2023
Si Cameron, ang Tagatugtog ng Piyano
Mayo 2023


“Si Cameron, ang Tagatugtog ng Piano,” Kaibigan, Mayo 2023, 40–41.

Si Cameron, ang Tagatugtog ng Piano

Hindi alam ni Cameron kung paano tumugtog, pero gusto niyang tumulong.

Ang kuwentong ito ay naganap sa USA.

Batang lalaking nag-eensayo sa piano

“Ako ay anak ng Diyos,” kumanta si Cameron kasama ang iba pang mga bata sa Primary. Hirap makarinig si Cameron, pero mahilig siyang kumanta. At hindi magtatagal ay kakanta sila sa programa ng Primary. Isang buwan na lang!

Nang matapos ang oras ng pag-awit, may ibinalita si Sister Jones. “Lilipat na ng bahay ang ating piyanista sa Primary. Gusto sana naming tumugtog ng piano ang ilan sa inyo para sa programa ng Primary. Mayroon ba sa inyo na gustong tumugtog ng isa o dalawang awitin?”

Nagtaas si Cameron ng kamay. Gusto niyang tumulong sa programa.

Isinulat ni Sister Jones ang mga pangalan ng mga batang gustong tumulong. “Emma. Ben. At Cameron! Hindi ko alam na marunong kang tumugtog.” Ngumiti siya.

Hindi pa nasubukan ni Cameron na mag-aral ng piano noon, pero gusto niyang bumuo ng mga awitin sa piano sa bahay ng kanyang lola.

“Hindi pa po ako gaanong magaling,” sabi niya. “Pero palagay ko po magagawa ko ito kung magsasanay ako!”

“Salamat sa kahandaan mong maglingkod,” sabi ni Sister Jones. Binigyan niya ang bawat bata ng dalawang awitin na tutugtugin.

Pakiramdam ni Cameron ay parang gusto niyang tumakbo sa pasilyo sa labas. Noon pa man ay gusto na niyang matuto, at ngayo’y matututo na siya!

“Mukhang nasasabik ka! May nangyari ba sa Primary?” tanong ni Inay nang sumakay sila sa kotse pagkatapos magsimba.

Ngumiti si Cameron. “Tutugtog po ako ng piano para sa programa ng Primary!”

“Natutuwa akong gusto mong tumulong,” sabi ni Inay. “Pero hindi mo pa alam kung paano tumugtog ng piano nang sapat para magawa iyon.”

Napaupo nang tuwid si Cameron. “Puwede po akong mag-aral. Magsasanay po ako nang husto! Magagamit ko po ang piano ni Lola.”

“Magsimula na tayo, kung gayon!” sabi ni Inay.

Tinulungan ni Inay si Cameron na makahanap ng piano teacher. Ipinakita sa kanya ng guro ang mga simpleng paraan ng pagtugtog ng “Templo’y Ibig Makita” at “Ang Simbahan ni Jesucristo.”

Nagpraktis si Cameron sa bahay ni Lola nang madalas. Paulit-ulit siyang nagsanay sa bawat linya ng mga awitin. Marami siyang pagkakamali, pero patuloy siyang nagsikap at patuloy na tumugtog. Sa wakas ay natutugtog na niya ang dalawang awitin.

Hindi nagtagal ay oras na para sa programa sa Primary. “Ano ang pakiramdam mo?” tanong ni Inay.

Niyakap ni Cameron ang kanyang aklat ng piano malapit sa kanyang dibdib. “Kinakabahan po. Pero masaya rin.”

Batang lalaki na tumutugtog ng piano at mga batang kumakanta

Nang siya na ang tutugtog, medyo nangangatog ang mga kamay ni Cameron. Ama sa Langit, tulungan po Ninyo ako, ang dalangin niya sa kanyang isipan. Huminga siya nang malalim. Pagkatapos ay tumugtog siya sa abot ng makakaya niya. Kumanta ang iba pang mga bata.

Sa pagtatapos ng awitin, ngumiti siya. Ang saya! Alam niya na tinulungan siya ng Espiritu Santo.

Ngayong nakatugtog na siya ng isang awitin, mas kampante na si Cameron. Pagkatapos ay sinimulan niya ang pangalawang awitin. Tinugtog niya ang piano tulad ng napraktis niya.

Ang awiting ito ang paborito ni Cameron. Inisip niya ang mga salita habang tumutugtog siya. “Sa Tagapagligtas, nananalig. S’ya’y igagalang.” Nagsikap nang husto si Cameron para matutuhan ang mga awitin para sa programa.

Siguro ang pagtugtog ng piano ay isang paraan ng pagbabahagi ng aking patotoo, naisip ni Cameron.

Pagkatapos ng programa, niyakap nang mahigpit ni Inay si Cameron.

“Kumusta?” tanong niya.

“Kinabahan po ako noong una, pero masaya po!” sabi ni Cameron. Gusto niyang patuloy na magpraktis at matuto ng iba pang mga awitin.

PDF ng kuwento

Mga larawang-guhit ni Adam Koford