Bakit Mahalaga ang Ligtas na Pagkain sa Nutrisyon at Kalusugan ng mga Bata

Food preparation

Sa 1 Corinto 3:16-17, sinasabi na ang katawan ay isang mahalagang kaloob mula sa Diyos, at hinihikayat tayong pangalagaan ang ating katawan. Ang pagkaing hindi inihanda nang wasto ay maaaring maging mapanganib sa ating kalusugan at maaaring may mga bakterya, virus, parasite, o kemikal na maaaring humantong sa sakit at maging sa kamatayan. Mas madaling tablan ng mga karamdamang ito ang maliliit na bata. Ngunit karamihan sa mga karamdamang dulot ng pagkain ay maaaring maiwasan sa pamamagitan ng mabubuting kaugalian sa paghahanda ng pagkain. Gamitin ang mga gawi sa ligtas na pagkain sa ibaba para bumaba ang tsansa na magkaroon ng karamdaman ang mga anak mo dahil sa hindi malinis na pagkain.

Bakit mahalaga ang ligtas na pagkain sa nutrisyon at kalusugan ng mga bata?

Ang pagkaing hindi inihanda nang wasto ay maaaring humantong sa mga karamdamang dulot ng hindi malinis na pagkain, na humahadlang sa pagsipsip ng katawan sa sustansya. Mas madaling tablan ang mga bata nitong mga karamdamang dulot ng hindi malinis na pagkain, na maaaring maging mapanganib lalo na sa kanilang kalusugan at maaaring humantong sa malnutrisyon. Sa ligtas na paghahanda ng pagkain, mababawasan natin ang tsansang magkaroon ng malnutrisyon ang mga bata dahil sa mga karamdamang dulot ng hindi malinis na pagkain.

Ano ang ilang pangunahing gawi sa paghahanda ng ligtas na pagkain?

Ayon sa World Health Organization may mahahalagang gagawin para matiyak na walang dalang sakit ang ating pagkain. Kabilang dito ang:

  1. Manatiling malinis. Maaaring mapunta sa pagkain ang mga mikrobyo sa mga kamay at kagamitan sa pagluluto.
    • Maghugas ng mga kamay bago maghanda, habang naghahanda, at matapos maghanda ng pagkain.
    • Laging maghugas ng mga kamay matapos gumamit ng banyo.
    • Hugasan ang mga pinaghahandaan at pinaglulutuan ng pagkain.
    • Iwasang madilaan ng mga hayop at madapuan ng mga insekto ang pagkain at pinaghahandaan ng pagkain.
  2. Paghiwalayin ang hilaw at luto na mga sangkap. Maaaring may mapanganib na mga microorganism ang hilaw na karne, manok, at pagkaing-dagat.
    • Ihiwalay ang hilaw na karne, isda, at manok sa iba pang mga pagkain.
    • Huwag gumamit ng iisang kutsilyo o sangkalan para sa mga hilaw na karne at iba pang mga pagkain.
  3. Lutuing maigi. Pinapatay ng init ang mapanganib na mga microorganism.
    • Lutuing maigi ang mga pagkain, lalo na ang karne, manok, itlog, at pagkaing-dagat.
    • Hayaang kumulo ang mga pagkaing tulad ng mga soup at stew (nilagang pagkain) bago kainin.
  4. Panatilihing nasa ligtas na temperatura ang pagkain. Dumarami ang mapanganib na mga microorganism sa temperatura ng silid.
    • Panatilihing mainit ang luto nang pagkain hanggang sa kainin ito. (60° C/140° F)
    • Huwag panatilihing nasa temperatura ng silid ang luto nang pagkain nang mahigit dalawang oras.
  5. Gumamit ng ligtas na tubig at pagkain. Maaaring may mapanganib na mga microorganism at kemikal ang mga sirang pagkain at maruming tubig.
    • Sa pagluluto, gumamit ng tubig na ligtas inumin.
    • Hugasan ng malinis na tubig ang mga hilaw na gulay at prutas na hindi binalatan bago kainin.

Paano ko matutulungan ang iba na maghanda ng ligtas na pagkain?

Bilang lider o ministering brother o sister, may pagkakataon kang tulungan ang mga miyembro sa inyong kongregasyon na makagawiang magluto ng ligtas na pagkain sa mga aktibidad ng grupo at sa sarili nilang tahanan. Isipin ang mga ito at ang iba pang mga ideya habang pinagninilayan at ipinagdarasal mo kung paano tutulungan ang mga miyembro sa inyong lugar.

Mga Ministering Brother at Sister

Bilang ministering brother o sister, matutulungan mo ang mga pinaglilingkuran mo sa pamamagitan ng pag-aaral at paggamit ng mga gawi sa paghahanda ng ligtas na pagkain sa tahanan upang mas matulungan mo ang iba. Ibahagi sa iba ang natutuhan mo tungkol sa ligtas na pagkain, nang walang panghuhusga at pamimintas. Maaaring maging isang sensitibong paksa ang ligtas na pagkain at kadalasan, ginagawa ng mga tao ang lahat ng makakaya nila. Mapanalanging isipin kung paano mo matutulungan ang pamilya.

Mga Lokal na Lider

Bago tulungan ang mga miyembro sa inyong lugar, mag-ukol ng oras na pag-isipan ang iba’t ibang kalagayan sa tirahan ng inyong mga miyembro. Mayroon bang ligtas na maiinom na tubig sa malapit? Mayroon bang umaagos na tubig sa gripo sa loob ng tahanan? Mayroon bang refrigerator? Mag-isip ng mga paraan para masunod ang mahahalagang punto sa iba’t ibang sitwasyon.

Kapag natukoy mo na ang mga pangangailangan ng mga miyembro sa inyong ward, matutulungan mo ang mga miyembro na matuto tungkol sa mga gawi sa ligtas na pagkain sa pamamagitan ng mga aktibidad ng grupo o sa pagbabahagi ng impormasyon sa kanila tungkol sa paghahanda ng pagkain.

Kaugnay na Content

Huling Na-Update Noong 31 Okt 2024