“Ang Kuwago at ang Balyena,” Kaibigan, Mayo 2023, 8–9.
Ang Kuwago at ang Balyena
Paano makatutulong sa iba ang mga painting ni Dieter?
Ang kuwentong ito ay naganap sa Canada.
Nais pakinggan ni Dieter ang pangkalahatang kumperensya. Sinikap niyang umupo nang maayos. Sinakap niyang pakinggan ang mga mensahe. Pero dahil sa autism, nahirapan siyang magpokus. Malikot siya sa upuan. Nilaro niya ang kanyang mga laruan. Tumakbo-takbo siya.
Pagkatapos ay tumingin siya kay Itay. Tahimik na nakaupo si Itay at nakikinig sa mga tagapagsalita. Gusto ni Dieter na maging katulad niya. Kaya inilabas niya ang kanyang mga art supply o gamit sa paggawa ng sining. Siguro makakatulong ang magkulay ng isang larawan para maupo siya nang tahimik.
Habang nagkukulay siya, nakinig si Dieter sa pagsasalita ni Elder Jeffrey R. Holland. Nagkuwento si Elder Holland tungkol kay Jesus. Hiniling ni Jesus sa isang mayamang binata na ibigay ang lahat ng kanyang pera sa mga maralita.*
Gusto rin ni Dieter na tulungan ang mga taong walang sapat na pera. At may naisip siya.
“Inay, gusto ko pong magpinta ng kuwago,” sabi ni Dieter. “Maaari po ba kayong gumuhit para sa akin?”
“Sige,” sabi ni Inay. Gumuhit si Inay ng kuwago.
Isinawsaw ni Dieter ang kanyang paintbrush sa pintura. Una niyang pinintahan ang mga pakpak ng kuwago. Ginawa niyang kulay brown ang ilang balahibo at kulay orange naman ang ibang balahibo. Habang nagpipipinta siya, nakinig siya sa iba pang mga mensahe. Kahit tapos na ang lahat ng mensahe, patuloy na nagpinta si Dieter. Gusto niyang maging perpekto ang kuwago.
Sa wakas ay natapos si Dieter. Ipinakita niya ang kuwago kay Inay.
“Ang ganda!” sabi ni Inay. “Isasabit ba natin ito?”
Umiling si Dieter. “Gusto ko pong ibenta ito at ibigay ang pera para tulungan ang mga taong walang sapat na pera. Tulad po ng sabi nila sa kumperensya.”
Ngumiti si Inay. “Tingnan natin kung ano ang magagawa natin.”
Nag-post siya ng larawan ng painting ni Dieter para magbenta online. Isinulat ni Inay na sinabi ni Dieter na ibibigay niya ang pera sa isang kanlungan para sa mga taong walang tahanan.
Kinabukasan, tiningnan nina Dieter at Inay ang post. Hindi siya makapaniwala! Maraming tao ang gustong bumili ng kanyang larawan. Masaya siya na napakaraming tao ang gustong tumulong.
Hiniling ng isang restawran sa lungsod ni Dieter na bilhin ang painting. Sinabi nila na 10 doble ng hinihinging bayad nina Dieter at Inay ang ibibigay nila! May iba pang mga tindahan na humiling rin sa kanya ng mga painting. Marami pang gagawin si Dieter!
Marami pang hayop ang binakat ni Inay, at inilabas ni Dieter ang kanyang mga pintura. Nagpinta siya ng lobo, leon, at isang balyena. Pinakagusto niya ang balyena. Pinangalanan niya itong “Otis, ang Balyena.” Isang tindahan ng groseri malapit sa kanyang bahay ang bumili nito. Nang sumunod na pumunta si Dieter sa tindahan, nakita niya itong nakasabit sa dingding!
“Tingnan n’yo po, Nay!” Itinuro ni Dieter ang painting.
“Wow!” sabi ni Inay. “Ngayon tuwing pupunta tayo rito, maaalala natin kung paano nakatulong ang iyong mga talento sa mga tao.”
Ipinagmamalaki ni Dieter na gusto ng mga tao ang kanyang mga ipinintang larawan. Pero mas masaya pa siya na matutulungan niya ang iba. Natuwa siya na nakinig siya sa pangkalahatang kumperensya.
Mga paglalarawan ni Natalie Campbell