“Propesiya at Pagtitiyaga: 100 Taon ng Simbahan sa South America,” Liahona, Dis. 2025.
Propesiya at Pagtitiyaga: 100 Taon ng Simbahan sa South America
“Tulad ng isang oak na dahan-dahang lumalaki mula sa isang acorn,” ang Simbahan sa South America ay patuloy at lubos na lumago sa nakalipas na 100 taon.
Inilaan ni Elder Melvin J. Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol (gitna) ang South America para sa pangangaral ng ebanghelyo noong Disyembre 1925. Kuha ang larawang ito sa lugar ng paglalaan sa Buenos Aires, Argentina, mga anim na buwan kalaunan.
Kaliwa pakanan: ang mission president na si Reinhold Stoof at ang kanyang asawang si Ella; Elder Ballard; Elder Rey L. Pratt ng Pitumpu; ang missionary na si J. Vernon Sharp.
“Gusto kong sabihin sa inyo sa harap ng Panginoon, na ang nalalaman ninyo hinggil sa tadhana ng Simbahang ito ay katulad lamang ng nalalaman ng isang sanggol na nasa kandungan ng kanyang ina,” ang matapang na pahayag ni Propetang Joseph Smith sa isang pagtitipon ng mga maytaglay ng priesthood sa Kirtland, Ohio, noong tagsibol ng 1834. “Hindi ninyo ito nauunawaan.”
Nagsisiksikan sa isang maliit na bahay na yari sa troso, nakinig nang mabuti ang mga tao nang detalyadong ipaalam ng Propeta ang paglago ng ipinanumbalik na Simbahan ni Cristo sa hinaharap.
“Kakaunti lamang ang nakikita ninyo ritong mga priesthood ngayong gabi,” paliwanag ni Joseph, “ngunit pupunuin ng Simbahang ito ang Hilaga at Timog Amerika—pupunuin nito ang buong mundo.”
Para sa mga dumalo, ang mga salita ng Propeta ay tila halos hindi mawari. Noon lang nila naisip na balang-araw ay maaaring saklawin ng Simbahan ang kabuuan ng isang kontinente na kasinglayo at kasinglawak ng South America.
Ang Unang Pagtatangka
Kabilang sa mga kasama roon ng Propeta noong araw na iyon ng 1834 si Apostol Parley P. Pratt. Noong huling bahagi ng 1851, sinimulan nila ng kanyang nagdadalang-taong asawa na si Phoebe, at ng missionary companion na si Rufus C. Allen, ang isang ambisyosong misyon. Sa hangarin na makitang natupad ang pangako ni Propetang Joseph, pumunta ang grupo sa Valparaíso, Chile, para simulan ang pangangaral ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo sa South America.
Ang kumplikadong sitwasyon sa ekonomiya at pulitika sa panahong iyon, pati na ang hindi pagkasalin ng Aklat ni Mormon sa Spanish, ay nagpahirap sa gawaing misyonero. Bukod pa rito, hindi nagtagal pagkarating nila ay namatay ang bagong silang na anak ng mga Pratt na si Omner, na isinilang sa Chile. Pagkaraan lamang ng ilang buwan, naisip ni Parley na hindi tama ang sandaling iyon para itatag ang Simbahan sa South America. Ngunit patuloy siyang naniniwala na balang-araw ay maisasakatuparan ang lahat ng salita ng Panginoon.
Isang Panalangin at Isang Pambihirang Propesiya
Bagama’t hindi bumalik kailanman si Parley sa South America, mahalaga ang naging papel ng kanyang apong si Rey L. Pratt sa pagtatatag ng Simbahan doon. Sinamahan niya at ni Rulon S. Wells si Elder Melvin J. Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol sa Argentina noong 1925 para magbukas ng isang mission. Ilang taon bago ang pangyayaring iyon, nanirahan ang mga miyembro mula sa Germany sa abalang lungsod ng Buenos Aires at sinimulang turuan ang kanilang mga kaibigan at kapitbahay.
Sa loob ng isang linggo mula nang dumating si Elder Ballard at ang kanyang mga kasama sa lungsod, bininyagan nila ang mga unang convert sa kontinente. Pagkatapos, maagang-maaga noong araw ng Pasko, nagtipon sila sa ilalim ng mga puno ng willow sa isang parke. Sa tagubilin ni Heber J. Grant, ang Pangulo ng Simbahan, at sa pamamagitan ng awtoridad ng isang apostol na taglay niya, nag-alay ng panalangin si Elder Ballard upang ilaan ang South America para sa pangangaral ng ebanghelyo.
