“Ang Plano ng Diyos para sa Walang-Hanggang Pamilya,” Liahona, Dis. 2025.
Ang Plano ng Diyos para sa Walang-Hanggang Pamilya
Ang mga pamilyang tumatanggap sa plano ng Diyos, nagmamahal na tulad ng pagmamahal ng Tagapagligtas, at iginagalang ang kanilang mga tipan ay magmamana balang-araw ng “mga pagpapala ng buhay na walang hanggan at ganap na kagalakan.”
Nang malapit nang matapos ang aking full-time mission, natuwa ako nang ako ay ma-endow at mabuklod sa aking mga magulang sa São Paulo Brazil Temple.
Ang aking mga magulang na sina Aparecido at Mercedes ay nagmula sa magkaibang relihiyon, ngunit ang mga karanasan nila sa buhay ay naghanda sa kanila na tanggapin ang ipinanumbalik na ebanghelyo.
Lumaki ang tatay ko sa isang mabuti pero hindi relihiyosong pamilya. Gayunpaman, naging interesado siya sa relihiyon noong binatilyo siya. Binasa niya ang Biblia, dumalo siya sa mga klase sa Biblia, at pinag-aralan niya ang buhay ni Jesucristo. Dahil sa kanyang mga pag-aaral, nagkaroon siya ng malaking interes kapwa sa ebanghelyo ng Tagapagligtas at sa pamilya, at nagkaroon siya ng hangaring makasal sa isang taong gayon din ang nasa isipan.
Sa kabilang dako, ang nanay ko ay nagmula sa isang masyadong relihiyosong pamilya. Tinanggap nila ang mga alituntunin ng ebanghelyo, dumalo sa mga serbisyo ng simbahan, at tapat na sinunod ang kanilang relihiyon. Habang lumalaki ako sa kapaligarang iyon, ang nanay ko ay naging ang uri ng tao na hindi kailanman kaliligtaang magsimba.
Kaya nga, matapos ikasal ang aking mga magulang at ipanganak kami ng tatlong kapatid kong lalaki, ginawa nila ang lahat para palakihin kami ayon sa kanilang kaalaman tungkol sa mga alituntunin ng ebanghelyo. Isang araw sinabi ng tita ko, na di-aktibong miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, sa tatay ko, “Apat na lalaki ang anak mo, kapatid. Kung talagang gusto mong magpalaki ng isang pamilyang nakasentro kay Cristo at mapasainyong pamilya ang Diyos, kailangan ninyong magsimba sa amin.”
Narinig ng tatay ko ang sinabi niya, pero wala siyang ginawa hanggang sa araw na magbahay-bahay ang mga full-time missionary sa aming lugar, kumatok sa aming pintuan, at sinimulan kaming turuan. Agad niyang natanto na kinatawan sila ng simbahan na sinabi sa kanya ng tita ko na siyasatin niya.
Liwanag at Katotohanan
Ang isa sa mga bagay na unang naging interesado ang aking mga magulang sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ay ang pagpapahalaga ng Simbahan sa pamilya at ang turo na “malaking bahagi ng gawain ng kaligtasan at kadakilaan ng Diyos ay naisasagawa sa pamamagitan ng pamilya.” Bago sila nabinyagan, hangang-hanga ang mga magulang ko sa natututuhan nila kaya inanyayahan nila ang mga kapitbahay na sumama sa kanila sa mga missionary lesson.
Ang isa sa mga bagay na unang naging interesado ang mga magulang ko sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ay ang pagpapahalaga ng Simbahan sa pamilya.
Habang nakikipagkita sila sa mga missionary, at patuloy nilang pinag-aaralan ang ebanghelyo pagkatapos ng kanilang binyag, natuto ang mga magulang ko ng mga paraan “[upang] palakihin ang [kanilang] mga anak sa liwanag at katotohanan” at kung paano espirituwal na “isasaayos [ang kanilang] sambahayan” (Doktrina at mga Tipan 93:40, 43).
Nalaman nila na “ang mag-anak ang sentro ng plano ng Tagapaglikha para sa walang hanggang tadhana ng Kanyang mga anak” at na “ang kaligayahan sa buhay ng mag-anak ay lalong higit na makakamit kapag isinalig sa mga turo ng Panginoong Jesucristo.”
Natutuhan nila na ang “mga matagumpay na buhay mag-asawa at mag-anak ay itinatatag at pinananatili sa mga alituntunin ng pananampalataya, panalangin, pagsisisi, pagpapatawad, paggalang, pagmamahalan, awa, gawa, at kapaki-pakinabang na mga gawaing panlibangan.”
