2023
Himala ni Jimena sa Templo
Mayo 2023


“Himala ni Jimena sa Templo,” Kaibigan, Mayo 2023, 36–37.

Himala ni Jimena sa Templo

Kinakabahan si Jimena. Pero alam niya na tutulungan siya ng Panginoon.

Ang kuwentong ito ay naganap sa Guatemala.

Batang babae sa kotse kasama ang kanyang ina at ama

Sumakay si Jimena sa kotse at isinuot ang kanyang seat belt. Siya at ang kanyang mga magulang ay papunta sa templo. Ito ang unang pagkakataon niya sa paggawa ng mga binyag sa templo. Bibinyagan siya ni Papi para sa ilan sa kanilang mga ninuno. Hindi na siya makapaghintay!

Pero naisip ni Jimena ang isang bagay na nagpadama sa kanya ng takot. “Papi,” sabi niya, “paano po ang pump ko?”

May type 1 na diyabetis si Jimena. Para manatiling malusog, lagi niyang suot ang isang maliit na device na tinatawag na insulin pump upang tumulong sa pagkontrol sa lebel ng asukal sa kanyang dugo. Kung masyadong matagal itong hindi nakasuot sa kanya, parang magkakasakit siya.

“Papayagan ba nila akong isuot ito sa loob ng templo?” tanong ni Jimena. Mabilis ang tibok ng kanyang puso. “Ano po ang mangyayari kapag lumubog ako sa tubig?”

“Magiging OK ang lahat,” sabi ni Papi. “Maaari mong isuot ang iyong pump hanggang sa pagpunta mo sa tubig. Pagkatapos ay tutulungan ka ni Mamá na ibalik ito kaagad pagkaahon mo.”

Tumango si Mamá. “At kung parang magkakasakit ka habang nagpapabinyag ka, sabihin mo lang kay Papi at maaari kang tumigil.” Pinisil ni Mamá ang kanyang kamay. “Hindi kami aalis doon.”

“OK po,” sabi ni Jimena. Kinakabahan pa rin siya. Pero natulungan siya nina Mamá at Papi para gumaan ang pakiramdam niya.

Pamilya sa labas ng templo

Pagdating nila, hinawakan ni Jimena ang mga kamay nina Mamá at Papi habang naglalakad sila papunta sa mga pintuan ng templo. Pagpasok niya, nakadama si Jimena ng maganda at nakapapanatag na damdamin. Alam niya na sinasabi sa kanya ng Espiritu Santo na tutulungan siya ng Ama sa Langit, kahit kinakabahan siya. Magiging OK ang lahat, tulad ng sabi ni Papi.

Nagpalit ng puting damit si Jimena. Pagkatapos ay tinulungan ni Mamá si Jimena na tanggalin ang kanyang pump. “Ilang minuto lang ito,” sabi ni Mamá. Niyakap niya si Jimena.

Insulin pump

Pumunta si Jimena sa tubig. Hinihintay na siya ni Papi. Hinawakan niya ang kamay ni Jimena at tinulungan itong bumaba sa hagdan.

Binigkas ni Papi ang panalangin sa binyag at inilubog si Jimena sa tubig. Nang umahon siya, ngumiti si Jimena. Pagkatapos ay marami pa silang nabinyagan.

“OK ka lang ba?” Bumulong si Papi sa kanyang tainga.

“Opo!” sabi ni Jimena.

Bininyagan siya ni Papi para sa ilan pang tao. “Kaya mo pa ba?” tanong niyang muli.

Batang babae at kanyang ama sa bautismuhan sa templo

“Opo!” sabi ni Jimena.

Pagkatapos ng huling binyag, tinulungan ni Mamá si Jimena na ikabit ang kanyang pump at tiningnan ang lebel ng asukal sa dugo ni Jimena. Ngumiti si Mamá. Normal ito! Parang hindi tinanggal ni Jimena ang kanyang pump.

Pagkatapos ay pumasok sila sa isang mas maliit na silid. Ipinatong ni Papi ang kanyang mga kamay sa ulo ni Jimena. Kinumpirma niya itong miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw para sa mga taong namatay na kung para kanino siya bininyagan. Ngayon ay maaari nang piliin ng kanyang mga ninuno na sumapi sa Simbahan ni Jesucristo!

Sa home evening nang sumunod na linggo, nagsalita si Jimena at ang kanyang mga magulang tungkol sa kanilang pagpunta sa templo. “Ang templo ay bahay ng Panginoon,” sabi ni Papi. “Kapag pumupunta tayo roon, maaari tayong magkaroon ng mga himala sa ating buhay.”

“Ano pong mga uri ng mga himala?” tanong ng nakababatang kapatid ni Jimena na si Pablo.

“Kinabahan akong tanggalin ang insulin pump ko para makalusong sa tubig,” sabi ni Jimena. “Pero habang ginagawa ko ang pagbibinyag, ni hindi nga ako nagkasakit. Himala iyon!” Ngumiti si Jimena. “At kahit natakot ako, tinulungan ako ng Espiritu Santo na mapanatag. Isang himala rin iyon para sa akin.”

PDF ng kuwento

Mga paglalarawan ni Alyssa Petersen