Simula ng Relief Society

Ang pandaigdigang female Relief Society ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa Huling Araw ay pinasimulan na noon sa Nauvoo, kung saan hinangad ng kababaihan na tumulong sa pagtatayo ng Sion at ng templo.
White clapboard home with white picket fence in front.
Ang Relief Society, ang organisasyon ng Simbahan para sa mga adult na kababaihan, na nagsimula sa Nauvoo bilang paraan ng paglilingkod sa mga nangangailangan, ay naging pandaigdigang kapatiran ng mga kababaihang miyembro na naninirahan sa mahigit 100 bansa. Dalawang ipinanumbalik na bahay sa Nauvoo ang tumulong sa pagsasalaysay ng mga kuwento ng mga kahanga-hangang kababaihan na bahagi ng kuwentong iyon ng pinagmulan: sina Sarah Granger Kimball at Lucy Mack Smith. Ang interaksyon ni Sarah Granger Kimball kay Joseph Smith ay nagpapakita sa atin kung paano nakatulong ang maliit na grupo ng kababaihang Banal sa mga Huling Araw sa paghahanda sa propeta na tumanggap ng kalooban ng Diyos na lumikha ng isang organisasyon para sa kababaihan ng Simbahan. Ang ina ni Joseph, si Lucy Mack Smith, ay nauna at kilalang miyembro ng Female Relief Society of Nauvoo. Ang impluwensya niya sa kanyang anak at sa Pagpapanumbalik ay hindi matatawaran. Palagi niyang sinusuportahan ang misyon ng kanyang anak bilang propeta sa buong buhay niya.

Hiram and Sarah Granger Kimball Home

Well-lit room with a table surrounded by four chairs, a rocking chair, and other furnishings.
Kimball Home, Sala.
Sa unang bahagi ng 1842, sinabi ni Sarah Kimball na “Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa Huling Araw ay salat sa materyal na bagay ng mundo at kasigasigan sa gawaing ipinagagawa.”1 Kailangan ng tulong lalo na sa pagtatayo ng templo, na isang metro lamang ang taas noon at nakikita ni Sarah sa burol kapag nakatanaw siya sa bintana ng kanyang sala.
Head and shoulders photographic portrait of elderly woman.
Si Sarah Granger Kimball ilang dekada matapos siyang lumipat mula sa Nauvoo patungo sa Utah.
Isang araw, kausap ni Sarah si Margaret Cook, isang mananahing nagtatrabaho para sa mga Kimball. Kamakailan ay nanawagan ang mga lider ng Simbahan para sa “mga pagkain, damit, higaan at pangkalahatang suplay para sa mga manggagawa [na nasa pinagtatayuan ng templo] at sa kanilang pamilya.”2 Ipinahayag ni Margaret ang pagnanais niya na manahi; nag-alok si Sarah na magbibigay siya ng tela. Natanto nila na maaaring gustong mag-ambag ng iba at tinalakay ang pag-oorganisa ng isang sewing society para “makatulong sa pagtatayo ng Templo.”3 Makalipas ang ilang araw, mga labindalawang kababaihan ang nagtipon sa sala ni Sarah. Pinili nila si Eliza R. Snow para magsulat ng mga tuntunin at konstitusyon para sa kanilang bagong organisasyon, na pagkatapos ay ipinarebyu nila kay Propetang Joseph.

