2025
Tumayo sa Pinakabanal na mga Lugar
Para sa Lakas ng mga Kabataan Oktubre 2025


Tumayo sa Pinakabanal na mga Lugar

Ang kapangyarihan at mga pagpapala ng templo ay tutulong sa iyo sa darating na mga araw na kapana-panabik at puno ng hamon.

dalagita

Nauvoo Illinois Temple

Noong binata pa ako, naaalala ko na inilalagay ng nanay ko ang damit pangtemplo nila ng tatay ko sa ibabaw ng mesa sa kusina. Pagkatapos ay kinukuha niya ang temple robe at maingat na pinaplantsa ang bawat pileges nito. Palagi siyang may oras para dito. Ito ang isa sa mga alaala ko noong kabataan ko.

Noong panahong iyon, hindi ko lubos na pinahahalagahan ang templo, pero habang minamasdan ko ang pagplantsa ng nanay ko sa damit pantemplo nila ng tatay ko, nakikita ko kung gaano kahalaga sa kanila ang templo. Itinuro sa akin ng kanilang halimbawa kung gaano kasagrado ang templo at kung gaano kahalaga ang “tumayo … sa mga banal na lugar, at huwag matinag” (Doktrina at mga Tipan 87:8).

Hinikayat ni Pangulong James E. Faust (1920–2007), ang aking stake president noong bata pa ako at aking espirituwal na mentor o tagapagturo, ang mga Banal “sa buong mundo na sikaping tumayo nang madalas sa mga banal na lugar hangga’t maaari.” Ang ating mga tahanan at kapilya ay tiyak na maaaring maging mga banal na lugar, pero “ang pinakabanal nating lugar ay ang ating mga sagradong templo.”

Ang pagtayo sa mga pinakabanal na lugar na ito ay magbibigay sa iyo ng access sa kapangyarihan at mga pagpapala ng Diyos na tutulong sa iyo sa mga darating na araw na kapana-panabik at puno ng hamon.

Mga Templo sa Iba’t Ibang Panig ng Mundo

Bilang mga lider ng Simbahan, madalas tayong tanungin, “Bakit nagtatayo kayo ng napakaraming mga templo?” Naaalala mo pa ba ang sagot ni Pangulong Russell M. Nelson sa tanong na iyan sa kanyang mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2024? Sinabi niya na nagtatayo tayo ng mga templo sa napakabilis na paraan “dahil iniutos sa atin ng Panginoon na gawin iyon.”

Ang isang mahalagang dahilan dito ay dahil ang mga templo ay itinatalaga sa pamamagitan ng kapangyarihan ng priesthood upang ang mga tipan na ginagawa natin at ang mga ordenansa na natatanggap natin doon ay mabigkis sa lupa at sa langit (tingnan sa Mateo 16:19). Kapag sinusunod natin ang tagubilin ng Panginoon na magtayo ng mga templo sa iba’t ibang panig ng mundo, ang kapangyarihan at mga pagpapalang ibinibigay ng mga templo ay makakarating sa mas marami pang mga anak ng Diyos sa magkabilang panig ng tabing.

Ipinangakong Kapangyarihan

Itinuro ni Pangulong Nelson na “ang bawat taong nakikipagtipan sa mga bautismuhan at sa mga templo—at tinutupad ang mga iyon—ay mas higit na nakatatamo ng kapangyarihan ni Jesucristo.”

Ang kapangyarihang ito ay ipinangako sa paglalaan ng Kirtland Temple. Ipinagdasal ni Propetang Joseph Smith “na ang lahat ng tao na papasok … sa bahay ng Panginoon ay maaaring madama ang [kapangyarihan ng Panginoon]” at “makahayo … na sakbit ang [Kanyang] kapangyarihan” (Doktrina at mga Tipan 109:13, 22; idinagdag ang diin).

Patuloy pa rin ito sa panahong ito. Karangalan ko na nakasama ko si Pangulong Nelson sa muling paglalaan ng Manti Utah Temple noong Abril 2024, kung saan nagdasal siya na sana ay maunawaan natin ang “kapangyarihang [ipinagkakaloob sa atin sa templo].”