“Ipinipihit ko ang susi at binubuksan ko ang pinto para sa pangangaral ng ebanghelyo sa lahat ng bansang ito ng South America,” pagdarasal niya, “at sinasaway, at inuutusan ko na tumigil ang bawat kapangyarihang sasalungat sa pangangaral ng ebanghelyo sa mga lupaing ito.”
Gayunman, nahirapan silang maghanap ng mas maraming taong interesado sa kanilang mensahe. Napakaraming oras ang ginugol ng mga missionary sa pakikipag-usap sa mga tao sa mga lansangan at sa libu-libong pagbabahay-bahay, na umaasang mapapansin ang kanilang mga pulong.
Dahil limitado lang ang naging tagumpay, sumambit si Elder Ballard ng isang pambihirang propesiya tungkol sa kinabukasan ng Simbahan sa South America bago siya umuwi. Sa kakaunting Banal nagpatotoo siya na “ang gawain [ay] dahan-dahang lalago sa paglipas ng panahon, tulad ng isang oak na dahan-dahang lumalaki mula sa isang acorn.” Ngunit hindi tulad ng isang sunflower na sumisibol sa loob ng isang araw, “mabilis lumaki at pagkatapos ay namamatay,” ang ebanghelyo ay unti-unting lalaganap. “Libu-libo ang sasapi [rito],” pagbigkas niya. “Ang gawain dito ay hindi na kailanman magiging ganito kaliit muli.” Sinabi pa ni Elder Ballard na ang mission “ay mahahati sa mahigit sa isang mission at magiging isa sa pinakamalakas sa Simbahan.”
Pangangaral ng Ebanghelyo sa Maraming Bahagi ng Mundo
Sa panahong iyon, ang pahayag ni Elder Ballard tungkol sa tadhana ng Simbahan sa South America ay tila halos hindi kapani-paniwala tulad ng propesiya ni Joseph Smith na ipinahayag ilang dekada na ang nakararaan. Gayunman, tulad ng ipinropesiya ni Elder Ballard 100 taon na ang nakararaan, ang Simbahan sa paglipas ng mga dekada ay lumaganap na sa kontinente sa panahon ng Panginoon.
Mula sa Argentina, ang mga missionary kalaunan ay tumawid papunta sa kalapit na mga bansa ng Brazil, Chile, at Uruguay. Mula roon lumawak ang gawain sa iba pang mga bansa. Sa mga lugar na tulad ng Guyana, Paraguay, at Venezuela, ang mga Banal sa mga Huling Araw mula sa ibang mga bansa ay naging kasangkapan sa pagpapakilala ng relihiyon. Sa iba pang mga lugar, nakarating ang mensahe ng ipinanumbalik na ebanghelyo ilang taon bago pa man dumating ang mga miyembro o missionary.
Gayon ang nangyari sa pamilya Fandiño, na nakatira sa baybayin ng Caribbean sa Ciénaga, Colombia. Isang araw habang nasa palengke sa lugar, natagpuan at binili ni Margarita Fandiño ang isang gamit na kopya ng Aklat ni Mormon. Tinatanggap na isa itong banal na kasulatan, binasa at kinulayan ng pamilya ang makabuluhang mga talata hanggang sa ibahagi ng anak ni Margarita na si Kellys ang aklat sa kanyang youth Bible study group sa lugar. Laking gulat niya nang agawin ng pastor ang Aklat ni Mormon at sinunog ito. Ilang taon lamang ang lilipas at ang mga missionary ay pupunta sa lungsod ng Ciénaga at tuturuan si Margarita at ang kanyang pamilya tungkol sa pinakamamahal nilang aklat at sa Pagpapanumbalik.
Sa kabilang dulo naman ng kontinente, sa pinakatimog ng mundo sa lungsod ng Ushuaia, Argentina, natuon ang pansin ni Amanda Robledo at ng kanyang asawang si Ricardo sa pangako na mga walang-hanggang pamilya. Kasunod ng pagkamatay ng kanyang ina, bumisita si Amanda sa iba’t ibang relihiyon, na umaasa na mapapagaling ng mga turo ni Jesucristo ang kanyang kalungkutan. Nang matagpuan ng mga missionary ang mag-asawa kalaunan at ituro sa kanila na ang mga pamilya ay maaaring mabuklod nang sama-sama, nadama ni Ricardo ang Banal na Espiritu at nagpabinyag siya. Naantig din si Amanda ngunit nanatiling hindi sigurado dahil sa mga usap-usapang narinig niya. Kalaunan, ang pagmamahal niya sa kanyang pamilya at hangaring makasama sila magpakailanman ay nakakumbinsi sa kanya na sumapi sa Simbahan at mabigkis sa kanila sa pamamagitan ng mga ordenansa sa templo.
