2025
Mga Nakatagong Kayamanan
Para sa Lakas ng mga Kabataan Oktubre 2025


Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Doktrina at mga Tipan 111; 117; 124

Mga Nakatagong Kayamanan

Maaaring tanggapin ng Tagapagligtas kahit ang ating mga di-perpektong pagsisikap.

pagbibinyag sa ilog

Pinaparangalan Tayo ng Diyos Kapag Ginagawa Natin ang Lahat ng Ating Makakaya para Sundin Siya

Doktrina at mga Tipan 111

Noong 1836, nagpunta si Propetang Joseph Smith at ang ilang kasamahan sa Massachusetts para maghanap ng nababalita noon na napakaraming nakatagong pera na hindi na-claim para matulungan ang Simbahan na bayaran ang mga utang nito.

Pero lumitaw na hindi naman pala totoo ang perang iyon. Maaaring medyo napahiya ang matatapat na kapatid na ito. Pero tiniyak sa kanila ng Tagapagligtas: “Ako, ang Panginoon ninyong Diyos, ay hindi nagagalit sa inyong paglalakbay na ito, sa kabila ng inyong mga kahangalan” (Doktrina at mga Tipan 111:1).

Tulad ng nangyari, may “kayamanan” sa anyo ng mga potensyal na magbabalik-loob sa lugar na handang makinig sa ipinanumbalik na ebanghelyo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 111:2–3). Si Joseph at ang kanyang mga kasamahan ay nagturo at nagbinyag ng ilang nagbalik-loob. Kaya hindi nasayang ang paglalakbay na iyon. Sa katunayan, ang naisagawa nila ay marahil mas mahalaga pa rin kaysa sa paghahanap ng pera.

Doktrina at mga Tipan 117

Si Oliver Granger ay matapat na miyembro noon ng Simbahan na binigyan ng mahirap na tungkuling manatili sa Kirtland, Ohio, para ayusin ang pananalapi ng Simbahan matapos umalis ang karamihan sa mga Banal papuntang Missouri.

Nangahulugan ito ng pakikipag-usap sa ilan sa mga taong nagpalayas sa mga Banal. Hindi nakakagulat na hindi nakolekta ni Brother Granger ang malaking pakakautang sa mga Banal.

Pero tinulungan ng Panginoon si Brother Granger na makapaghanda sa kabiguan nang ibigay Niya ang atas. Sinabi niya kay Joseph Smith, “Kapag siya [si Oliver Granger] ay bumagsak, babangon siyang muli, sapagkat ang kanyang hain ay higit na banal sa akin kaysa sa kanyang yaman” (Doktrina at mga Tipan 117:13; idinagdag ang diin).

Isipin ang mga bagay na hinihiling sa atin ng Panginoon. Nais Niyang maging mga tagapamayapa tayo, tumulong sa mga mahihirap at nangangailangan, at magpalaganap ng kabutihan. Ginagawa natin ang lahat ng ating makakaya—pero alam din natin, sa ating isipan, na maaaring hindi tayo laging lubos na matagumpay. Ang digmaan, kahirapan, at kasalanan ay maaaring magpatuloy hanggang sa Ikalawang Pagparito.

Ngunit maaari nating gawin ang lahat ng pagsisikap upang maalis sa mundo (at lalo na sa ating buhay) ang mga bagay na ito.

Itinuro ni Joseph Smith ang lugar na pagtatayuan ng Nauvoo Temple

Bagama’t hindi nakapagtayo ng templo ang mga Banal sa Missouri, kalaunan ay nagtayo sila ng templo sa Nauvoo, Illinois.

Doktrina at mga Tipan 124

Sa kabila ng kanilang pinakamahuhusay na pagsisikap, hindi nakapagtayo ang mga Banal ng templo sa Jackson County, Missouri. Ang pag-uusig at karahasan na kanilang nakaharap ay walang-humpay.

Isipin ang kanilang ginhawa nang sabihin ng Tagapagligtas kay Propetang Joseph Smith:

“Kapag ako ay nagbigay ng kautusan sa sinuman sa mga anak na lalaki ng tao na gumawa ng gawain sa aking pangalan, at yaong mga anak na lalaki ng tao ay gaganap nang buo nilang lakas at sa lahat ng mayroon sila upang magampanan ang gawaing yaon, at hindi tumitigil sa kanilang pagsisigasig, at ang kanilang mga kaaway ay sumapit sa kanila at hinadlangan silang magampanan ang gawaing yaon, masdan, mamarapatin ko na huwag nang hingin ang gawaing yaon sa mga kamay ng yaong mga anak na lalaki ng mga tao, kundi tatanggapin ang kanilang mga handog” (Doktrina at mga Tipan 124:49).

Kung ginagawa mo ang lahat ng pagsisikap para gampanan ang isang atas pero pinipigilan ka ng iyong “mga kaaway”—at maaaring kabilang sa mga kaaway na iyan ang sakit, depresyon, pandaigdigang pandemya, at iba pang mga pangyayari na hindi mo kontrolado—OK lang. Anuman ang nagawa mo, tatanggapin iyon ng Panginoon.