2025
Mga Tinig ng mga Kabataan
Para sa Lakas ng mga Kabataan Oktubre 2025


Digital Lamang: Mga Tinig ng mga Kabataan

Tinulungan Ako ng Diyos na Ayusin ang Aming Pagkakaibigan

kabataang lalaki

Noong bata pa ako, hindi ako gaanong nakikipag-usap sa mga batang babae. Akala ko sila ay lubos na “kabaligtaran” ng mga batang lalaki. Nang lumipat kami, nahirapan ako dahil mas maraming batang babae sa bago naming ward kaysa sa dati naming ward. Hindi ko alam kung paano sila kausapin.

Gayunpaman, isang batang babae sa ward ang isa sa mga unang taong malugod na bumati sa akin. Naging malapit kaming magkaibigan. Isang araw, binigyan ko siya ng regalo, pero hindi ko alam kung magugustuhan niya ito. Namali ang pagkaunawa niya sa pagbibigay ko ng regalo at inakala niya na may gusto ako sa kanya. Dahil dito, hindi kami nag-usap nang anim na buwan.

Mahirap iyon dahil talagang gusto ko siyang maging kaibigan. Natakot akong mamali sa paghingi ng tawad at baka lumala pa ang mga bagay-bagay. Pero sobrang naaalala ko ang pagkakaibigan namin at nalungkot ako na nasaktan ko ang damdamin niya. Bago ito, naiisip ko noon na parang nakakapagod ang pagdarasal, pero sinimulan kong palaging manalangin sa Panginoon para humingi ng tulong.

Isang araw habang nagbabasa ng mga banal na kasulatan, nabasa ko sa Mosias 18:9, na dapat nating “aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw.” Natanto ko na hindi lang ako kailangang humingi ng tawad kundi sikapin ko ring panatagin siya at magpakita ng higit na interes sa aming pagkakaibigan. Hindi epektibo ang gawin ang mga bagay-bagay sa sarili kong paraan. Kailangan ko ng higit na habag at pagpapakumbaba.

Naglaan ang Panginoon ng tamang sandali para makahingi ako ng tawad. Sumama ako sa aking ina para dalhin ang mga kapatid ko sa isang aktibidad sa Primary sa stake, at nakita ko roon ang kaibigan ko kasama ang kanyang pamilya. Hiniling ko sa Panginoon na tulungan at bigyang-inspirasyon ako para makausap ko siya, at makahingi ng tawad.

Ngayon, matalik na kaming magkaibigan. Palagi kaming nagbibiruan, nagtatakda ng mga mithiin, at nagtuturingan na magkapatid. Hindi palaging ibig sabihin ng gusto mo ang isang tao ay in love ka sa kaniya. Kung minsan, pinasasalamatan mo lang ang kanilang mabubuting katangian at nasisiyahan kang kasama sila.

Alam ko na tinulungan ako ng Panginoon, dahil kung ako lang, hindi ako magtatagumpay. Maaaring iba ang sinabi ko o labis ang paghingi ko ng tawad, at hindi sana ito naging maayos. Kinailangan ko ng isang tao na higit sa sarili ko.

Doon pumasok ang paghingi ko ng tulong sa Diyos. Maraming pagkakataon na hindi ako humihingi ng tulong at sinisikap kong gawin ang lahat nang mag-isa. Pero hindi tayo nag-iisa, ‘di ba? Lagi nariyan ang Diyos sa tabi natin.

Pinagpapala ako ng Diyos, hindi palagi sa gusto ko, kundi palagi sa kinakailangan ko. Sa loob ng anim na buwan na hindi kami nag-uusap ng kaibigan ko, kinailangan kong matutuhan kung paano tumanggap ng personal na paghahayag at makinig sa Espiritu Santo. Ngayon madali na sa akin ang manalangin, dahil nasisiyahan akong makipag-usap sa aking Ama sa Langit.

João N., 14, Paraná, Brazil

Mahilig magluto, magdrowing, at maglaro ng soccer.