Natutuhan nila na ang mga pamilya ay maaaring maging walang hanggan at na “yaon ding [pakikipagkapwa] na umiiral sa atin dito ang iiral sa atin doon sa kawalang-hanggan, lamang ito ay may kakabit na walang hanggang kaluwalhatian” (Doktrina at mga Tipan 130:2).
Natutuhan nila na “ang pinakalayunin ng bawat pagtuturo, bawat aktibidad sa Simbahan ay tiyaking ang mga magulang at kanilang mga anak ay masaya sa tahanan, ibinuklod sa walang-hanggang kasal, at nakaugnay sa kanilang mga henerasyon.”
Sa kaalamang iyan, ninais nilang mabuklod bilang isang walang-hanggang pamilya.
Isang Matang Nakatuon sa Kawalang-Hanggan
Matapos mabinyagan ang mga magulang ko, isinagawa nila ang kanilang natutuhan, at mula sa pagkatuon sa mundo sila ay natuon sa kaharian ng ebanghelyo. Sinikap nilang pagkaisahin ang aming pamilya sa pamamagitan ng pagkakaroon ng home evening at pag-aaral ng mga banal na kasulatan ng pamilya, tapat na pagdalo sa mga miting ng Simbahan, at paggawa ng family history. Sa mga pagsisikap na iyon tungo sa pagkakaisa, umasa silang makalikha ng isang pamilyang nakasentro sa plano ng kaligtasan na ang isang mata ay nakatuon sa kawalang-hanggan.
Noong 1965, ang taon na nabinyagan ang mga magulang ko, ang pinakamalapit na templo sa São Paulo, Brazil, ay nasa Mesa, Arizona, halos 6,000 milya (9,650 km) ang layo. Napakagastos ng pamasahe para makapuntan ang aming pamilya, kaya kinailangang maghintay ng mga magulang ko hanggang sa ilaan ang São Paulo Brazil Temple noong 1978 bago nila natanggap ang kanilang mga ordenansa sa templo at mabuklod. Noong panahong iyon, nasa misyon ako sa Rio de Janeiro.
Mga dalawang buwan bago natapos ang aking misyon noong Pebrero 1980, pinayagan kaming magkompanyon ng aking mission president na magbiyahe nang magdamag kasama ang mga miyembro ng stake mula sa Rio de Janeiro papunta sa templo sa São Paulo para ma-endow ako at mabuklod sa aking mga magulang. Tulad ng aking mga magulang, naghintay ako nang maraming taon para sa mga ipinangakong pagpapala ng mga ordenansa at tipan sa templo.
Binago ng karanasang iyon ang aking pananaw tungkol sa hinaharap at binigyan ako ng unang sulyap sa katotohanan ng mga sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson kamakailan: “Ang paggugol ng oras sa templo ay tutulong sa inyo na mag-isip nang selestiyal at maunawaan kung sino talaga kayo, ano ang maaari ninyong kahinatnan, at ano ang uri ng magiging buhay ninyo magpakailanman.”
Ang maikling panahon ko sa templo sa okasyong iyon ay labis na nakaimpluwensya sa nalalabi kong paglilingkod bilang missionary. Sa bagong pananaw na iyon, ang pagpapatotoo tungkol sa templo at sa kahalagahan ng plano ng Diyos para sa mga pamilya ay nagkaroon din ng walang-hanggang epekto sa buhay ko.
Nang ikasal kami ng asawa kong si Rosana dalawang taon pagkatapos ng aking misyon, nabuklod kami sa templo na may pananaw tungkol sa pagpapalaki sa sarili naming walang-hanggang pamilya. Para magawa ito, nagtulungan kaming lumikha ng mga tradisyon ng pamilya tulad ng mga itinuro sa amin ng aming mga magulang, na lahat ay nakatuon sa Tagapagligtas, sa Kanyang mga turo, at sa mga turo ng Kanyang mga makabagong propeta.
Ngayon ay pinalalaki ng aming mga anak ang kanilang mga anak na may gayon ding mga alituntunin ng kaligayahan ng ebanghelyo. Para sa amin, ang pamilya ang lahat-lahat dahil nauunawaan namin na ang pamilya ang sentro sa plano ng Diyos.
Bilang General Authority, napagpala akong ibuklod ang tatlo kong anak sa kanilang mga asawa sa templo. Ang pagtingin sa kanilang mga mata nang sandaling lumuhod sila sa altar sa templo ay isang magandang karanasan. Nakikita ko na ang aking mga inapo ay pinagpapala ng mga alituntunin ding iyon ng ebanghelyo na itinuro sa akin ng aking mga magulang at itinuro namin ni Rosana sa kanila. Nakikita ko na magtutuluy-tuloy ang mga pagpapalang iyon sa darating na mga henerasyon. At naalala ko kung sino ang dahilan kaya posible ang lahat ng iyon.
