Digital Lamang
Ipinanumbalik ang mga Sagradong Susi sa Kirtland Temple
Alamin ang tungkol sa isa sa mga pinakamasaya at nakaaantig na araw ng Pagpapanumbalik.
Mula sa isang mensahe sa isang grupo ng mga historian o mananalaysay malapit sa Kirtland, Ohio, USA, noong Hunyo 13, 2024.
Maraming tao ang nakaranas ng mga himala sa Kirtland Temple nang ilaan ito noong Marso 27, 1836. Ang ilan ay nakakita ng mga anghel, ang iba pa ay inilarawan ang mga haligi ng liwanag mula sa kalangitan, at ang ilan ay nagkaroon ng mga pangitain tungkol sa Tagapagligtas.
Ngunit para sa akin, pagsama-samahin man ang lahat ng ito ay hindi makapapantay sa walang hanggang kahalagahan ng nangyari doon noong Abril 3, 1836. Walang akong maisip na isang araw sa patuloy na Pagpapanumbalik na mas marami ang ipinanumbalik.
Mga Susi ng Priesthood
Ang priesthood ay ang awtoridad at kapangyarihan ng Diyos. Siya ay nagkakaloob ng awtoridad at kapangyarihan sa Kanyang mga anak na lalaki at babae na kumilos sa Kanyang pangalan para sa kaligtasan ng Kanyang mga anak. Ang mga susi ng priesthood ay ang awtoridad na pamahalaan kung paano, kailan, at saan ginagamit ang priesthood.
Bago sumapit ang Abril 3, 1836, nagpadala ang Tagapagligtas ng mga sugo mula sa langit upang ipanumbalik ang priesthood at ang ilang susi, upang maitatag ni Joseph ang Simbahan, iorganisa ang mga katungkulan sa priesthood, at magsagawa ng iba pang mga gawain (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20). Gayunpaman hindi pa natatanggap noon ni Joseph ang lahat ng kinakailangang mga susi.
Noong Abril 3, 1836—Linggo ng Pagkabuhay—sina Joseph Smith at Oliver Cowdery ay nagpunta sa Kirtland Temple at taimtim na nanalangin. Hindi namin alam kung ano ang ipinagdasal nila, pero alam namin na nasagot ang kanilang mga panalangin.
Nakita nila si Jesucristo na nagpakilala ng Kanyang sarili at nagsabing, “Ang inyong mga kasalanan ay pinatatawad na sa inyo” (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 110:1–5).
Ang pahayag ng Tagapagligtas ay tumutulong sa amin na maunawaan na bahagi ng taimtim na panalangin nina Joseph at Oliver ang paghingi ng kapatawaran. Bilang tugon sa kanilang pagsamo, pinatawad sila ni Jesus. Siya na walang kasalanan. Sa sandaling iyon, sila ay walang kasalanan. At ang templo ay inilaan, tinanggap, at pinabanal. Lahat ng bagay ay handa na para sa kung ano ang mangyayari.
Matapos ang pangitain tungkol sa Tagapagligtas, dumating ang mga sugo ng langit upang ipanumbalik ang mga sagradong susi ng priesthood. Mahalagang maunawaan na ang ipinanumbalik na mga susing ito ay magkakahiwalay at magkakatugma.
Ang mga Susi ng Pagtitipon ng Israel
Una, ipinanumbalik ni Moises ang mga susi ng priesthood para sa pagtitipon ng Israel (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 110:11). Noong sinaunang panahon, dahil sa pagsuway, ang pinagtipanang mga tao ng Diyos, ang sambahayan ni Israel, ay ikinalat. Ngunit nangako ang Diyos na sila ay muli Niyang titipunin. Sa pagpapanumbalik ng Kanyang Simbahan at ebanghelyo, sinimulang tuparin ng Panginoon ang pangakong ito.
