Mga Unggoy at Mga Himala ng Missionary
Nagsimula ang lahat nang maliit.
Paglalarawan ni Dominico Russo
May isang 89-anyos na babae sa aking ward. Masasabi mong parang lola siya ng ward. Kaya ang tawag ng lahat sa kanya ay Lola.
Isang araw sinabi niya sa akin na ang mga unggoy ay pumupunta sa kanyang hardin at kinakain ang lahat ng kanyang masarap na prutas dahil bumagsak ang kanyang lambat. Sa aming lugar sa South Africa mayroong mga unggoy sa lahat ng dako, at talagang malaki ang epekto nito sa komunidad.
Isang Simpleng Solusyon
Sabi ko, “Lola, gusto ko po sanang sumama at tulungan kayo. Libre po ako ngayong Sabado. Wala naman po akong gagawin, kaya pupunta po ako at tutulungan ko kayo sa paglalagay ng net.”
Lola at Neo
Pagdating ko sa araw ng Sabado, matiyaga siyang nakaupo sa kanyang silya at naghihintay sa akin. Pumunta kami sa hardin, at tinulungan ko siyang ilagay ang net. Hindi ko alam kung paano ko iyon nagawa, dahil napakakumplikado, pero hanggang ngayon ay naroon pa rin ito.
Neo na may lambat para sa unggoy ni Lola
Para sa akin, tila hindi naman malaking bagay ang pagtulong kay Lola—wala akong ginagawa noong araw na iyon. Pero malaking bagay iyon para sa kanya. Itinuro nito sa akin na ang paglilingkod ay maaaring ang pinakamaliit na bagay para sa akin, pero para sa ibang tao, maaaring napakalaking bagay nito.
Si Neo at ang kanyang ina na si Nelly
Isang Munting Imbitasyon
Nagsimula rin ako sa maliit na bagay sa pagbabahagi ng ebanghelyo. Noong una, kinakabahan ako—talagang kabado—na ibahagi ang ebanghelyo sa mga kaibigan ko. Akala ko hindi interesado ang mga kaibigan ko sa simbahan. At ayaw ko lang silang madismaya kahit paano, o maasiwa sila dahil dito.
Si Neo at ang kaibigan niyang si Mangaliso
Pero para makapagsimula ako, binigyan ako ng nanay ko ng card mula sa mga missionary na may nakasulat na address ng meetinghouse. Ibinigay ko sa kaibigan ko ang card at sinabing, “Sama ka sa akin sa isang aktibidad ng kabataan. Napakaganda nito.” Pumunta siya sa aktibidad. Habang pauwi, tahimik lang siya sa buong daan. Nang sumunod na linggo ay nagtanong siya, “Pupunta ba tayo ulit?” Ang sabi ko, “Oh, gusto mo talagang pumunta?” Mula noon ay patuloy siyang pumupunta sa mga aktibidad, at kalaunan ay nagsimba.
Nang sabihin sa akin ng kaibigan ko na handa na siyang magpabinyag, naisip ko na, “Sige, bigyan mo lang ako ng isang segundo para iproseso iyon.” Pagkatapos ay inimbita niya ang isa pa naming kaibigan na magsimba, at kaming dalawa ang tumulong sa kanya. At badda boom, badda bam—ngayon dalawa na sa mga kaibigan ko ang nabinyagan! At nagsisikap kaming tatlo na tulungan ang isa pang kaibigan na magsimba at mabinyagan din.
Si Neo at ang kanyang mga kaibigan na sina Lucky at Mangaliso
Nakita ko ang pananampalataya ng mga kaibigan ko kay Jesucristo na talagang lumago. Sa tingin ko mas malaki ang pananampalataya nila kaysa sa akin kung minsan. Kapag nakikita kong sabay kaming nagpapasa ng sakramento, naiisip ko, “Napakaganda nito. Ito ang pinakamagandang regalo na maibibigay sa akin.” Nagsimula ang lahat sa munting kard na iyon at pagkatapos ay humantong sa pagkabinyag ng dalawang tao.
Ang paggawa ng kaibhan ay nagsisimula sa mumunting bagay. Ang pagtulong lang sa isang tao, kahit na ngumiti lang sa isang tao, ay malaking bagay na. Kapag natanto mo ang kaibhang nagagawa nito sa taong iyon, nais mong patuloy na maglingkod. “Sa pamamagitan ng maliliit at mga karaniwang bagay ay naisasakatuparan ang mga dakilang bagay” (Alma 37:6).
Ang awtor ay naninirahan sa KwaZulu-Natal, South Africa.