Matapos basahin ng Propeta ang mga ito, sinabi niya na ang mga ito ay “pinakamainam sa lahat ng nakita na niya.” “Ngunit,” sabi niya, “hindi ito ang gusto ninyo.” Ipinabatid ni Joseph sa mga miyembrong babae na tinatanggap ng Panginoon ang kanilang mga handog, at Siya ay may inilalaan na mas mainam para sa kanila. Katunayan, iniutos ng Panginoon kay Joseph na “isaayos ang kababaihan sa ilalim ng priesthood ayon sa pagkakaayos sa priesthood.”4

Hanggang sa puntong ito, ang mga istruktura ng organisasyon na inihayag kay Joseph ay nakatuon sa mga priesthood quorum at mga katungkulan na hawak ng kalalakihan sa Simbahan. Hindi magtatagal, ang mga kababaihan ay pamamahalain sa kanilang sariling organisasyon na puro babae. Sa pag-oorganisa kapwa ng kababaihan at kalalakihan “alinsunod sa batas ng Langit,” ang mga Banal ay handang tumanggap ng karagdagang liwanag at kaalaman sa templo.5 Hindi tulad sa Kirtland, lumahok ang kapwa kalalakihan at kababaihan sa mga ordenansa sa templo na ipinakilala sa Nauvoo. Ang mga inspiradong ginawa nina Sarah at Margaret ay talagang hindi lamang naghanda ng templo para sa mga tao kundi pati na rin ng mga tao para sa templo.

Itaas na Palapag ng Red Brick Store nina Joseph at Emma

Noong Marso 17, 1842, 20 kababaihan, kabilang sina Sarah Kimball at Margaret Cook, ang nagkita sa itaas na palapag ng Red Brick Store nina Joseph at Emma. Pinamunuan ng propeta ang kanilang pulong, sa tulong ng dalawang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sa unang pulong na ito ng Relief Society, si Emma Smith ay nahalal na pangulo sa pamamagitan ng nagkakaisang boto. Ipinaliwanag ni Joseph na ang tungkulin ni Emma ay katuparan ng paghahayag na natanggap niya 12 taon na ang nakararaan—na nakatala ngayon sa Doktrina at mga Tipan 25.
Many seated women face a man holding a book.
The Foundation of the Relief Society [Ang Simula ng Relief Society], ni Walter Rane.
Dumami ang miyembro ng Female Relief Society of Nauvoo. Madalas silang magpulong, kabilang ang limang karagdagang pulong kasama si Joseph Smith, na nagbigay ng payo sa samahan bilang propeta. Itinuro niya sa kababaihan na sila ay “hindi lamang para magbigay-ginhawa sa mga dukha, kundi para magligtas ng mga kaluluwa.”6 Ngayon, bilang mga miyembro ng pandaigdigang Relief Society, patuloy na nagtutulungan ang kababaihang Banal sa mga Huling Araw para tulungan ang mga nangangailangan at magligtas ng mga kaluluwa.

Lucy Mack Smith Home

Parlor room with fireplace and bed alcove.
Lucy Mack Smith Home, Kusina, kasama ang bed alcove.
Ang isa pang babae na may malaking impluwensya sa gawain ng mga Banal sa mga Huling Araw ay si Lucy Mack Smith, ina ni Joseph Smith Jr. Lumipat siya sa tahanan sa Nauvoo na ngayon ay nagtataglay ng kanyang pangalan oong Abril 1846, noong siya ay 70 taong gulang at matapos umalis pakanluran ang maraming residente ng Nauvoo. Halos lahat ng huling taon ni Lucy ay inilaan niya sa pag-iingat sa alaala ng kanyang anak na si Joseph at pagpapatotoo tungkol sa awtoridad nito bilang propeta.
Painting of an elderly woman seated in a rocking chair. She is holding a book in her hand.
Larawan ni Lucy Mack Smith
Ang matatag na suporta ni Lucy sa kanyang anak na si Joseph at sa Simbahang itinatag nito ay naghikayat sa iba na tawagin siyang Inang Smith noong nasa Nauvoo siya. Bukod dito, si Inang Smith ay itinuturing na isang “ina sa Israel.”7 Noong 1833, isang basbas mula sa kanyang anak na si Joseph ang nagbigay ng titulong ito kay Lucy: “At pinagpala rin, ang aking ina, sapagkat siya ay isang ina sa Israel. … Sapagkat ang kanyang kaluluwa ay laging puspos ng kabutihan at pagtulong, at sa kabila ng kanyang edad, tatanggap pa siya ng lakas at mapapanatag sa gitna ng kanyang bahay: at ganito ang sinabi ng Panginoon, Siya ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan.”8

