Sina Joseph at Emma Smith sa Nauvoo

The Smith family homestead, Nauvoo, Illinois, USA, was the home of Joseph and Emma Smith when they first gathered to the village of Commerce, Illinois (later renamed Nauvoo). Photo taken May 2022.
Sinasagisag ng Nauvoo ang kaganapan ng ministeryo ni Joseph Smith sa mundo bilang propeta. Sa loob lamang ng limang taon, itinuro ni Joseph ang malalalim na katotohanan tungkol sa katangian ng Diyos, ang tadhana ng Simbahan, at ang pangako ng mga walang-hanggang pamilya. Ipinakilala niya ang mga ordenansa sa templo at inorganisa ang gawain sa templo para sa mga yumaong ninuno. Ginamit niya ang mga susi ng priesthood sa pagtatatag ng Female Relief Society of Nauvoo. Tiniyak niya na ang mga susi sa pamumuno ay magpapatuloy sa mga propeta at apostol pagkatapos niyang mamatay. Sa buong panahon nilang magkasama sa Nauvoo, ang kanyang asawang si Emma ay naglingkod bilang kompanyon ni Joseph sa pamumuno at pagtuturo sa iba, kabilang na ang kanilang mga anak sa kanilang tahanan.
Mula pa noong dekada ng 1840, iningatan ng pamilya Smith, at kalaunan ng Community of Christ, ang mga alaala nina Joseph at Emma Smith sa pamamagitan ng muling pagtatayo ng pulang tindahan ni Joseph na yari sa pulang ladrilyo at pangangalaga sa bahay ng pamilya, ang Mansion House, ang Nauvoo House, at ang sementeryo ng pamilya. Ang kanilang maingat at tapat na pangangalaga sa mga ito sa paglipas ng maraming taon ay bahagi ng pamana ng mga sagradong lugar na ito.

Sina Joseph at Emma Smith at kanilang apat na malilit na anak ay lumipat sa isang maliit na bahay na yari sa troso na may dalawang palapag sa may liko ng Mississippi noong Mayo 1839. Ang kanilang pagdating ang hudyat ng katapusan ng isang panahon ng paghihirap para sa kanilang pamilya. Nilisan ni Emma at ng mga bata ang kanilang tahanan sa Far West, Missouri, sa simula ng taglamig na iyon. Pagkatapos noong Abril, si Joseph at kanyang mga kasamang bilanggo mula sa Liberty, Missouri, ay nakatakas mula sa kanilang mga guwardya at tinawid ang ilog patungong Illinois. Makalipas ang ilang linggo na walang sariling bahay na matutuluyan, malamang na nasabik ang pamilya sa paglipat na ito. Sa sumunod na limang taon, ang pamilya ay nakaranas ng pagkakasakit, pagkamatay ng mahal sa buhay, paghahabla, at problemang pinasiyal. Gayunman, natamasa ng propeta at ng kanyang pamilya ang sukat ng kapayapaan at kasaganaan sa tulong ng kanilang pananampalataya kay Jesucristo at sa tulong mula sa iba pang Mga Banal sa mga Huling Araw. Dinagdagan pa nila ang espasyo ng kanilang bahay at nagtayo ng isang tindahan at isang hotel sa malapit. Ang mga gusaling ito ay naging lugar ng paghahayag at pagtuturo.
Noong Enero 1841, inatasan ng Panginoon ang Mga Banal sa mga Huling Araw sa Nauvoo na magtayo ng isang bahay ng Panginoon—ang Nauvoo Temple. Inutusan din Niya sila na magtayo ng “isang bahay para paupahan,” kung saan ang mga estranghero ay makakapunta at makakatagpo ng “kalusugan at kaligtasan” at pagkakataon na “pinagninilay-nilayan ang salita ng Panginoon; at ang batong-panulok na aking itinakda para sa Sion.” Ang bahay para paupahan ay pinangalanang Nauvoo House, at tulad ng templo, ito ay magtataglay rin ng pangalan ng Panginoon. Iyon ay isang malaking proyekto, at sa huli, hindi ito natapos ng Mga Banal sa mga Huling Araw bago nilisan ng karamihan sa kanila ang Illinois. Magmula noong dekada ng 1860, ginamit ni Lewis Bidamon ang mga bato at ladrilyo mula sa Nauvoo House para bahagyang matupad ang mga salita ng Panginoon sa pamamagitan ng pagbubukas ng Riverside Mansion at Bidamon stables.

Ilang buwan lang bago nailatag ang batong panulok ng Nauvoo House, binuksan ni Joseph Smith ang isang malaking tindahan na yari sa pulang ladrilyo na may dalawang palapag. Sa itaas ng tindahan ang personal na opisina ni Joseph Smith at isang malaking silid para sa mga pagtitipon. Sa opisina sa ikalawang palapag, si Joseph ay nagsulat ng isang artikulo sa pahayagan bilang tugon kay John Wentworth, patnugot sa isang pahayagan sa Chicago. Ang sulating iyan ay kinabibilangan ng 13 Saligan ng Pananampalataya at isang makapangyarihang pahayag tungkol sa tadhana ng Simbahan na ngayon ay kilala bilang Ang Pamantayan ng Katotohanan.
Noong ika-17 ng Marso, 1842, si Joseph Smith ay sumama sa kanyang asawang si Emma at isang grupo ng mga 20 kalalakihan at kababaihan sa silid sa taas ng tindahan. Ang pulong na ito ang nag-organisa ng Female Relief Society of Nauvoo, at si Emma Smith ang naging pangulo nito. Ang tindahan ay nagbigay rin ng lugar para sa ilang mga pagpupulong ng Relief Society sa sumunod na dalawang taon.

Habang naghihintay na matapos ang Nauvoo House, nagdesisyon si Joseph Smith na magtayo ng isang mas maliit na hotel sa tapat. Naging mabilis ang konstruksyon dahil maraming troso ang umaagos sa ilog. Ang pamilya Smith ay lumipat sa bagong gusali noong Agosto 1843. Pagkalipas ng ilang linggo, nagbukas ang Mansion House Hotel.

Ang mga taon ng 1842 at 1843 ay panahon ng pag-aaral tungkol sa mga ordenansa ng endowment at pagbubuklod na ngayon ay isinasagawa na sa mga templo sa buong mundo. Sina Joseph at Emma Smith ay ibinuklod sa isa’t isa sa silid sa itaas ng tindahan noong Mayo 1843. Pagsapit ng Setyembre, natanggap din ni Emma ang endowment. Tinuruan niya ang iba pang kababaihan kung paano pangasiwaan ang ordenansa kapang natapos na ang Nauvoo Temple. Habang nagtitipon ang mga lider ng Simbahan sa Mansion House, ang bahay ay naging lugar ng mapanalanging pagtuturo at inspirasyon.

Nang mamatay si Joseph Smith at kanyang kapatid na si Hyrum sa Carthage, nag-iba ang gamit sa Mansion House. Dito ibinurol ang magkapatid at mga 10,000 katao ang nagpunta para magpaalam bago sila inilibing. Ngayon ang mga labi nina Emma, Joseph, at iba pang kapamilya ay nakahimlay sa Sementeryo ng Pamilya Smith.