Itinuro ni Pangulong Emily Belle Freeman, Young Women General President, na nakilala ko mula nang maglingkod ako bilang bishop niya sa isang university ward ilang taon na ang nakararaan, na “[da]dalhin tayo sa kinaroroonan Niya at, sa huli, ay bibigyan tayo ng kakayahang maging tulad Niya” habang “lalong lumalalim ang pakikipagtipan … sa Kanya” sa pamamagitan ng templo.

Ang mga ordenansa at tipan ay naglalapit sa atin sa Panginoon, nagbubuklod sa atin sa Kanya, at nagbibigay sa atin ng higit na access sa Kanyang kapangyarihan at mga pagpapala, na kailangan nating lahat. Itinuro ni Pangulong Nelson na “[si Jesucristo at si Jesucristo] lamang, ang may kapangyarihang hilahin kayo palayo sa impluwensya ng mundong ito.”

mag-asawa na nasa labas ng templo

Mga Pagpapala ng Kapayapaan at Kagalakan

Hindi nagtagal matapos akong tawagin sa Pitumpu, inatasan akong maglingkod sa England. Isinama namin ni Sister Rasband ang aming dalawang bunsong anak na sina Shannon at Christian. Agad naming natanto kung gaano kahalaga ang sakripisyo para sa kanila, lalo na para kay Christian. Siya ay 17 taong gulang noon at inaabangan ang kanyang senior year sa high school kasama ang kanyang mga kaibigan at ang mga kumpetisyon sa palakasan, na ngayon ay hindi niya mararanasan sa bahay.

Para matulungan sina Shannon at Christian na mag-adjust sa bagong lugar na ito, nagpasiya kaming pumunta sa Preston England Temple para magsagawa ng mga binyag para sa mga patay. Hindi namin ito nagawa sa aming abalang buhay sa bahay noon. Sa sandaling pumasok kami sa baptistry ng templo, nagbago ang lahat.

Matapos isagawa ang mga binyag, ipinatong ni Christian ang kanyang kamay sa balikat ko at taos-pusong nagtanong, “Itay, bakit po hindi natin ito ginawa noon?”

Baptistry sa Preston England Temple

Baptistry sa Preston England Temple

Isang mahalagang aral ang natutuhan ko sa araw na iyon. Binago ng templo ang aming pananaw, naghatid ito sa amin ng kapayapaan at kagalakan, at espirituwal na nagpasigla sa amin nang higit kaysa sa anumang football tournament o basketball game. Kung may pagkakataon kayong dumalo sa templo, hinihikayat ko kayong pumunta nang madalas hangga’t maaari. Dalhin ang mga pangalan ng inyong mga ninuno at magsagawa ng mga binyag at kumpirmasyon para sa kanila. Ang mga karanasan ninyo sa templo ay maghahatid ng kapayapaan at kagalakan sa inyo at sa iba pa dito at sa kabilang-buhay.

mga dalagita sa labas ng templo

Isang Paanyaya

Kung nakapunta na sa templo ang inyong mga magulang, lolo’t lola, o kapatid, inaanyayahan ko kayong obserbahan kung paano nila itinuturing ang templo sa kanilang pag-uugali at mga gawain—tulad ng ginawa ko sa aking mga magulang. Maghanap ng mga pagkakataong kausapin ang inyong pamilya, ang inyong bishop, at ang iba pang mga lider tungkol sa templo. Tutulungan nila kayo.

Inaanyayahan ko rin kayo na laging manatiling nakatuon sa Panginoon at maging karapat-dapat. Tulad ng sinabing minsan ng mahal kong kaibigan na si Pangulong M. Russell Ballard (1928–2023), “Magpapasalamat ka kapag dumating ang araw na makakapasok ka sa templo at handa kang tanggapin ang lahat ng kagila-gilalas na pangako at pagpapala na nais ibigay sa iyo ng Panginoon.”

Pinatototohanan ko na si Jesucristo ay buhay. Ang pagtayo sa Kanyang mga templo—ang ating pinakabanal na mga lugar—sa pamamagitan ng paghahanda at paggalang sa mga sagradong ordenansa at tipan ay magpapala sa inyo ng kapayapaan, kagalakan, at kapangyarihan ngayon at sa buong buhay ninyo.