Isang Paalala sa Pasko
Ang pamilya ang sentro sa plano ng kaligayahan ng Diyos, pero kung wala ang Tagapagligtas na si Jesucristo, hindi magiging posible ang planong iyan. Ang Kanyang Pagbabayad-sala at ang mga ordenansa at tipan na matatagpuan sa Kanyang ebanghelyo ay ginagawang posible ang pangako ng kadakilaan.
Sinabi ni Pangulong Nelson: “Ang kadakilaan ay responsibilidad ng buong pamilya. Sa pamamagitan lamang ng nakapagliligtas na mga ordenansa ng ebanghelyo ni Jesucristo mapapadakila ang mga pamilya. Ang pinakadakilang layuning pinagsusumikapan natin ay ang maging masaya tayo bilang pamilya—tumanggap ng endowment, mabuklod, at handa para sa buhay na walang hanggan sa piling ng Diyos.”
Kapag bumibisita ako sa mga lugar na hindi ko pa nakita noon, sinisikap kong maghanap ng maliit na tagpo ng Pagsilang ni Jesucristo na nagpapaalala sa amin ni Rosana tungkol sa Tagapagligtas. Pinalalaki ko nang husto ang koleksyon ko.
Habang pinagninilayan ang abang mga tagpong iyon ng Pagsilang ni Jesucristo, minsa’y pinagnilayan naming mag-asawa, “Ano ba talaga ang pinakamahalaga sa buhay natin?” Ang sagot, siyempre, ay ang Tagapagligtas, ang Kanyang ebanghelyo, at ang aming pamilya. Para maipaalala sa amin ang pagmamahal ng ating Ama sa Langit para sa atin at na sa pamamagitan ng Tagapagligtas nagiging posible ang pangako ng mga walang-hanggang pamilya, bago sumapit ang Pasko ilang taon pa lamang ang nakararaan ay inilagay namin ang lahat ng Nativity namin sa dalawang malalaking istante sa aming tahanan—at iniwan ang mga ito roon sa halip na itago ang mga iyon pagkatapos ng Kapaskuhan. Ang tradisyong iyan ay tumutulong sa amin na mapanatili ang diwa ng Pasko sa aming tahanan sa buong taon.
Araw-araw habang tinitingnan namin ang mga tagpong iyon ng Pagsilang ni Cristo, magiliw na ipinapaalala nito sa atin ang mahalagang tungkulin ng Tagapagligtas sa ating buhay. Ipinapaalala ng mga ito sa amin na ang kapayapaan sa mundo ngayon (tingnan sa Lucas 2:14) at ang walang-hanggang kaligayahan sa susunod na mundo ay nakasalalay sa Tagapagligtas at sa pagtupad sa mga tipang ginawa natin sa Kanya. At ipinapaalala ng mga ito sa amin “na siya ay pumarito sa daigdig, maging si Jesus, upang ipako sa krus dahil sa sanlibutan, upang dalhin ang mga kasalanan ng sanlibutan, at upang pabanalin ang sanlibutan at linisin ito mula sa lahat ng kasamaan;
“Na sa pamamagitan niya ang lahat ay maliligtas na siyang inilagay ng Ama sa kanyang kapangyarihan at nilalang sa pamamagitan niya” (Doktrina at mga Tipan 76:41–42).
Tulad ng natutuhan namin ang mga katotohanang ito mula sa aming mga magulang, pinagtulungan namin ni Rosana na ipasa ang mga ito sa aming mga anak. Ngayon ay itinuturo ng aming mga anak ang mga katotohanan ding ito sa kanilang mga anak. Ang mga binhing itinanim sa puso ng mga magulang ko 60 taon na ang nakararaan sa aming munting tahanan sa Brazil ay namukadkad at nagbunga “na pinakamahalaga, na pinakamatamis sa lahat ng matamis, at pinakamaputi sa lahat ng maputi, oo, at pinakadalisay sa lahat ng dalisay” (Alma 32:42).
Pinatototohanan ko na ang mga tumatanggap sa plano ng Diyos para sa mga pamilya, nagmamahal na tulad ng pagmamahal ng Tagapagligtas, at tumutupad sa kanilang mga tipan ay magmamana balang-araw ng “mga pagpapala ng buhay na walang hanggan at ganap na kagalakan” sa piling ng kanilang mga mahal sa buhay at ng Ama at ng Anak.