Kapag pinagpala mo ang isang babae, pinagpapala mo rin ang kanyang pamilya, komunidad, at bansa. Katulad nito, kapag pinagpala mo ang isang bata, namumuhunan ka sa hinaharap. Ito ang dahilan kung bakit ang pandaigdigang pag-unlad ay nagsisimula sa pagbibigay-prayoridad sa kapakanan ng mga kababaihan at mga bata. Inuuna ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang mga pangangailangan ng kababaihan at mga bata—sa pamamagitan ng pangangalaga sa mga ina at bagong panganak, mga pagsisikap sa nutrisyon ng bata, pagbabakuna, at edukasyon sa buong mundo. Kapag sinunod mo ang utos ng Tagapagligtas na pangalagaan ang mga nangangailangan, ikaw ay bahagi ng pandaigdigang pagsisikap na ito.
Ang sumusunod na listahan ay kinabibilangan ng ilang ideya na tutulong sa iyo na makapag-isip at manalangin tungkol sa mga bagay na magagawa mo sa iyong tahanan, kapitbahayan, at komunidad para matugunan ang mga pangangailangan ng kababaihan at mga bata. Maghangad ng inspirasyon upang malaman mo kung saan ka kailangan ng Panginoon at kung sino ang dapat mong akayin, gabayan, at samahan. Kapag naglilingkod ka sa iyong pamilya, mga kapitbahay, at komunidad, bahagi ka ng pandaigdigang layunin ng Relief Society—na naghahatid ng pagmamahal at ginhawa ni Jesucristo sa ating mga kapatid sa buong mundo.
- Suportahan ang kakayahang magbasa at magsulat at ang edukasyon ng kababaihan at mga bata sa pamamagitan ng pagtukoy at paglaban sa mga balakid dito sa inyong komunidad.
- Tulungan ang mga bata na magbasa nang malakas. Walang ibang higit na makapagpapahusay sa cognitive skills ng mga bata kaysa sa pagbabasa kasama ng mga adult na nagmamalasakit sa kanila.
- Alamin kung anong mga hamon sa inyong komunidad ang maaaring pumipigil sa mga bagong ina na makatanggap ng prenatal care. Hangaring tugunan ang mga hamong iyon.
- Sumayaw, tumalon, umakyat, at maglaro sa sahig kasama ang mga bata. Ang paggalaw ay tumutulong na maging matalas ang utak ng mga bata at nagpapalakas ng kanilang lumalaking katawan.
- Magtanim ng hardin at ibahagi ang mga ani sa inyong mga kapitbahay. Isama ang mga bata sa pag-aalaga ng hardin.
- Alamin ang tungkol sa pagpreserba ng pagkain, upang maaari pa rin itong kainin pagkalipas ng ilang panahon. At magtabi ng mga pagkain na hindi madaling masira, hangga’t maaari, upang makabuo ng isang emergency reserve.
- Alamin kung ano ang maaaring gawin upang matulungan ang mga pamilyang umaasa sa pamamahagi ng pagkain sa inyong komunidad at tumulong sa pagtugon sa hamong iyon.
- Makipagtulungan sa inyong lokal na pamahalaan upang matiyak na ang malinis na tubig, hangin, at mga pinagkukunan ng pagkain sa inyong komunidad ay hindi kontaminado at hindi marumi.
- Magplano ng mga aktibidad ng Relief Society na nagbibigay ng suporta at edukasyon na may kaugnayan sa mga pagsisikap sa pandaigdigang inisyatibo, at payuhan ang inyong Relief Society tungkol sa mga paraan kung paano makikibahagi.
- Gabayan ang isang babae sa landas tungo sa pag-asa sa sarili.
- Kapag posible, eksklusibong i-breastfeed ang iyong sanggol sa unang anim na buwan. Simulang pakainin ang iyong sanggol ng masusustansyang pagkain simula sa ikaanim na buwan at patuloy na mag-breastfeed upang maibigay sa iyong sanggol ang lahat ng karagdagang sustansyang kailangan niya nang hindi bababa sa isang taon.
- Tiyakin na mayroong pribado at sumusuportang kapaligiran sa simbahan at trabaho na angkop para sa mga inang nagpapasuso o gumagamit ng pump.
- Hikayatin ang regular na physical check-up para makakuha ng kinakailangang pangangalaga kabilang na ang preventive care, pre at postnatal care para sa mga buntis, at regular na mga bakuna para sa mga bata.
- Kumain ng masusustansyang pagkain kasama ang mga bata. Hayaan silang tulungan kang pumili at maghanda ng pagkain o meryenda. Pag usapan ang mga benepisyo ng masusustansyang pagkain habang magkasamang naghahanda.
- Maghanap ng iba pang mga meryenda bukod sa matatamis na pagkain para sa mga aktibidad sa simbahan, pag-eensayo sa sports, at meryenda pagkatapos ng eskuwela.
- Laruin at kausapin ang mga sanggol at maliliit na bata nang maaga at madalas. Ang pagtingin sa mata, pakikipag-usap, at paglalaro sa mga sanggol ay bumubuo ng matitibay na koneksyon sa kanilang utak.
- Tulungan ang isang bata sa mga assignment pagkatapos ng eskuwela.
- Magbigay ng mga libro bilang regalo at ibahagi ang dahilan kung bakit mo ito pinili para sa taong iyon. Ang pagkakaroon ng mga libro sa tahanan ay nagbibigay ng pagkakataon na matuto at umunlad.
- Suportahan ang mga lokal na aklatan at iba pang mga libreng resource na may mga libro.
- Kausapain ang inyong mga lokal na paaralan tungkol sa kanilang mga mithiin para sa masusustansyang pagkain at meryenda. Isipin kung ano ang magagawa ng mga magulang at ng komunidad para makatulong.
- Makipag-usap sa mga bata nang maaga at madalas. Magkwento sa kanila at hayaan mo silang magbahagi sa iyo ng kanilang mga kwento.
- Pagtibayin ang pagpapahalaga sa sarili ng isang bata sa pamamagitan ng pagtulong sa kanya na matukoy ang kanyang mga kaloob at talento. Tulungan ang mga bata na gamitin ang kanilang mga kaloob at talento para pagpalain ang iba.
- Bigyan ang mga bata ng responsibilidad sa tahanan para matulungan silang pahalagahan ang trabaho, malaman ang kahalagahan ng pagtutulungan at pag-asa sa sarili, at mapalakas ang kanilang pagpapahalaga sa sarili.
- Mag ayuno at magbigay ng isang handog na pera. Ang hindi pagkain para makakain ang ibang tao ay isang simpleng paraan para ikaw ay makatulong.
- Sumali o mag-post ng isang proyekto sa JustServe na tumutulong sa mga kababaihan at mga bata sa inyong komunidad.