Isang Aral sa Pag-ibig ng Diyos
Pinahihintulutan tayo ng Ama sa Langit na makaranas ng mga hamon upang tayo ay maging mas malakas. Hindi ibig sabihin nito na hindi Niya tayo mahal.
Mga larawang kuha ni Niel Kabiling
Napakahalaga sa akin ng pag-aaral sa eskuwela. Nakakaramdam ako ng matinding pressure na makakuha ng matataas na marka, kaya ginagawa ko ang makakaya ko para gawin ito nang maayos. Pero kung minsan nabibigo ako.
Minsan, hindi ako nakapasok nang ilang araw dahil sumali ako sa isang art contest sa aming paaralan. Marami akong na-miss na lesson. Pagbalik ko, nahirapan akong maintindihan ang aming mga talakayan sa klase. Nagsimulang bumaba ang aking mga grado.
Nanghina ang loob ko nang hindi ko maintindihan ang mga lesson, at nagsimula akong magduda sa kahalagahan ng aking sarili. Pakiramdam ko ay hindi sapat ang galing ko dahil sa mabababang marka ko, at umiyak ako nang husto. Hindi ko alam kung ano ang gagawin.
Sa huli, nanalangin ako at hiniling sa Ama sa Langit na tulungan akong tanggapin at malampasan ang aking mga pagsubok.
Alam ng Diyos ang Aking mga Pakikibaka
Pagkatapos kong magdasal, nakatanggap ako ng text mula sa kaibigan kong si Shiella. “Uy, OK ka lang ba?” tanong nito. “Kumusta ka?”
Sinabi ko kay Shiella na nahihirapan ako. Nasa ibang paaralan siya, pero pareho kami ng grado, kaya pareho kami ng klase. Tinulungan niya akong maunawaan ang mga lesson na na-miss ko.
Alam ko na nakita ng Ama sa Langit na nasasaktan ako, at ipinadala Niya si Shiella para panatagin ako. Natanto ko na ginagamit ng Ama sa Langit ang ibang tao para ipakita na talagang may malasakit Siya sa atin.
Itinuro rin nito sa akin na hindi ko kailangang maging matagumpay sa lahat ng bagay. Kapag may mga hamon tayo, matutulungan tayo ng Ama sa Langit na maging mas malakas. Hindi ibig sabihin nito na hindi Niya tayo mahal. Natutunan ko na mas mabuting subukan ang isang bagay at mabigo kaysa wala akong gawin, dahil matututo ako sa kabiguan. Ngayon, masaya ako sa aking mga marka dahil tinulungan ako ng Ama sa Langit na malampasan ang pagsubok na iyon.
Isang Kasangkapan sa Kanyang mga Kamay
Tulad ko, maraming kabataan sa ward namin ang nahihirapan sa pag-aaral sa eskuwela. Ang ilan ay hindi aktibo dahil may mga group project sila o mga aktibidad sa paaralan na naka-iskedyul sa mga araw ng Linggo, o nagpupuyat sila sa paggawa ng homework at hindi nagsisimba para makapagpahinga sila.
Lider ako sa klase ng Young Women sa aming ward, kaya tuwing una at ikaapat na Linggo, lumalabas ako kasama ang mga missionary o ang iba pang kabataan para mag-minister sa mga kabataang hindi gaanong aktibo. Pinatototohanan ko sa kanila na ang paglapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo ay nagpapalakas sa atin at tumutulong sa atin na malampasan ang ating mga pagsubok. Ang pagtalikod sa Kanila ay hindi ang solusyon.
Minsan, nag-minister kami sa isang binata. Inanyayahan namin siyang mag-alay ng pangwakas na panalangin sa pagtatapos ng pagbisita. Nang manalangin siya, pinasalamatan niya ang Ama sa Langit sa pagbisita namin. Tuwang-tuwa siya at nagpapasalamat na naglaan kami ng oras para kumustahin siya.
Nakadama din ako ng pasasalamat at pagpapahalaga sa sarili ko. Natanto ko na ang ibang tao ay masaya sa aking presensya, at matutulungan ko sila. Maaari akong maging instrumento sa mga kamay ng Diyos upang ipakita sa iba na hindi sila nag-iisa.
He Healed Them All [Pinagaling Niya Silang Lahat], ni Michael Malm
Ang Aking Halaga ay Hindi Natutukoy ng Aking mga Kabiguan
Maaari kang mawalan ng pag-asa dahil nabigo ka sa isang bagay, pero ang pagkabigo ay hindi nangangahulugang hindi sapat ang iyong kabutihan. Tutulungan ka ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na lumakas sa pisikal, espirituwal, at emosyonal.
Sa tuwing nalulungkot tayo, naroon si Jesucristo. Hindi natin Siya laging nakikita, at kung minsan ay hindi natin nararamdaman na naroon Siya, pero Siya ay naroon. Kahit na pakiramdam mo ay malayo ka sa Kanya, handa kang tanggapin ni Jesucristo nang may bukas na mga bisig. Sa tuwing lalapit ka sa Kanya, naroon Siya, at tatanggapin ka Niya kung sino ka at itataas ka.
Sa panalangin, maaari mong sabihin sa Ama sa Langit ang nararamdaman mo at humingi ng tulong. Alam kong sinasagot Niya ang mga panalangin na iyon. Kapag nagdarasal ako, napapanatag ako, na parang may nagbibigay sa akin ng yakap. Pakiramdam ko ay kaya kong gawin ang lahat. Magagawa ko ang lahat sa piling Niya.
Ang awtor ay nakatira sa Cebu, Philippines.