Ang titulo ay nanatili kay Lucy maging pagkatapos ng kamatayan ni Joseph. Sa pangkalahatang kumperensya ng Simbahan noong Oktubre 1845, humingi si Lucy ng pagkakataong magsalita sa kongregasyon. Dito, ang unang tala tungkol sa isang babae na nagsalita sa pangkalahatang kumperensya, hinikayat niya ang mga Banal na gabayan ang kanilang mga anak sa katotohanan nang may pagmamahal at kabaitan. Pagkatapos ay itinanong niya sa kongregasyon kung siya ay itinuturing nila na isang ina sa Israel. Tumayo si Brigham Young at inilagay ang tanong para sa pagsang-ayon at “isang nagkakaisang ‘oo’ ang narinig sa buong” hindi natapos na Nauvoo Temple kung saan sila nagpulong.9
Brick home with white picket fence, brick sidewalk, and pink-flowering trees.
Lucy Mack Smith Home sa Nauvoo.
Si Lucy Mack Smith ang nangunguna sa mga pambihirang kababaihan na ang pamumuno, espirituwal na mga kaloob, at lakas ng pagkatao ay nakatulong na maisakatuparan ang Pagpapanumbalik ng Simbahan ni Jesucristo. Sa ikalimang pulong ng Female Relief Society of Nauvoo, si Lucy Mack Smith ay aktibong miyembro ng organisasyon. Siya at ang iba pang kababaihan sa Nauvoo ay tumulong sa paglalagay ng pundasyon ng kabutihan para sa Simbahan, na isinasakatuparan ang banal na utos na itatag ang Nauvoo bilang batong panulok ng Sion. Ipinapakita ng kuwento ng Relief Society kung paanong ang kababaihan ng Simbahan ay nakagawa ng maraming kabutihan mula pa noong mga unang araw nito, na patuloy na pinangangalagaan ang kabuuan ng pananampalataya ng mga Banal sa mga Huling Araw.
1. “Sarah M. Kimball, Reminiscence, March 17, 1882,” sa Jill Mulvay Derr and others, eds., The First Fifty Years of Relief Society: Key Documents in Latter-day Saint Women’s History (2016), 495.

2. “Sarah M. Kimball, Reminiscence, March 17, 1882,” sa The First Fifty Years of Relief Society, 495.

3. “Sarah M. Kimball, Reminiscence, March 17, 1882,” sa The First Fifty Years of Relief Society, 495.

4. Joseph Smith, sa Sarah Granger Kimball, “Auto-biography,” Woman’s Exponent, Sept. 1, 1883, 51.

5. The First Fifty Years of Relief Society, 6.

6. “Minutes and Discourse, 9 June 1842,” sa Nauvoo Relief Society Minute Book, 63, josephsmithpapers.org; tingnan din sa The First Fifty Years of Relief Society, 36, 79.

7. Ang katagang “Ina sa Israel” ay tumutukoy sa matatatag at matatapat na kababaihan sa Lumang Tipan, tulad nina Sara, Rebecca, Raquel, Lea, at Debora. Tingnan sa mga Hukom 5:2–31 at 2 Samuel 20:19.

8. “Appendix 5, Document 1. Blessing to Joseph Smith Sr. and Lucy Mack Smith, between circa 15 and 28 September 1835,” 9, josephsmithpapers.org; idinagdag ang pagbibigay-diin.

9. Journal History of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, Oct. 8, 1845, 470–71, Church History Library, Salt Lake City; tingnan din sa “This Gospel of Glad Tidings to All People,” sa Jennifer Reeder and Kate Holbrook, eds., At the Pulpit: 185 Years of Discourses by Latter-day Saint Women (2017), 23.