time missionary sa pintuan ko.
Mga larawang kuha ni Stefan Huysmans
Sa loob ng 11 taon, nalulong ako sa methamphetamine. Ang buhay ko ay naging magulo at napuno ng kalungkutan. Nawalan ng saysay ang pagsisikap ng mga taong pinakamalapit sa akin na ilayo ako sa droga.
Naging masaklap ang buhay ko, nakibaka ako sa matinding depresyon at pagkabalisa, at nanigarilyo ako hanggang sa magkaroon ako ng sakit sa utak. Gumuho ang lahat sa paligid ko. Tinangka ko pa ngang magpakamatay. Himala na nabuhay pa ako. Pagkatapos, ang una kong naisip ay, “Hindi ko pa oras. May layunin ako.”
Naapektuhan ng adiksyon ko ang lahat ng relasyon ko, lalo na ang relasyon ko sa 13 taong gulang kong anak na si Lincoln. Isang araw tinanong niya ako kung puwede ko siyang i-enroll sa kickboxing. Sinabi ko sa kanya na gagawin ko iyon, pero tinitigan niya ako sa mga mata at sinabing, “Dad, hindi ako naniniwala sa inyo.”
“Bakit hindi?” tanong ko.
“Lagi n’yong ginagawa ito,” sagot ni Lincoln. “Pinapaasa n’yo ako at hindi n’yo naman tinutupad.”
Nalungkot ako. Sumama ang pakiramdam ko. Hindi na bata ang kausap ko. Ang kausap ko ay isang 13 taong gulang na binatilyo na alam ang nangyayari. Nangako akong magbago. Nangako ako sa sarili ko na hindi na ako hihitit ulit ng meth. Gabi-gabi, sinasabi ko sa sarili ko, “Gagawa ako ng mas mabubuting pasiya.”
Dalawang linggo ang lumipas habang sinisikap kong pagandahin ang relasyon ko kay Lincoln. Sa halip na bumili ng droga, ipinalista ko siya sa isang kickboxing gym. Masaya ako sa aking pag-unlad.
Isang araw habang umuulan, gusto ni Lincoln na gumawa ng ilang brownies. Tinipon niya ang mga sangkap at hinalo ang batter. Habang minamasdan ko siya, napuspos ng pagmamalaki ang puso ko. Puno ng pasasalamat ang puso ko na bumuti na ang aming relasyon at lumago ang tiwala namin sa loob lamang ng dalawang linggo.
Sa sandaling iyon, tahimik akong nagdasal: “Diyos ko, tama ba ang ginagawa ko? Ito nga ba ang dapat kong gawin?”
Isang Katok sa Pintuan
Nang itanong ko sa Diyos ang bagay na iyon, nakarinig ako ng katok sa pintuan. Dumungaw ako sa bintana at nakita ko ang dalawang missionary na nakatayo sa ulan. Nakilala ko sila na mga tao na naglilibot at nangangaral tungkol sa Diyos, kaya pinapasok ko sila. Noon ko nalaman na kasama ko ang Diyos. Alam ko na binabantayan Niya ako.
Sinabi sa akin ng mga missionary ang tungkol sa Aklat ni Mormon at inanyayahan akong magsimba. Nagsimba ako linggu-linggo pagkatapos niyon. Pero hindi ako sigurado kung saan sisimulang basahin ang Aklat ni Mormon. Dapat ba akong magsimula sa harap, sa likod, o sa ilang pahina sa bandang gitna? Nang tanungin ko ang mga missionary kung ano ang dapat kong gawin, inanyayahan nila akong basahin ang “Ang Patotoo ng Propetang si Joseph Smith” sa bandang harap ng aklat at manalangin.
Isang gabi habang nakahiga ako sa kama sa isang madilim na silid, dinampot ko ang aking Aklat ni Mormon at nagdasal ako. Tinanong ko ang Ama sa Langit kung totoo ang natututuhan ko noon at kung tutulungan Niya akong malaman na totoo iyon.
Sinimulan kong basahin ang patotoo ni Joseph Smith at buklatin ang pahina. Nagsimulang magliwanag nang magliwanag ang mga pahina. Biglang naging napakaliwanag ng mga ito kaya kinailangan kong pumikit. Sa ilalim ng talukap ng aking mga mata, nakita ko ang estatuwang Christus—isang silhouette ni Jesucristo na nakaunat ang Kanyang mga bisig.
Agad kong nalaman na ang Aklat ni Mormon ay totoo. Hindi ito maikakaila. Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay totoo rin.
Nagpasiya akong hindi na muling tumalikod sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Pagkaraan ng ilang buwan, nabinyagan ako. Pinaligiran ako ng aking mga kaibigan, kapamilya, at ward para suportahan ako. Ito ang pinakamasayang panahon sa buhay ko. Nag-uumapaw sa tuwa ang puso ko.
“Tinulungan ako ng Ama sa Langit na magkaroon ng mas mabuti at mas may-tiwalang mga relasyon sa iba—lalo na sa anak kong si Lincoln,” sabi ni Cassidy.
Nang humingi ako ng tulong sa Ama sa Langit, inalis Niya ang lahat ng aking pasakit—ang depresyon, pagkabalisa, at kadiliman—at binigyan ako ng lakas na madaig ang aking adiksyon. Tinulungan Niya akong lumikha ng mas maganda at mas may-tiwalang mga relasyon sa iba—lalo na sa aking anak.
Kapag “[isinuot] ninyo ang baluti ng kabutihan,” maaari ninyong “iwagwag ang mga tanikalang gumagapos sa inyo … at bumangon mula sa alabok” (2 Nephi 1:23). Kung naghahangad ka ng pagbabago sa iyong buhay, tutulungan ka ng Diyos. Kung hihingi ka ng tulong sa Kanya na gumawa ng mabubuting pasiya, pagpapalain Ka Niya. Ang pagmamahal ng Ama sa Langit ay nagbigay sa akin ng lakas na madaig ang aking adiksyon, magsisi, at maging bagong nilalang (tingnan sa 2 Corinto 5:17).