Sa pamamagitan ng mga susi ng pagtitipon, maaari na ngayong “[buksan ng mga apostol ang] pintuan ng kaharian sa lahat ng lugar,” maipapangaral ang ebanghelyo sa buong mundo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 112:17), at ang mga anak ng Diyos ay matitipon sa Kanya.
Hinggil sa pagtitipon ng Israel, itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, “Wala nang ibang nangyayari sa daigdig na ito ngayon na mas mahalaga. … Wala talaga.”
Ang Dispensasyon ng Ebanghelyo ni Abraham
Kasunod nito, ipinanumbalik ni Elias “ang dispensasyon ng ebanghelyo ni Abraham” (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 110:12). Kadalasan, ginagamit namin ang salitang dispensasyon para tukuyin ang isang panahon, tulad ng “dispensasyon ng kaganapan ng panahon.” Ngunit maaari din itong mangahulugang pambihirang pahintulot o pribilehiyo. Sa pamamagitan ng tipan, naniniwala kami na ipinangako ng Diyos kay Abraham ang lahat ng mayroon Siya. Talagang pambihirang pribilehiyo! Sa Kirtland Temple, ang espesyal na dispensasyong ito at ang awtoridad na ibahagi ito ay ipinanumbalik kay Joseph Smith.
Pagbaling ng mga Puso at ang Kapangyarihang Magbuklod
Pagkatapos ay nagpakita si Elijah, at ipinahayag ang katuparan ng propesiya ni Malakias na ang mga puso ng mga anak ay babaling sa kanilang mga ama (tingnan sa Malakias 4:5–6). Narinig ni Joseph ang tungkol dito mula kay Moroni noong siya ay 17 taong gulang (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 2:1–2). Ipinanumbalik ni Elijah ang “mga susi ng dispensasyong ito,” o ang kapangyarihang magbuklod (Doktrina at mga Tipan 110:13–16).
Ang pagpapanumbalik ng mga susing ito ni Elijah ay nangangahulugan ng dalawang bagay. Una, ang anumang talian sa lupa ay tatalian sa langit (tingnan sa Mateo 16:19). Bawat mahalagang ordenansang natatanggap natin at bawat tipang pinapasok natin sa pamamagitan ng priesthood sa buhay na ito ay kikilalanin sa kabilang-buhay. Pangalawa, simula sa mag-asawa hanggang sa mga ugat (mga ninuno) at mga sanga (mga inapo) ng magkabilang partido, ang mga pamilya ay itinatali o ibinubuklod magpakailanman sa walang hanggang tipan.
Nakikita ba ninyo kung paano nagkakaugnay ang lahat ng mga susing ito? Ganito ito ibinuod ni Pangulong Nelson: “Ang mga susing ito ang nagbigay ng awtoridad kay Joseph Smith—at sa lahat ng sumunod na mga Pangulo ng Simbahan ng Panginoon—na tipunin ang Israel sa magkabilang panig ng tabing, na pagpalain ang lahat ng pinagtipanang anak ng mga pagpapala ni Abraham, na maglagay ng nagpapatibay na tatak sa mga ordenansa at tipan ng priesthood, at magbuklod ng mga pamilya sa kawalang-hanggan. Ang kapangyarihan ng mga susi ng priesthood na ito ay walang hanggan at kamangha-mangha.”
At iyan ang dahilan kung bakit napakahalaga ng mga pangyayari sa Kirtland Temple. Karamihan sa ginagawa namin sa Simbahan na walang hanggan ang kahalagahan ay ginagawa sa ilalim ng awtoridad ng mga susi na ipinanumbalik noong Abril 3, 1836, sa Kirtland Temple. Ang priesthood at ang mga susing iyon ay mas mahalaga kaysa lokasyon o gusali, ngunit ang Kirtland Temple ay nagbigay ng napakagandang paalala tungkol sa pakikipag-ugnayan ng Diyos sa Kanyang mga tao. Ito ay sagradong katibayan ng pinakadakilang Pagpapanumbalik.