Mga Sakripisyo para sa mga Pagpapala ng Templo
Kahit lumaganap ang ipinanumbalik na ebanghelyo sa buong kontinente, nahirapan ang karamihan sa mga miyembro na matamo ang mga pagpapala ng bahay ng Panginoon sa South America. Hanggang sa matapos ang São Paulo Brazil Temple noong 1978, ang mga tao lamang na kayang maglakbay papunta sa Estados Unidos o Europa ang nagkaroon ng pribilehiyong gumawa ng mga walang-hanggang tipan at makilahok sa gawain ng ordenansa para sa iba. Nag-ambag ang mga Banal sa buong South America sa pagtatayo ng templo sa pamamagitan ng pagtulong sa pagtatayo nito, pagbebenta ng mahahalagang bagay, at pagbibigay ng kanilang mga naipong pera.
Hindi nagtagal matapos mailaan ang templo, nagbiyahe sina Efraín at Maria Ondina Rodríguez mula sa Arequipa, Peru, papuntang São Paulo. Dahil sa mga problema sa mga hangganan ng ibang bansa at pagsisimula ng rebolusyon, halos isang buwan silang nagbiyahe. Sa kabila ng naranasang maraming hirap, sa pamamagitan ng pananampalataya at determinasyon ay nabuklod sila bilang mag-asawa sa kawalang-hanggan. Para sa iba, ang pagdalo sa templo ay nangailangan ng pagtawid sa nagngangalit na mga ilog at sa matataas na bundok ng Andes para mabuklod magpakailanman bilang mga pamilya.
Ang pagbiyahe papunta sa bahay ng Panginoon ay nangailangan din ng malalaking sakripisyo para sa mga Banal sa mga Huling Araw sa Brazil. Ang Manaus, na nasa mga pampang ng Amazon River, ay isang linggong pagbiyahe mula sa São Paulo. Ang pagpunta sa templo ay magastos at mahabang pagbiyahe sa kagubatan sakay ng barko sa loob ng tatlo o apat na araw at pagkatapos ay tatlong araw pa na sakay ng bus. Habang daan, ang mga Banal mula sa Manaus ay kinulang sa pagkain at tubig, nasiraan ng mga sasakyan, at ninawakan pa, mga balakid na nalampasan lamang sa pamamagitan ng mga himala at tulong mula sa mga kapwa miyembro. Para sa mga taong nakarating sa kanilang destinasyon, nahigitan ng espirituwal na kapayapaang nadama nila ang anumang matitinding hirap.
Nang lalo pang naging available ang mga sagradong tipan sa templo, ang mga karanasang ito at ang iba pa ay naging saganang pamana ng pananampalataya para sa lahat ng Banal sa South America.
Paglago ng Kaharian
Ang mga propesiya tungkol sa Simbahan sa South America ay natutupad na sa ating harapan. Ang kaharian ay talagang lumaganap na sa buong kontinente tulad ng nakinita ni Propetang Joseph Smith. Mahigit apat na milyong miyembro ang nakatira sa South America, at matatagpuan ang mga kongregasyon sa bawat bansa roon. Ngayon ay mayroon nang mahigit 30 templong gumagana, at marami pang ibinalita o itinatayo.
Ang binhing itinanim ni Elder Melvin J. Ballard isang siglo na ang nakararaan ay talagang nagbunga. Ang South America Mission na ipinropesiya niyang mahahati balang-araw ay naging mahigit nang 100 na magkakahiwalay na mission. Tulad ng isang puno ng oak na nakabaon nang malalim ang mga ugat, ang Simbahan sa South America ay may matibay na puno ngayon na magbibigay-daan para lumawak pa ang mga sanga nito. Ang paggunita sa nakalipas na 100 taon sa South America ay nagpapakita kung paano patuloy na tinutupad ng Ama sa Langit ang mga pangakong Kanyang ginawa sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta.