“Binaha ng Pagmamahal,” Kaibigan, Mayo 2023, 26–27.
Binaha ng Pagmamahal
“Puwede rin ba nating tulungan ang pamilya ni Jose?” tanong ni Marius.
Nangyari ang kuwentong ito sa Pilipinas.
Habang papasok si Marius sa kanyang bahay, narinig niya ang mga tao sa loob na nag-uusap-usap. Sumilip siya sa bintana.
Sino kaya ang narito, naisip niya. Nakatira ang kanyang ina sa ibang bansa at doon nagtatrabaho, kaya kadalasan siya at si Lola lang ang nasa bahay.
Binuksan niya ang pinto. Naroon ang lahat ng kaibigan niya!
“Surprise!” sabi nila.
“Gusto naming magdiwang na kasama mo sa natanggap mo ng medalya sa iyong Taekwondo competition,” sabi ni Jose, na matalik na kaibigan ni Marius.
“Ang galing-galing mo talaga.” Niyakap ni Lola si Marius. “Nasa telepono ang nanay mo! Sigurado akong gusto niyang marinig ang lahat ng tungkol sa medalya mo.”
Matapos kausapin ni Marius si Inay, nagsaya sila ng kanyang mga kaibigan sa party. Masaya silang nag-usap-usap at kumain ng masarap na pagkain ni Lola.
“Gusto mo bang sumama sa akin na mag-bowling bukas?” tanong ni Jose bago siya umalis.
“Sige!” sabi ni Marius.
Nang gabing iyon bago matulog, nagdasal si Marius. “Ama sa Langit, salamat po sa Inyo sa pagbibigay sa akin ng mabubuting kaibigan at pamilya. Pakibasbasan po Ninyo ang nanay ko habang malayo siya. At pakibasbasan po Ninyo ako na masiyahan sa bowling bukas kasama ni Jose.”
Pero kinabukasan, hindi nakasama sa bowling si Marius. Dumating ang malakas na bagyo, at lahat ay kinailangang manatili sa loob ng bahay. Sa bahay lang si Marius at nakaupo, nakikinig sa tunog ng ulan sa bubong. Gusto niyang makita si Jose.
Sa loob ng tatlong araw, patuloy na umulan. Bumaha sa mga lansangan. Lumubog din ang ilang bahay sa lugar nina Marius.
Kalaunan ay nakita ni Marius si Lola sa kusina. Nagluluto siya ng pagkain na mabango.
“Ano po ang niluluto ninyo?” tanong nito.
“Nagluluto ako ng pagkain para sa ilang pamilya sa ating ward,” sabi niya. “Binaha ang kanilang mga bahay, kaya hiniling ng bishop na tumulong ako.”
Naisip ni Marius si Jose. “Maaari po ba tayong magluto ng pagkain para sa pamilya ni Jose? Maaaring kailangan din po nila ng tulong.”
“Magandang ideya iyan,” sabi ni Lola.
Nagsaing at nagprito ng ilang itlog si Marius para kay Jose at sa kanyang pamilya. Pagkatapos ay tinulungan niya si Lola na ibalot ang pagkain.
Sa wakas ay tumigil ang ulan. Lumabas sina Marius at Lola upang ihatid ang pagkain. Umabot hanggang sa tuhod ni Marius ang tubig!
Nakita nila si Jose at ang kanyang pamilya na nakatayo sa labas ng kanilang bahay. Umiiyak si Jose.
Niyakap ni Marius ang kanyang kaibigan. “Nalulungkot akong binaha ang bahay ninyo,” sabi niya. “Mahal ka ni Jesus. At mahal ka rin namin.”
Magkasamang nagtulungan sina Marius at Jose sa paglilinis ng maputik na mga bagay sa bahay ni Jose. Inawit ni Marius ang “Ako ay Anak ng Diyos” habang nagtatrabaho sila. Nang magpahinga sila, ibinigay ni Marius kay Jose ang pagkaing ginawa niya para sa kanya.
“Salamat sa pagtulong sa aking pamilya,” sabi ni Jose. “At salamat sa pagkain! Masarap ito.”
“Walang anuman,” sabi ni Marius.
“Pwede mo pa ba akong kwentuhan tungkol kay Jesus? At sa awiting kinanta mo?” tanong ni Jose.
“Oo naman!” sabi ni Marius. “Gusto mo bang sumama sa akin sa simbahan sa Linggo? Doon ko natututuhan ang tungkol kay Jesus. At maaari din tayong kumanta nang sabay-sabay.”
“OK,” sabi ni Jose.
Gumanda ang pakiramdam ni Marius. Masaya siya na natulungan niya si Jose at ang kanyang pamilya. At masaya siya na naibahagi rin niya ang ebanghelyo.
Mga paglalarawan ni Jamie Bauza